Friday, December 25, 2009

Maligayang Kaarawan Bro!

Pag-ibig. Pag-ibig. Pag-ibig.


Maligayang Pasko po sa ating lahat!



Pag-ibig. Pag-ibig. Pag-ibig.

Friday, December 18, 2009

BJDP

Eksaktong dalawa't-kalahating dekada ang nakakaraan ng mauso ang mga salitang ito sa di malamang kadahilanan...

-Pogi
-Gwapo
-Cute
-Ma-appeal
-Matikas
-Sexy

Wednesday, December 16, 2009

Jing gambels

Tatlong batang nagcacaroling sa tapat ng aming bahay...

"Jing gambels jing gambels jing gam all the way...
O was pan diris toray ina wan orsopen sley...
HEY!!!"

Repeat chorus.

Monday, October 5, 2009

Run Samson run

Birthday ni ermats kahapon kaya medyo puyat ako ngayon. Hindi naman kami uminom, at hindi rin naman ako tumulong sa pagliligpit o ano pa man. Napuyat ako dahil sa run Samson run na kinakanta ng isa sa mga amigas niya. May videoke kasi kagabi kaya ayun nakulingling ang tenga ko sa mga birit nila. Bonggang-bonggang kantahan one to sawa. Sa dami ba naman ng kinanta nila, sa bwisit na run Samson run na yun pa ako na-LSS... hangga ngayon.

...Run Samson run
Delilah's on her way

Run Samson run
You ain't got time to stay...


Monday, September 28, 2009

Offdoy

Taenang ondoy yan! Teka lang ha, yung bagyo tinutukoy ko baka kasi ka-pangalan mo murahin mo din ako. Mabuti na lang at lumayas na, pero hindi naging mabuti ang iniwan niyang bakas. Hindi naman ako masyadong naapektuhan ng bwisit na ondoy na yun. Salamat na lang kay Bro, maswerti pa rin kami, hindi pa naman ako marunong lumangoy. Pero marami sa ating mga kababayan ang nakaramdaman ng hagupit nito. Kalunos-lunos ang kanilang kalagayan, di ko tuloy maiwasan ang mapamura at manlumo habang pinapanuod sa balita ang mga nangyayari.

Gustuhin ko man i-donate ang ilang baryang naipon ko dun sa aking alkansya pero di ko lam papaano, kaya idadaan ko na lang kay Bro. Kahit papaano nakakatuwa pa ring panuorin ang pagkakaisa ng mga Pilipino. Sa ganitong mga sitwasyon maaasahan talaga ang kapwa pinoy. Hindi tulad ng ibang tao diyan, kung anu-ano pa pinagsasabi mali mali pa ang english ng mokong. Hindi ko alam kung tao nga yun o si ondoy na nagkatawang tao. Baon na baon na nga ang pako pilit mo pang pinupukpok. Mas maganda siguro kung sa'yo na lang dumapo ang mga nagliliparang bubong.

Nakakalungkot lang talagang isipin marami ang namatay at marami pa din ang nawawala. Alam ko namang ginagawa ng mga kinauukulan ang lahat, pero mas makakatulong ang panalangin ng bawat isa sa atin.

Hirap na hirap na nga ang ating bansa doble-dobleng pagsubok pa ang nararanasan natin. Pero matatag ang pinoy, babangon at babangon ito sigurado yun. Kahit ilang ondoy pa ang dumaan sa buhay niya hindi ito basta-basta susuko. Alam kong hindi ganuon kadali, pero sige lang, kaway lang sa camera, ingiti mo na lang. Mas mabagsik tayo kay ondoy.

Sunday, September 20, 2009

Wapoise

Madalas natin maranasan ito sa mga driver na mahigpit ang pangangailangan... yung naghihintay ng pasaherong sasakay kahit na ilang metro pa ang layo. Nakakabadtrip ang ganito lalo na pag nagmamadali ka, at lalung lalo na kung paimportante ang dating ng pasahero na kung maglakad eh parang nasa ilalim ng buwan tapos hindi man pala sasakay. Badtrip talaga. Ok lang sana kung bebot ang hinihintay ng ganito.

Napakainit. Galit na galit si haring araw, na-miss daw kasi ang mga tao sa Pinas. At na-miss ko din ang di-kaaya-ayang amoy ng ibang pasahero. Sa likod ni manong driver ako naka-upo, at ayun nga may hinihintay itong pasahero.

Pero jusko naman po ang layo layo pa at iisa lang naman ang aming hinihintay. At ito namang babaeng ito, na di namin alam kung sasakay o hindi, di man lang alintana ang tindi ng sikat ng araw. Patext-text at pakembot-kembot pa, walang pakialam sa mga pasaherong naghihintay, hindi man lang bilisan o lakihan ang hakbang. Keber kung keber. Nag-iinit ang ulo ko ng mga oras na yun gustong-gusto ko na kasi talagang makauwi at makaligo, isa na ako sa mga pasaherong may di-kaaya-ayang amoy. Habang papalapit itong babae ito medyo nakikinita ko na ang mukha at hubog ng katawan, at ibang ulo ko ngayon ang nararamdaman kong nag-iinit. Naka-corporate attire at ang lakas ng dating niya, wiwit ang katawan. Sexy. Chikababe. Ang sarap niyang panuorin maglakad, poise kung poise, chin-up, parang rumarampa lang sa entablado.

Umusog ako ng kaunti para kung sakali mang sumakay siya sisiguraduhin kong tatabi sa akin.
Kaso wala rin kwenta, trip niya umupo sa passenger seat kaya dun siya dumiretso. Tinititigan ko siya habang papaakyat ng dyip, pero nabigla ako. Kitang-kita ko ang nangyari. Langya ang lakas ng kalabog, ang lakas ng pagkakauntog niya. Alam kong narinig namin lahat yun.

Hinihintay kong kamutin o haplusin man lang ang ulo niya dahil siguradong bukol ang katapat nun. Pero wala eh, walang paki. Dedma. Parang walang nangyari. Pinanindigan niya ang pagrampa niya kanina. Poise pa rin siguro ang nasa isip niya.

Alam kong mali na pagtawanan siya, kaya nga pinigilan kong humagalpak eh. Ang hirap pala pigilan nun, di ko maiwasan lumolobo tuloy butas ng ilong ko. Wahahaha! Pinagmasdan ko mga nakasakay mukhang pinipigilan din ang pagtawa. Hindi na nga naman kailangan pang ipahiya ang taong napahiya na. Pero kung may isa lang na tatawa dun siguradong matatawa din ako.

Tsk! Tsk! Sayang tsong. Swabe na sana ang tirada kaso wala eh. Wapoise!

Monday, September 14, 2009

Dirty tactics

Mainit ang pagbati natin pag dumarating ang araw ng mga nanay at tatay, pero patapos na lang ang araw ng malaman kong grandparent's day pala kahapon. Ganun naman ata talaga pag luma at lipas na, nakakalimutan na. Matanda na eh.

May kasabihan ang matatanda... Sa hinaba-haba man daw ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy. Madalas natin ihambing ang kasabihang ito sa magkasintahang matagal na nagliligawan at pakiputan pero nauuwi din sa kasalan. Pero kung literal na babasahin, ang prusisyon nagsimula sa simbahan, at magwawakas din sa simbahan. Ibig sabihin, nagsimula ka sa umpisa babalik at babalik ka rin sa umpisa. Magandang halimbawa ang tao mismo, nagsimula ka bilang isang sanggol na gumagapang at walang kamuwang-muwang sa mundo. Susubuan ka, paliliguan, dadamitan, lalagyan ng diaper. Darating ang araw, ikaw na sanggol ay lilipas din, lalamunin ng panahon ang oras mo. Tatanda, kukulubot, gagapang, at babalik at babalik ka rin na parang isang sanggol. Susubuan, paliliguan, dadamitan, lalagyan ng diaper.

Marahil isa ka rin sa mga nagtatanong kung bakit... Kung bakit may mga anak na ganuon na lamang ang trato sa kanilang walang silbi at pabigat na uugod-ugod na mga magulang? Binabalewala. Minamaltrato. Sinusupladuhan. Konting halinghing lang sa atin, sinasalubong agad natin sila ng kasungitan at kabwisitan. Di ko tuloy maiwasan na alalahanin at ulit-ulitin na basahin yung ginawang tula ni Fr. Ariel Robles.

Napakaikli ng pasensya natin pagdating sa matatanda. Hindi naman dapat ata ganuon ang diskarte. Madaya tayo maglaro. Hindi patas. Hindi ginawa sa atin yan nung sanggol tayo. Baka nakakalimutan mo darating ang araw tatanda ka rin. Kukulubot at uugud-ugod.


May maikling kwento akong gustong ibahagi. Malamang narinig mo na rin ito...

Isang araw nadatnan ng anak ang nanay nitong sinusubuan ang lola...

Nay bat mo naman po diyan pinapakain si Lola sa maliit na palanggana? Bakit hindi sa plato? Parang kainan naman po ng baboy yan. Ang dumi pa.

Eh itong lola mo ang kulit-kulit! Yung mga babasaging pinggan natin naubos dahil sakanya! Ang hirap pakainin laging hinahawi ang plato kaya nagka-basag-basag ang mga ito.

Kinagabihan...

Oh anak gabing-gabi na bat di ka pa natutulog? Ano ba yang ginagawa mo dyan?

Nililinis ko po tong maliit na palanggana nay... para pag kayo tumanda dito ko rin po kayo pakakainin.

Sunday, September 6, 2009

Curachi

May ikukwento akong pabulang nagpasalin-salin na sa iba't-ibang bibig at lengwahe. Pati nga hapon may version na nito eh (nanghuhula lang ako). Pabula ito kaya marami kang mapupulot na gintong-aral, maniwala ka.

Umpisahan na natin.

Isang bagong panganak na langgam ang isinilang sa mundo ng mga hayop. Lalaking langgam. Sa kasamaang palad, namatay ang ermats niya sa panganganak sa kanya. At ang erpats naman niya ay hindi na umuwi buhat ng umalis ito sa bahay para maghanap ng makakain. Sa madaling salita, naging ulila kaagad ang kaawa-awang langgam. Siya lang mag-isa at walang kasama. Naisip niyang magpatiwakal na lang at mangakat ng tao kaso nagbago isip niya.

Dahil nga sa ulila na siya kailangan niyang humanap ng makakain para buhayin ang sarili. Sa kanyang paglalakbay marami siyang nakilalang iba't-ibang klasi ng hayop na sa tanang buhay niya ay nuon pa lang niya nakita. Kaya sa bawat makasalubong ito ng hayop na bago sa kanyang paningin, tinatanong niya ito at inaalam kung anong klasi at san nabibilang na uri ng hayop.

Sa isang madamong paglalakad, may nakasalubong siyang ahas.
Tinanong niya ito: Sino ka? Ako ay isang ahas, sagot nito. Ahas?!? Ano yun? Gusto mong malaman?, tanong ng ahas. Oo! Sex muna tayo, sagot ni ahas. Ok sige.
At nagsex nga sila ni ahas. Pagkatapos nun ipinaliwanag ni ahas kung sino talaga siya. Isa daw siyang hayop na kinatatakutan ng mga tao, makamandag daw siya, nakamamatay ang kagat, blah blah blah...

Alam ko iniisip mo paano sila nagtalik ng ahas, kahit ako hangga ngayon iniisip ko papaano nga. Gamitin na lang natin ang ating imahinasyon. Basta nag-sex sila, yun na yon.

Nagpatuloy ang kanyang paglalakbay at napunta sa disyerto. Nakakita siya ng kurbadang may lampin at mga basket na likuran ng isang hayop. Tinanong niya ito: Sino ka? Ako ay isang camel. Ano naman yun?!? Gusto mong malaman?, tanong ni camel. Oo! Sex muna tayo sabi ng camel. Nag-isip muna ng bahagya si langgam pero pumayag din ito. At nagsex nga sila, pagkatapos nun ikinuwento na ni camel kung anong nga uri sila ng hayop.

Pagod na pagod at hapong-hapo na ang kawawang langgam ng makasalubong niya si elepante sa isang maburak na lugar. Ngayon lang siya nakakita ng elepante kaya tinanong niya rin ito. At para masagot ang tanong ni langgam, kailangan din muna daw nilang magsex sabi ni elepante. Oo nagtalik sila, elepante at langgam.

Kaawa-awa talaga itong langgam dahil sa mga nararanasan niya sa kanyang buhay. Marami-rami na din siyang nakikilalang mga hayop tulad ng unggoy, kalabaw, octopus, hipopotamus at iba pa.

Hangga ngayon patuloy ang pakikipagsapalaran niya sa buhay. Malayo-layo na rin ang narating ng kanyang nalakbay at nalaman na rin niya kung ano ang curachi, na nakilala niya sa mababatong lugar.

At dyan nagtatapos ang munting karanasan ni langgam.

Tuesday, September 1, 2009

Bedridden

Emo 'to. EMO! Di mo maiintindihan.

"I want always to be a boy, and have fun." -Peter Pan

Nagiging maliit na ang mundo para sa akin. Di katulad dati, ayos na araw ko makapaglaro lang ng langit-lupa-saksak-puso-tulo-ang-dugo, tagu-taguan-maliwanag-ang-buwan-pagbilang-ko-ng-sampu-nakatago-na-kayo, touch-the-color-red-blue-magenta-fushia. Pucha talaga, hindi na pala laro ito.

Hindi ko rin alam anong problema. Maraming bagay na ang hindi ko na maintindihan. Tulad ng ano? Ewan. Di ko talaga maintindihan. Pakiramdam ko pinagkakaitan ako ng masasayang bagay. Parang wala akong karapatang tumawa ng malakas, humalakhak at pumalakpak. Nawawalan na ako ng gana sa buhay. Ang gusto ko na lang maging bata ulit. Maglaro lang ng maglaro.

"Dreams are my reality, a wonderous world where I like to be..." -Richard Sanderson

Sabi ng professor ko nun sa psychology, 1/3 of our entire life ay natutulog tayo. Nananaginip. Oo nga naman dahil humigit-kumulang 8 oras tayo kung matulog. Pero ako? Hindi lang 8-oras kung matulog dahil higit pa dun. Ang sarap kasing managinip. Lalo na kapag malulungkot, mga trahedya, mga masasaklap na pangyayari, mga sablay ang mapapanaginipan ko, dahil sa paggising ko makakaramdam ako ng relief. Salamat at panaginip lang pala. Pero kung katulad ng totoong buhay ang panaginip, na pwedi mong ituloy-tuloy kapag matutulog na, mas nanaisin kong managinip ng masasaya at gumising na lamang ng 8-oras. Matulog ng 16-oras. Sa panaginip ko na lang tutuparin ang aking mga pangarap. Yun nga lang di ako makakainom ng tunay na redhorse at makakapagbuga ng usok ng yosi, na sa panahon ngayon ay sila lang ang aking kinakapitan na alam kong hindi ako iiwan. Dahil ako ang may hawak sa kanila, iiwan lang nila ako pag binitawan ko na pagkakasakal sa bote at pagkakasipit sa filter. Unti-unti nila akong pinapatay at binubuhay.

Nasasabayan mo pa ba ang daloy ng utak ko ngayon? Wala na talaga akong naiintindihan. Lumulutang talaga ako. Ang sarap kasing pakawalan nito. Sabi ko na sa'yo 'di mo 'to maiintindihan.

“I love walking in the rain, ’cause then no-one knows I’m crying.” -Charlie Chaplin

May mga pagkakataong natutulog akong may katabing panyo, pampunas sana ng tamod pero nauuwi sa luha. Sa ganuong pagkakataon hindi na ako makakatulog, papaano ka pa ba naman makakatulog kung basang-basa na ng luha ang iyong unan? Makakatulog lang ako pag sobrang pagod na puso, isip at kaluluwa ko. Ang sakit. Ang saraaap.

Meron pang masarap gawin pag umuulan, ang sumigaw kasabay ng dumadagundong na kulog. Waaaaaahhhhhhhhhh!!! Ang hirap maging masaya, pero andaling maging malungkot. Ang sakit sa dibdib. Ang buhay ko ngayon ay walang pinagkaiba sa lola kong nakaratay na lang sa higaan. Sinusubuan, pinaiinom, binabantayan, pinapaliguan, pinapalitan ng diapers. Nakakulong lang sa apat na sulok ng kama.

"I think I need a new town, to leave this all behind, I think I need a sunrise, I'm tired of the sunset." -Augustana

Nasaan ang aking tapang? Ang aking lakas ng loob? Nasaan? Eh wala naman ako ng ganun eh. Ni hindi ko nga alam kung bakit ako nandito. Nawawala ako. Gusto ko ng umuwi. Gusto ko ng bumalik sa kung saan talaga ako nagmula. Di ko lam kung saan. Basta gusto ko ng umuwi. Bro gusto ko ng umuwi.

Friday, August 28, 2009

Ending

Hindi ko alam kung uso pa ito, wala na kasi akong nakikitang nagpapataya nito sa amin. Yung "ending". Yung sa basketbol. Yung kombinasyon nung dalawang huling numero ng final score ng dalawang team sa PBA. Oo, yun!

Nung ako'y gusgusing bata pa, na laging may tuyong sipon sa butas ng ilong at maitim na kwintas sa leeg, yung mga kalaro ko laging nagpapataya at lagi akong tumataya ng ganun. At ako din naman ay nasubukan ko ng magpataya ng "ending", pero madalas nag-aabono ako. Dependi sa nagpapataya kung magkano itataya. Kung natyambahan mo yun at tumaya ka ng piso mananalo ka ng 80 pesos. At kung ang tayaan naman ay...

2 piso = 160 pesos
3 piso = 240 pesos
5 piso = 400 pesos
and so on and so forth... Meron pa nga mga grocery items, appliances, o isang sakong bigas ang papremyo pag malakihan na ang taya.

Kung nagpapataya ka at natayaan lahat ng numero, automatic sayo yung beinti kung tig-pipiso taya. Pero kung hindi napuno yung lahat ng kombinasyong-numero ng mga pirma o initial (kadalasan ganyan ang inilalagay ng mga tumataya), naku isa ka sa mga walang ka-sales-talk sales-talk na katulad kong laging nalulugi. Mag-aabonu ka panigurado at hindi pera mo, kundi pera ng erpats mo na kinupit mo sa kanyang nakasabit na pantalon sa likod ng pintuan.

Panahon ng rivalry ng San Miguel-Alaska, championship nun, siyempre maraming tayaan ng ending. San Miguel paborito ni erpats, kaya ako din San Miguel na rin. Maaga akong naliligo nun sa poso ng kapit-bahay namin, tapos nun tututok na kami ni erpats sa dekwerdas namin telebisyon na nilagyan ng di-pangkaraniwang plastik para magkakulay naman ang black-en-white-TV namin kahit papaano. Sa tuwing namumuro ako sa ending, nagdadasal ako kay Bro na kahit matalo ang San Miguel basta manalo lang ako sa ending. Pag last two-minutes na, naku po dito na magsisimula ang pinaka-aabangan ko, dito nako mapapatayo mula sa pagkakakandung ko kay erpats, dito na rin ako bulong ng bulong na sana 5-6 5-6 5-6 5-6 5-6...

At yown! 5-6 nga ending! Natawa ako ng malakas at nagpagulong-gulong sa kawayan naming sahig habang nakatitig sa akin si erpats na tila ba nagtataka. Nanalo kasi ang Alaska, akala siguro niya iniinis ko siya. Hindi niya kasi alam na tumataya ako ng ganun. Binabawal niya.

Kinabukasan, langya lahat ng mga kalaro ko kasama yung nagpataya nung ending papunta sa bahay namin. Nasilip ko sila sa bakod namin, umaalikabok ang dinadaanan nila. Para silang maghahamon ng away. Tignan mo nga naman ang kahalagahan ng pera noon, halagang 80 pesos nakapagpapalusob ng isang batalyon.

Buti wala si erpats nang iabot sa akin ang 80 pesos na mababahong tig-lilimang pisong papel. Pagkakuha ko nun, nagpalakpakan ang mga kutong lupa. At ayaw umalis ng mga mokong halatang naghihintay ng balato. Pangingiti pa sa akin ang mga gago. Patapik-tapik pa sa balikat ko.

Tuesday, August 25, 2009

Biyaheng langit

Nauuso na naman ang mga nagsasalpukang bus. Hindi ko alam kung sino dapat sisihin sa mga aksidenteng yun. Aksidente nga kasi. Pero sa tingin ko, may mga pagkukulang din ang mga driver dun. Palibhasa yung ibang driver puro mga sarili lang iniisip. Ambilis magpaandar, nakikipag-unahan kasi kumuha ng pasahero.

Katulad na lamang pag sumasakay ako ng bus papuntang Cubao. Yung mga "killer bus" na kung tawagin. Mga bus na parang walang mga kambiyo kundi pindutan lang katulad sa mga jet. Pagsasakay ako ng ganun, tangina paakyat ka palang aapakan na silinyador maihahampas kana sa gitna ng bus. Pati makina ng mga to parang pang-jet, ang iingay. Kaya tuloy yung mga sumasakay na nangangaral (yung mga nanlilimos na nagbabasa ng bible) sila lang nakakarinig sa mga sinasabi nila. Gusto ko man makiusyoso sa mga pinagdadakdak nila pero di ko maintindihan. Isa pa kapag naupo ka sa tabi ng bintana, para kang nakasakay ng rollercoaster na kapag binuka mo bibig mo magmumukha kang katawa-tawa, sa bilis magpaandar ng mga barumbado. Pero ako gustong-gusto ko nakasakay sa mga ganun kahit nakaka-kaba. Gusto ko kasi sa mabilis na mablis na mabis.

Pero mas kinakabahan ako pag nakaangkas sa motor. Napakadelikado kasi, lalo na kapag walang helmet. Kapag may naaaksidenteng ganito na walang mga helmet, sinisisi agad ang driver. Sasabihin pa sa kanya... "Buti nga sayo ang tigas kasi ng ulo mo!" Anak ng tokwa eh hindi naman matitigas ang ulo ng mga yan eh. Isipin mo na lang kung matitigas nga ang bungo ng mga yan, hindi gagawing gel ang sariling dugo pag nahampas ang ulo. Heto ah payo lang, sa mga motoristang ayaw gumamit ng helmet na gustong-gusto patunayan ang tigas ng bumbunan... mabuti pa yung ibang ulo na lang ang ibunggo niyo. Buti pa yun hindi dugo ang lalabas. Kakaibang biyahe yun. Pero teka, paalala lang, wag niyo din kalimutang gamitan ng helmet. Mahirap na buhay ngayon. Global warming. Dumadami na tao sa mundo.

Sunday, August 23, 2009

Superproxy

Umaatend ako kahapon ng children's party. Birthday ng 7-years old na kapatid ni labidabi. Bongga yung celebration niya. Andaming bisita, andami din pagkain. Habang hindi pa nag-iistart ang party tumulong ako sa pangangabit ng mga lobo sa mga upuan. Siyempre pakitang gilas sa future family. Ahihi.

Habang hawak-hawak ko ang lumilipad na lobo, lumilipad din ang aking isipan. Pucha nag-eemo ako. Sa tanang buhay ko kasi di pa ako nabigyan ng ganuong selebrasyon. Tuwing kaarawan ko kasi, masaya na pag may bitbit na isang plastik ng pancit si erpats. Hindi din mawawala ang isang galong ice cream bigay ng lolo ko na pinagsasaluhan naming magpipinsan. Alam ko naman na gusto nila akong bigyan ng masayang kaarawan. Sino ba naman magulang ang ayaw maging masaya ang anak tuwing mga ganuong okasyon. Pero walang-wala talaga kami nun. Minsan pa nga... BOOOONNNGGG!!! Nagising ako sa pag-eemo ng biglang pumutok ang isang lobo.

Nagumpisa na ang party. Yung mga clowns ang sisigla kuno, ang saya-saya ng make-up, ang galing din maghele inaantok ako sa dalawang mokong na yun. Pero bentang-benta sila sa mga matatandang tawa ng tawa. Halatang pilit ang pagpapatawa nila. Makikita't makikita talaga ang emosyon ng isang tao kahit anong bagay ang itapal sa mukha. Naawa tuloy ako sa kanila, kaya nakikipalakpak na rin ako. Mahirap talagang magpatawa lalo na alam mo sa sarili mong maraming bagay ang gustong pumigil sayo gawin iyon.

Palagi naman akong pumupunta sa kanila. Kilala na nga ako halos ng mga kamag-anak niya. Pero nung nagsimula na kaming mag-inuman iba ang naramdaman kong sigla. Habang nagtatagayan kami, nandun yung mga tita niyang hindi naman umiinom pero nakikisingit ng number sa videoke. Tahimik lang ako, at hindi ako yung tipo ng tao na galaw ng galaw para lang mapansin. At jusko po ayaw ko din naman na mapansin ako, baka magtanong pa sila ng kung anu-ano tungkol sa buhay ko. Hotseat ika nga nila. Lalo na't alam kong wala akong alam na ipagmamalaki.

Pero hindi maiiwasan, may mga tanong na naiibabato sa akin. Mababaw lang naman, tipong mga biruan lang. Kesyo kelan daw ang kasal? Mahal ko ba daw talaga ang pamangkin nila? Napapasilip ako sa erpats niya natutuwa din sa mga biruang ganun. Pero sabi nga ni labidabi, sa likod daw ng mga ngiting yun luha ang umaapaw. Kasi daw ang baby niya dalaga na. Ewan ko ba sa ibang magulang na ayaw ikasal ang kanilang mga anak. Iniisip kasi nila maaagawan sila ng isang anak, ang hindi nila alam, bagkus madagdagan pa ito ng isang gagong kagaya ko.

Heto pa ang nangyari, pinakanta pa ako at i-dedicate ko daw sa kanilang pamangkin. Pucha, hindi ko napaghandaan yun kaya sintonado aking boses. Lagi naman. Wahaha! Wag mo ng alamin ano kinanta ko. Naka-ilang shot na rin ako at medyo makapal na aking mukha. Kaya nung binigay sa akin ang mic, itinutok ko agad sa bunganga ko. Palakpakan. Tuksuhan na parang mga highschool na nasa loob ng classroom.

Masayahin yung angkan niya. Nararamdaman ko ang kanilang mainit na pagtanggap sa akin tuwing dadalaw ako sa bahay nila. Nakakatuwa lang isipin, na ang sarap sa pakiramdam kapag natatabunan ang mga bagay na ayaw mong nangyayari sa buhay mo sa kasalukuyan.

Hindi ko na tinapos ang kanilang masayang inuman. Nagpaalam na ako. Habang papauwi nandun ang ngiti sa aking mga mukha. Masaya. Lumilipad pa rin ang aking isipan, na parang lobong nahawakan ang kalangitan.

Thursday, August 20, 2009

Deal

May pamahiin o kasabihan ang matatanda na... kapag nanaginip ka daw na natanggal ang isa mong ngipin, may miyembro ng pamilya mo o malapit sa'yo ang mawawala na sa mundong ito. Mamamatay. Marami na akong beses nanaginip ng ganito, ang huli ay nung Martes. Wala naman nangyayari, kasabihan nga lang. Di naman nagkakatotoo, dahil na rin siguro sa kinokontra ko. Tama. May pangontra sa kasabihang ito. Kagatin mo daw ang kahit na anong kahoy ng ilang segundo pagkagising mo. Yan ang aking ginagawa, kinakagat ko ang computer table o kaya kabinet ko. Wala naman mawawala kung susubukan. Mabuti at nilolock ko ang aking pinto, baka kasi may biglang pumasok habang kagat-kagat ko ang aking kabinet. Ano kaya ang magiging reaksiyon nila pag nakita nila akong ganun? Itatali siguro ang kamay at ididiretso agad ako sa loob ng Mandaluyong.

Kanina naman ang panaginip ko... ginigising daw ako at hinalikan sa pisngi ni ermats. Isang pangyayaring hindi pangkaraniwan saming mag-ina. May mga sinasabi daw siyang mga habilin, na tila ba nagpapaalam na. Iyak daw ako ng iyak sa aking panaginip.

Parang hindi ko yata gusto ang mga napapanaginipan ko lately ah. Parang may hindi tama. Ayokong isipin na senyales ito ng isang bangungot sa totoong buhay. Ayokoyokoyokoyoko.

High-blood si ermats. Ngayon lagi siyang nahihilo at tumataas ang presyon. Isa na rin siguro ang puyat at siyempre hindi mawawala ang kunsimisyon sa aming magkakapatid.

Nakipagkasundo ako kay Bro, magkikita kami sa darating na linggo. Ang gusto ko lang mangyari... aayusin ko na buhay ko, iwas bisyo, tutuparin ko na mga pangarap ko, magsisipag na ako, magiging mabuting tao at lahat ng gusto niya gagawin ko... basta wag niya lang muna kukunin ang aming ina.

Hindi pa tapos ang obligasyon ko bilang anak. Wala pa nga akong naibibigay na kapalit sa kanyang mga sakripisyo, na alam naman nating hindi matutumbasan ng kahit na ano. Hindi naman maluho si ermats, hindi na siya naghahangad ng isa pang bahay at lupa, o mga sasakyan. Ang gusto lang niya makapunta sa iba't ibang bansa. Makapamasyal. Sa ngayon dalawang bansa palang napupuntahan niya, Hongkong at ang Pinas. Kaya pag ako yumaman pucha, bibili ko siya ng sariling eroplano.

Sana. Sana. Sana senyales ito ng magandang paggising. Sana binubuhusan lang ako ng malamig na tubig ni Bro para bumangon.

Kailangan ng tumayo. Magpagpag ng unan. Magtupi ng kumot. Magligpit ng higaan. Minsan kailangan mo talagang managinip para gumising.

Wednesday, August 19, 2009

Funny Blog

Ayeee... Award na naman. Nahihiya ako. Ahihi. Hindi ko talaga inaasahan tong award na to na bigay ni LordCM at lahat ng bumubuo ng KaBlogs. Funny daw blog ko. Hindi naman eh, ang korni nga eh. Oo nga buti alam ko. Hahaha! Hindi ko talaga ineexpect to, lalo na yung gwapo mo award tsaka cutest award buti hindi ako nanalo dun, hindi naman masyadong sumakit ang loob ko. Hahaha! Bakit ba? Eh feelingero talaga ako. Dalawang patong nga ng encyclopedia mukha ko.



Maraming salamat sa Kablogs Team! Sa mga taong nasa likod nito at sa mga taong patuloy na sumusuporta dito, maraming salamat! Please support Kablogs (ayun nasa sidebar ko). Ang sarap sa pakiramdam pag pinaparangalan. Nakakataba ng puso. Thanks thanks! ;)

Siyanga pala, sa mga may gustong itanong, i-suggest, ikomento, ireklamo o kahit ano pa man, sa barangay hall ka pumunta. Korni talaga noh. Hahaha! Heto na nga, i-email niyo ko dito haringsablay_haringsablay@yahoo.com. Wala lang, KSP lang talaga ako. Tsaka naiinggit din ako sa may mga email sa blog. Hahaha! Basta wag lang kayong mangungutang o magtatanong tungkol sa chemistry o biology, lalung lalo na wag kayong magkukwento tungkol sa mga multo sa akin. Ayun lang. Hanggang sa muli. Salamat ulit. Mabuhay tayo! Apir! ;)

Friday, August 14, 2009

Kitikitext

Ang pagkaka-alam ko ang salitang "po" at "opo" ay ginagamit sa matatanda, diba? Tama diba? Sa mga gurang ganun. Pero sa mga text messages madalas ginagamitan ako ng "po". Eh isa o dalawang taon lang naman ang tanda ko sa kanila. Bakit kailangan may kasamang "po" pa. Paggalang ba yun o pa-tweetums? Kung paggalang yun, pwedi mo naman akong igalang kahit walang "po". Kung pa-tweetums naman yun, hmmm... Naging pa-tweetums din pala ako dahil ginawa ko na yun dati. Hahaha. Nagsend na din ako ng mga message na tulad nito... Hello po! Kumusta po kana po? Kumain kana po? Miss na po kita po! I love you po...

...Kapag pala bibitawan mo ang salitang "i love you" sa text dapat pala tama spelling ng love. Hindi "i lab u po" o "Luv u po" o "lav yu po" o "labyoupo". Dapat pala love as in L-O-V-E. Dahil kahit san dictionary ka man magpunta ang lab, luv at lav, ay di mo makikita. Ibig sabihin kapag tinext mo ang katagang i lab u, i lav u, labyu sa mahal mo. Meaningless. Useless. Walang kabuluhan...

...Tulad nito walang kabuluhan kaya hindi ko sineseryoso. Sabihin ba naman sa akin na ang mga gwapo't magaganda daw kung magtext eh laging bitin ang mga mensahe. Pati daw sa pagba-blog. Kapag magsusulat daw bitin. Anak ng tokwa naman mga pare, sino naman nag-imbento nito. Kalokohan naman ito. Pweh! Pag bitin ang entry gwapo o maganda na siya? Di ako naniniwala dito. Pero kapag

Wednesday, August 12, 2009

Away-away-away na to

Nung nakaraang sabado sinamahan ko siya sa kanyang dentista. Monthly check-up dun sa kanyang bakal sa ngipin. Maraming tao, sabado kasi. Walang upuan kaya naghintay na lang muna kami sa labas ng clinic. Napansin ko yung pinto ng clinic, nakasulat dun ang dalawang pangalan ng dentista. Hindi nila totoong pangalan pero ganito ang nakasulat...

Maria B. Delacruz - Santos
Juan A. Delacruz

Kahit ako, unang tingin ko kala ko mag-asawa pero hindi pala. Ang alam ko lang magkamag-anak sila pero di ako sigurado kung papaano.

Pagkatapos ng nakakaantok na tatlo-kalahating oras ng pagpila, siya na ang sumunod. Mahirap talagang magreklamo pag may kailangan ka sa isang tao. Mahigit limang minuto lang ang tinagal niya sa cubicle sibat agad kami. Inadjust-adjust lang daw at pinalitan yung mga goma.

Sumakay kami ng LRT, puwesto kami sa gitna kung saan yung pinagdudugtungan ng mga tren. Nakatayo. Nakasandal. Nakahawak sa may bakal. Next station may sumakay na tibo tsaka bebot. Nasa late-30's na mga itsura. Tumabi sa akin yung tibo, yung bebot naman sa harap ng tibo. May kausap sa fone ang bebot papasok ng LRT.

Nagsalita yung tibo...

Mamayang maghihiwalay na tayo pwedi mo ng gawin kahit anong gusto mo.

Nagulat ako magkakilala pala sila. May tumawag ulit sa bebot...

Bebot: Ma... malolowbat na to... blah... blah... blah... (sabay baba ng fone)
Tibo: Pahiram ng cellphone (pasimpleng inaagaw ang fone sa bebot pero di binibigay)
Bebot: Tinetext ko si Mama oh...

Umikot-ikot ang ulo ng tibo, nagmamasid siguro. Putiks! Nakita niya akong nakatingin sa kanya. Mabuti at inalis ko agad ang tingin ko. Nakakatakot kasi siyang tumingin parang kakain ng buhay na manok. Habang papaandar ang tren patuloy din ang kanilang pasimpleng pag-aaway. Hindi naman eskandaloso ang dating pero marami din taong nakakarinig. May mga binibitawan silang pangalan tsaka lugar tsaka date.

Ilang minuto pa binigay din ng babae yung fone sa tibo. Iniiscan nito ang cellphone. Scroll down. Nagpapa-ring ng number. Nagbabasa ng messages. Alam ko mga ginagawa niya dahil pasimple akong sumisilip. Hanggang sa tuluyan ng nag-empty yung battery ng fone...

O bat di ka mapakali diyan? (sabi niya sa babae) May spare ka naman battery di ba? Palitan mo na to. (sabay abot) Tsaka mo tawagin si ganito (parang fren nung babae). Sabihin mo marami akong gustong itanong. May gusto lang ako malaman... Oh ano napalitan mo na ba?

Pagtingin ko sa babae, nakakaawa itsura. Halos mangiyak-ngiyak. Isang pikit na lang babagsak na ang luha. Ilang station pa ang lumipas dumadami yung pasahero at medyo nauusog na kami papalayo sa kanila. Pero naririnig ko pa rin silang mag-usap. Hanggang sa binigay na ulit yung fone sa tibo...

Hello... salamat ah, salamat sa pagsisinugaling atleast ngayon alam ko na anong oras siya nag-out nung tuesday. Hindi naman ako nagagalit sa inyo, nagagalit ako sa kanya. Maghihiwalay na kami nito pinapasundo ko na siya sa mama niya...

Yun ang huling dinig ko sa pasimpleng pag-aaway nila. Bumaba na kami at di ko na alam kung saan-saan na napadpad ang kanilang konprontasyon. Ayaw ko pa sanang bumaba para makiusyoso pero baka kung saan-saan din kami makarating.

Hindi ko alam kung magkaka-ayos pa ang dalawang yun o tuluyan ng lilihis ng magkabilang landas. Nakakalungkot ang ganitong mga pangyayari. Nakakalungkot makasaksi ng mga taong nagmamahalan pero nauuwi din pala sa hiwalayan. Mukhang maluluwag na rin siguro ang kanilang mga goma, kailangan na din pumunta ng dentista. Kailangan na sigurong palitan ang isa't-isa, at maging estranghero ulit ang mga paningin nila.

Sunday, August 9, 2009

Hay buhay

Hay Buhay
Sugarfree

Parang kailan lang nung ako’y nagsimula pa lang matuto
Matuto tumayo, maglakad, sumabay, at lumangoy sa alon ng buhay
Ng aking buhay

Kay hirap din palang hanapin ang iyong sarili
Sa isang mundong laging nagmamadali
Sa kakahabol ay tuluyan nang napagod at napaupo
Naisip ko nang sumuko

Dahil nakita mo na akong sumablay
Narinig mo na ang puso kong bumigay

Hay buhay, hay buhay, hay buhay nga naman
Hay buhay, hay buhay, hay buhay nga naman
Hay buhay nga naman

Parang kailan lang nung ako’y huling umibig
At linamon, linason ng kilig

Bawat pangako ng ligaya, sinalubong ng trahedya
Ang habangbuhay, naging babay

Parang kailan lang nung ako ay mag-isa’t nakadapa na, walang wala na
Ako’y natutong magdasal, manalig sa maykapal
At unti–unti, sa aking sarili

Pipilitin kong di na muling sumablay
O ang puso ko hindi na muling bumigay

Hay buhay, hay buhay
Hay buhay ko


Credit:youtube

Friday, August 7, 2009

Death Note

May napulot akong itim na notbuk. Notbuk hindi libro na paborito ni Hudas. Simula nung napulot ko ito naging miserable at nagkagulo-gulo ang buhay ko. Dahil mahiwaga at may kapangyarihang pumatay ang notbuk na ito. May nakapaloob dito na rules o guidelines kung papaaano gamitin to. Marami, yung iba mahirap ng intindihin. Pero dalawa ang maliwanag kung papaano gamitin ito. Ang isa, isulat ang tunay na pangalan ng gusto mong mamatay. Mamamatay ito sa loob ng 40 segundo. Ikalawa, kailangan alam mo ang mukha ng taong isinusulat mo ang pangalan, para hindi maapektuhan ang mga taong magkapareho ng pangalan.

Kalokohan naman ito sabi ko sa aking sarili. Pero nakakakiliti ng utak, kaya sinubukan kong gamitin. Habang binabalita sa telebisyon ang mga batang hinostage, nakuha ko ang pangalan at mukha ng hostage-taker. Sinulat ko ang pangalan nito sa notbuk. Pagkalipas ng ilang segundo nagkagulo sa hostage scene at binalitang namatay daw ang hostage-taker. Hindi pweding mangyari ito, baka nagkataon lang. Coincidence ika nga. Kailangan kong patunayan ang bisa ng notbuk sa pangalawang pagkakataon. Madilim na ang paligid may isang babaeng naglalakad, ng bigla itong harangin ng mga lalaking nakamotor. Nagpakilala ang isang lalaki, dinig na dinig ko ang pangalan. Mga kriminal pala ang mga walang hiya. Sinulat ko ang pangalan ng gagong rapist sa notbuk. Habang hinahabol ang babae, isang rumaragasang truck ang bumundol sa lalaking nakamotor. Wasak ang motor, wasak ang katawan ng kriminal.

Walang duda. May kapangyarihan akong pumatay ng mga taong masasama gamit ang notbuk na ito. Gagamitin ko ito para gawing malinis ang mundo. Buburahin ko ang mga kriminal. Ang mga taong matutulis ang sungay. Ang mga taong mahahaba ang buntot. Tatawagin ko itong BAGONG MUNDO. Kayang-kaya kitang patayin. Paslangin. Kitilin ang buhay. Ako ang Hari dito. Ako ang may kontrol dito. Ako ang magiging Diyos sa bagong mundong ito. -Light Yagami


Papaano kung nangyari ito sa akin sa totoong buhay? Hawak ko ang buhay ng ibang tao. Ang sarap siguro ng pakiramdam. Pero hindi ako nalalayo sa mga masasamang tao. Isa din akong taong kriminal na kumikitil ng buhay. Ang sarap kasi ng may kapangyarihan. Ang sarap siguro maging Diyos. Kapag nasa sa'yo ang kapangyarihan, gagawin mo ang lahat para hindi mawala o maagaw ang kapangyarihang inaasam ng karamihan.

Pero hindi ganuon kadali. Magiging miserable ang buhay ko. Marami akong makakalaban. Maraming mag-aasam ng buhay meron ako. Magiging akong baliw. Tatakutin ang ibang tao. At bandang huli, ako mismo ay matatakot sa sarili ko. Dahil baka dumating ang panahong hindi ko na makontrol ang mga nangyayari. At kahit sino na lang ay papatayin ko para lamang hindi maagaw ang kapangyarihang meron ako.

Wednesday, July 29, 2009

Nanana

Pagkahatid mo sa iyong mahal tapos uuwi kang mag-isa, marami kang maiisip o mararamdaman tulad ng... parang nakokontihan ka sa oras ng inyong pagkikita. Tatanong mo sa sarili mo kung kelan ulit kayo magkakasama. Minsan naman iniisip mo pa rin yung mga ginawa niyo sa maghapon. Yung tipong parang kagagaling mo lang magswimming tapos pag-ahon at pag-uwi mo parang nasa pool ka pa rin. Lumulutang. Lumalangoy. May ngiti sa yong mukha.

Minsan naman may mga pagkakataon, hahatid mo na lang siya mag-aaway pa kayo. Nakakabadtrip yung ganun. Tatalikuran mo siyang 'di man lang kayo nagka-ayos. Emo-emohan ang drama mo. Tapos pagsakay ng jeep ganito pa ang tugtog na maririnig mo...



Jusko. Bakit po? Bakit po? Bakit ganito ang buhay? Komedi!

Tuesday, July 28, 2009

SO ano NA?

Papahuli ba naman ako. Siyempre hindi. Sisingit lang ako. Kasaysayan to eh. Medyo babawan lang natin.

124 palakpak. Isang standing ovation. Sa loob ng 57 minuto. Mahusay. Magaling. Matapang. Kung ako nasa loob ng plenaryo papalakpak din ako. Kung kasinungalingan man daw ang pinagsasabi ni PGMA, wala na akong pakialam.

Kung ang karamihan hinihintay sabihin ng pangulo ang kanyang mga plano sa 2010. Iba naman ang sa akin. Hinihintay kong isingit niya ang boob job isyu. Oo nga walang kinalaman, gusto ko lang makiusyoso. Di ba ang saya nun, parang naging comedy bar ang plenaryo. Ay teka matagal na palang komedi ito. Dahil komedyante ang mga nandito. Kongreso.

Ilang beses ba pinasalamatan ni PGMA ang kongreso? Medyo marami din. Naks naman proud na proud ang mga mokong. Ang lalaki ng ngiti at tiyan, at hindi napapagod sa kakapalakpak.

Napansin niyo rin ba ang buntot ni Pacman? Bat laging nasa tabi yun ni Manny?
Isa kapa, o ano nasapol ka noh? Kala mo siguro astig ka ngayong nag-PUTANGINA ka sa rally.

Kung tatakbo mang congresswoman si PGMA dito sa Pampanga. Mag-dadalawang isip pa rin akong iboto siya. Buti na lang at hindi namin siya ka-distrito. Hindi ko na problema yun. Sang-ayon kasi ako sa pamumuhunan niya sa edukasyon. Naalala ko tuloy ang yumaong dating Sen. Raul Roco. Kung buhay lang siya at tatakbo ulit na pagka-presidente, di ako magdadalawang isip na iboto siya. Dahil sa kanyang plataporma tungkol sa edukasyon. Sayang lang kasi at hindi siya masyadong nakapangampanya nuong 2004 dahil sa kanyang sakit. Kaya ayun kay GMA tuloy ako kumapit.

Kung tama man o kasinungalingan ang mga datos ng pangulo sa loob ng 9 na taon, hindi ko na alam yun. Huwag na tayong magsisihan. Huwag na tayong magpasahan ng kasalanan. Nakakasawa na eh. Magtulungan na lang kaya tayo. SALAMAT na lang sa ating pangulo, yun na lang masasabi ko. Tama nga naman siya...

"A national problem cannot be knocked out with a single punch." -PGMA

Saturday, July 25, 2009

Doobiii...

Babala: Wag kang gago tsong, wag mo kaming tularan.

Hindi ko kinakaila, tumikim na ko nito. Hindi lang pala tumikim dahil humitit na ako ng hindi lang isang beses. Marami. Gusto ko kasi malaman anong pakiramdam. Anong mangyayari sakin. Anong makukuha. Curiosity ika nga.

Cannabis. Ganja. Burn. Joint. Chongki. Omad. Maryjane. Weed. Damo. Doobi. At marami pang ibang tawag sa marijuana.

Alam natin na may naidudulot itong mabuti sa medisina. Nakakatulong sa mga sakit tulad ng epilepsy, hika, at iba pa. Alam din nating sumisira ito ng buhay ng maraming kabataan. Isa na ang pinsan ko sa mga naadik sa halamang ito. Halos araw-araw ang paghitit. At ang resulta? Ayun, hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at maagang nag-asawa.

Tuwing iinom nun kami ng aking pinsan hindi mawawala ang isang pakete ng doobi sa kanyang bulsa. Pampadagdag daw ng amats. Gusto ko man siyang sermunan pero di ko magawa. Ayokong ibalik niya sakin ang mga pinagsasabi ko sa kanya. Ang bulag hindi kayang itawid sa daan ng kapwa niya bulag. Palagi din kasi akong umiinom at nakikita din niyang humihitit ako nun paminsan-minsan. Pero ito sinisigurado ko sa'yo HINDI ako naadik dito. Nakikisama lang at pilit na hinahanap ang rason kung bakit ito kina-aadikan ng iba. Ilang beses na din akong pinasuka nito.

Laugh trip. Food trip. Flying without wings. Siesta. Alapaap. Ilan lang yan sa mga dahilan kung bakit SIGURO marami ang nagrorolyo nito.

Nakaka-BOBO. Nag-hallucinate ka. Balisa ka. Malakas ang loob mo at wala ka sa tamang pag-iisip. Kaya mayroon mga nakakagawa ng krimen dahil SABOG at wala sa tamang katinuan. Yan ang masamang epekto nito sa tao. Sisirain ang kinabukasan mo. Kaya siguro hangga ngayon hindi pa rin magawang legal ang marijuana dito sa ating bansa.

Huwag mo ng subukan kung hanggang saan ka at kung kaya mo ang halamang ito. Wala kang mapapala dito. Ito na lang tandaan mo...

Curiosity kills the cat.

Thursday, July 23, 2009

Tinik

Patay-sindi. Sindi-patay. Ganyan ang nangyari kanina sa mga ilaw namin dito sa bahay. Kala ko brownout na naman, pagtingin ko sa mga kapitbahay may mga ilaw naman sila. Nagbabayad naman kami ng kuryente. Pero bakit ganun? Chineck ko ang mainswitch, ok lahat. Lumabas ako tinignan ang poste. Ayun bingo! May kumikislap-kislap na parang bato ni Darna. Konklusyon ng pinsan ko baka lumuwag lang ang koneksiyon ng mga kable. Kaya tumawag kami sa power source (nice term) namin para ayusin nila.

Akala ko pa naman isa itong milagrong dala ng solar eclipse na nangyari kaninang umaga. Kala ko magiging superhero na ako.

Katatapos ko lang kumain bago pa kami tuluyang mawalan ng ilaw. Habang pinagmamasdan ko si manong na kinakalikot ang mga kable ng poste, ay meron din akong kinakalikot. Ang buset na tinik na tumusok malapit sa aking lalamunan. Dahil ito sa kakalamon ko ng galunggong namin. Medyo masakit dahil naiwang nakabaon ang ilang parte ng tinik. Kahit na dumugo pilit ko pa rin inalis kesa mamaga ang bunganga ko. Pero di pa rin ako sigurado kung natanggal nga dahil may nararamdaman parin ako. Hmp! Bahala na.

Teka, anong nangyari kay manong? Hindi naman siya nakuryente o nahulog. Mukha lang siyang napalaban sa mga kable. Ayun binigyan ni ermats na 100, pangyosi. Dapat 150 bibigay sabi ko 100 na lang sakin na yung 50 pangyosi ko. Inunahan ako ng karma ko. Dapat lang talagang natitinik sa lalamunan ang mga kagaya ko.

Tuesday, July 21, 2009

Are we good?

Sabi nila... grab every opportunity. Kaya ayun gina-grab ko lagi. Gina-grab din niya. Gina-grab namin. Nag-ga-graban kami.

Tanong lang muna, bakit ang mga babae ang tagal-tagal mag-ayos? Ang daming chechebureche. Ang daming seremonyas. Ang daming ritwal na kailangan gawin sa katawan, sa mukha, sa buhok. Papalit-palit pa ng damit. Kung di lang namin kayo mahal... Hmp! Hehe.

Para nga naman magmukhang maganda at kaaya-aya sa tingin ng ibang tao lalung-lalo na sa mata ng kasintahan. Yun naman pala. Tanong ko, sagot ko. Baliw.

Pero teka lang ha. Hindi niyo ba alam na mas gusto naming mga lalaki na wala kayong saplot. Na tanging pabango lang ang suot-suot pag kami lang kaharap niyo. Totoo yun. Ang hindi umamin hindi lalaki. Haha.

Teka, naligaw na ako. Ano na nga ba kasi? Ayun opportunity chorva.
Madalas kami tumambay sa kanila, minsan sa amin. Ang ayaw ko lang, iniiwan kaming dalawa lang sa bahay. As in kami lang. Solo. Kaya tuloy nakakagawa kami ng di kanais-nais. Hindi naman sinasadya ang ganuong mga pangyayari. Minsan may mga importante lang talagang pinupuntahan ang mga nadadatnan namin sa bahay.

Imbes na sa sala lang kami nagkukulitan at naghaharutan, napapadpad kami sa ibang parte ng bahay. Jusko po. Bakit po ba ganito kasarap ang luto niyo? Lalo na ngayong tag-ulan. Pag nagkatinginan na, wala na.

Risky. Pressure. Delikado. Nakakadagdag ng excitement. Nakakangatog lalo ng tuhod. Nakakakaba na baka may biglang dumating.

Gayunpaman, masarap pa rin ang mga nakaw na sandali naming dalawa. Grab the opportunity daw eh.

Saturday, July 18, 2009

Perya

Banderitas. Majorette. Banner ng mga pulitiko. Inuman sa tapat ng bahay. Nagbebenta ng mga laruan. Mga nanlilimos. Sayawan sa basketball court. Pa-bingo. Singing contest. Mga palaro tulad ng palosebo, agawan ng buko, hulihan ng baboy o manok... marami pang iba. Ganyan na ganyan ang mga makikita tuwing kapiyestahan dito sa Pinas. Tradisyon nating mga pinoy na hindi nawawala tuwing sasapit ang pista ng ating Santo. Masaya. Masarap. At siyempre 'di mawawala ang perya.

Mahigit isang buwan pa ang pista dito sa amin. Agosto 28. Oo imbitado ka. Mahigit dalawang linggo na ring may perya dito sa baryo namin.

Sa tuwing dadaanan ko ang perya dito, halatang napakatumal. Dahil na rin siguro sa tag-ulan ngayon, kaya limitado ang galaw ng mga tao. Mas nanaisin pang manatili sa loob ng bahay kesa tumapak sa daang maburak.

Bilang bata nuon, nakagawian kong mangulit sa aking mga magulang para lang makapunta sa peryahan. Naranasan ko ring mangupit sa bulsa ng erpats ko at umaalis ng hindi nagpapaalam. Para pumunta sa mundong puno ng aliwan at walang hanggang kasiyahan.

Mga tipikal rides na hindi nawawala sa peryahan...
Ferris wheel - dito ko nadiskubre na may acrophobia pala ako.
Caterpillar - pagkatapos ng ilang ikot kasabay na iikot ang sikmura, sabay suka, sabay tawa.
Horror train - ang mga nanakot minsan kinakagat at sinasabunutan. Minsan din binabato ng lata o bote. Pero wag ka, gumaganti ang mga ito. Meron sa kanila mga manyak ang walang hiya.
Octopus - kailangan mahigpit ang hawak mo dito, kung hindi ibabalik ka sa pinanggalingan mo. Biro lang yun siyempre. Safe naman ang mga 'to.

Hindi rin mawawala ang sugal sa peryahan. Ilan sa mga ito...
Beto beto - depende sa inilabas ng dice kung ilang beses dodoblehin ang tinaya mo.
Color game - na kailangan dahan-dahan ang paghila sa tali. Para daw suspense.
Bingo - pwedi kang manalo dito ng mga kasangkapan sa bahay tulad ng timba, pinggan, arinola at iba pa.
May makikita din larong roleta, itsahan ng barya, hagisan ng bola, etc.

Hindi ko pa nasaksihan ang mga ito, pero sabi ng iba mayroon pa raw mga mapapanuod sa peryahan dati. Kagaya ng mga magikero, sirena, syokoy, babaeng ahas, taong leon, at kung anu-ano pang kalokohan. Nagising na siguro sa katotohanan ang mga tao kaya wala ng masyadong matutunghayan na ganitong uri ng palabas.

Parang bumaba ang langit kapag nakatapak ka na sa mundo ng perya. Nauudlot lang panandalian ang aliwan pag may mga gagong lasing ang nag-aaway at nagsasaksakan pa.

Kapag nakikita ko ang perya sa amin, napapangiti ako at inaalala ang nakaraan. Masaya na malungkot ang nararamdaman ko. Masaya dahil naranasan ko ang kakaibang ligayang idinulot nito sa aking kamusmusan. Malungkot dahil hindi na katulad ng dati... wala na pala ako sa loob ng peryahan.

Kaybilis kasi ng buhay. Taas-baba. Ikot ng ikot. Nakakahilo. Nakakatakot. Nakakalula.

Sunday, July 12, 2009

Batang lola

Kung hindi ako nagkakamali, Tuesday yun sa Wowowee. Mga contestant nila ay batang lola. Nagka-apo sa murang edad. Mga nasa 30+ o 40 ang edad. Basta ganun. Meron pa nga dun 15 taong gulang palang ang anak niya may anak na din. Jusko po! Pero diko sila masisisi...

Kasama ko nanunuod ang Mama ko nung una. Pero 'di ko napigilan lumipat ako ng kwarto para dun manuod. Parang awkward kasi ng dating. Nakaka-relate kami pareho sa topic. Yung tipong, parang nakikinig kami ng sarili naming kwento. Buhay na buhay pa rin kasi sa isipan namin ang mga nangyari.



Maaga rin sanang naging lola Mama ko dahil sakin. Limang taon gulang na sana ang apo nila.

Friday, July 10, 2009

Hulog ng langit

Sabi nila may mga ibinibigay daw ang Diyos na di mo inaasahan. Di hinihingi. Di inaasam pero kusa na lang dumarating. Hulog ng langit ika nga. Kadalasan tao ang tinutukoy. Pero may mga pagkakataong nakakaranas tayo ng mga taong ganito... mabait sa una, parang anghel. Hulog ng langit eh. Di natin alam ang inihulog pala ng Diyos na yun mula sa langit ay diretsong impiyerno sana... SINALO lang natin. Demonyo pala. Kaya maraming mga misis ang nagmumukhang lola dahil sa mga demonyong asawa. At mga nagiging tanga dahil sa demonyong kaibigan.

Pero hindi lang lintik na pag-ibig ang inihuhulog ng langit, may mga bagay din. Bagay, literal.

Kaadikan ko sa paglalaro ng dota nuon. Kasama ang aking mga barkada. Pagkatapos naming maglaro, diretso kami sa mamihan o tapsihan. Kain lang saglit tapos shot na.

Isang gabi pagkatapos mag-dota, kami na lang ng barkada kong si MrPatok ang naiwan, nag-uwian ng lahat. Nagkayayaan kaming dalawa uminom. Napagdesisyunan naming sa kanila nalang magshot para tipid. Dahil wala akong pera ganun din siya. Emperador pwedi na yun.

Habang naglalakad naisip ko may laman pa pala ang ATM card ko, kaya sumaglit kami sandali sa pinakamalapit na ATM machine. May dalawang estudyanteng bading na nagwiwithdraw. Parang badtrip ang dating, kinakatok ang ATM machine. Parang wala namang laman to!.. parang ganyan ang naririnig ko sa naiinis nilang mga boses. Antagal nila, buti gabi na at kami lang ang nakapila.

Umalis silang resibo lang ang dala. Nang saktong ipapasok ko na ang ATM card ko... tangNa may lumabas... DALAWANG LIBO! Nasa kuhanan ng pera. Pero hindi ko muna kinuha. Paglingon ko nandun pa ang mga bading papalipat ng daan. Imbes na habulin ko, kaibigan ko tinawag ko. Pagtingin ko ulit sa ATM machine nawala na naman ang pera. Pero ilang segundo lang lumabas ulit. At dun ko na kinuha.

Naisipan naming ibalik ang pera, nagtungo kami kung san kanto sila pumasok. Pero di namin sila nakita, kaya hinayaan na lang namin.

Nagkatinginan kami ng kaibigan ko. Lumalaki ng lumalaki ang mga ngiti namin. Sakay agad ng dyip diretso sa gimikan. Ang dating emperador lang sana, ngayon napakalamig na redhorse at may kasama pang napakadaming pulutan, with background music pa. Hay... sarap...

Sabi nila pag nakapulot ka daw ng pera gastusin mo agad... at lahat. Di ko lam anung meron sa kasabihan na yun. Pero ganun nga ang ginawa namin.

Kinabukasan, hangover. Binalikan ko ang kagabi. Bigla akong nakonsensiya. Naisip ko kasi baka allowance yun ng dalawang bading, pinang-inom lang namin. Pinaghirapan ng kanilang mga magulang yun, tapos kami inisang bagsakan lang sa inuman. Parang kulang ang effort na ginawa naming paghahanap sa kanila. Iniisip ko na lang sinadya nilang iwan ang mga yun, pero mukha rin silang mga walang pera. Mga mukhang naluging bakla.

Di ko tuloy alam kung hulog nga ba talaga ng langit yun o kaming mga demonyo ang inihulog ng langit.

Wednesday, July 8, 2009

I love letter

Hindi ako mahilig dumungaw sa bintana, yung tipong emo-emohan tas nagbibilang ng bituin sa langit. O minsan naman kinakausap ang buwan. Tssuuu! Baduy. Korni. Cheesy. Matandang dalaga't binata lang gumagawa nun. Pero nung isang gabi, hindi ko alam anong pumasok sa kukote ko at nagawa kong tumambay sa bintana dito sa aking kwarto. Hehehe. Nakatingala sa langit. Hindi lang yun may background music pang kasama. Putiks! MTV ba 'to o MYX? Ano bang nangyayari sa 'kin at madalas sapian ng kabaduyan.

Actually may naalala lang kasi ako. Yoowwwn... Naalala ko lang yung kinain kong love letter dati. Tama kinain. Tama love letter. Pinagpuyatan kong i-type at maagang pina-print malapit sa eskwelahan namin nun. Para sa isang binibini. Hehehe. Nahihiya ako magkwento. Ahihihi.

Matagal na kong jologs. May love letter pang nalalaman ang sira ulo. Para kasing, iba ang salitang galing sa isip, iba din ang sa puso. Iba ang sinasabi, iba ang sinusulat.

Pero ayun nga dahil sa katorpehan ko nung mga panahong yun (2nd year college), hindi ko magawang ibigay sa kanya, kaya itinago na lang sa aking wallet. Natatakot kasi akong mabasted. Saka feeling ko hindi ako bagay sa kanya, sobra-sobra siya para lang sa isang hamak na katulad ko. Ume-emo na nanaman.

Sa tuwing maglalasing kami nun magbabarkada siya bukambibig ko. Masaya ako pag naririning ang pangalan niya. Kaya nung minsang uminom kami nung mga panahong yon, kinalkal ko ang buset na love letter sa wallet ko. Binasa sa isa kong kaibigan NA... may gusto din sa babaeng yun at binasted siya. Buti nga sayo tsong. Pareho tayo. Loser. Gwapo na nga yun at mayaman pa, hindi pa rin umubra sa kanya. Dahil sa katotohanang yun, sumuko na din ako.

Sumubok akong ligawan siya pero pinagtatawanan niya lang ako. Lagi akong tumatawag sa telepono nila sa bahay, pero pinaghihintay ako ng matagal sa linya. Pag kinakausap ko siya jino-joke ako. Hindi ako sineseryoso ng walangya. Hahaha.

Pagkatapos kong basahin ang ginawa kong love letter, dun sa nabasted kong kaibigan. Pinunit ko ang isang bahagi ng sulat. Nilukot. At kinain. Sabay sabing... ang mga sinulat ko dito ay galing sa puso, kaya ngayon ay pipiliting pagapangin pabalik sa aking puso at dun na lang mananatili hanggang tuluyang mawala... Sabay lagok ng redhorse. What the! Anak ng! Saan ko hinugot ang mga linyang yun?! Bakit ko ginawa yun?! Ang Bbbbaaaadddduuuuyyyyy! Baliw talaga ako. Lasing din kasi ako nun at nagda-drama-dramahan. At habang ume-emo ako nun, itong kaibigan kong ito ay tawa ng tawa na parang mababaliw ang loko.

Makalipas ang ilang taon, may mga naririnig ako tungkol sa kanya. Kung saan siya nagtatrabaho... may boypren... blah blah blah... Pero wala na ang kilig. Hindi ko na rin mahanap ang natirang bahagi nung kinain kong love letter. Buset na pag-ibig, darating ang araw pagtatawanan mo din pala.

Baka may magtatanong anong lasa nun. Mapait. Kasing pait ng aking puso nuon. Eh ganun talaga eh. Hahaha.

Sunday, July 5, 2009

Tip

Sa kanto namin, pagbaba ko ng dyip...

Anak ng! Anong kaguluhang meron dito bat andaming tao sabi ko sa aking sarili. Nakiusyo lang saglit. Ayun pala nasiraan lang pala ng kotse. Kala ko kung sinong artista na ang dumating. Pero teka, hindi LANG pala SIYA nasiraan. Pucha. Foreigner. Amerikano. Dolyares.

Ang daming tumutulong. Whoooo! Bayanihan. Ang sarap panuorin. Ewan ko lang ha, kung sa isang karaniwang pinoy kaya mangyari ang ganitong scenario, may mag-aaksaya kaya ng panahon para tumulong?

Likas na talaga sa 'ting mga pinoy ang matulungin. Lalo na, sa ganitong pagkakataon. Kunsabagay sayang nga naman ang... alam mo na... TIP! Amoy dolyar eh.

PS. Mga pare. Anak ng tokwa kayo. Hahaha. Tinamaan kayo ng magaling. Magkano binigay? Ipang-shot na natin yan! Ambunan niyo naman ako uy! Hahaha.

Friday, July 3, 2009

Taning

"Tuloy lang ang buhay. Ganun talaga. Iniisip ko na lang wala akong sakit..." Yan ang sabi sakin kagabi ng aking barkadang si Bochok. Napakabilis ng nangyayari sa kanyang buhay. Napakalungkot.

Sabi nila dati, Diyos lang ang may alam kung kelan ka mawawala sa mundo. Pero dahil sa makabagong panahon ngayon, modernong mga kagamitan, mabibilang na ang nalalabi mong oras.

Mahigit walong taon na din kaming magkaibigan. Laging magka-grupo sa ano mang proyekto nung kolehiyo. Isang kalabit niya lang sakin nun, layas agad kami sa unibersidad namin at diretso sa inuman. Kahit may exam walang pakialam. Uso naman ang removal. At alam naman namin makakabawi kami kinabukasan. Magaling kasi siya. Kahit anong programming languages alam niya. Kaya ayun, may kopyahan ako.

Pagkagraduate namin, kanya-kanyang hawak na ng buhay. Di na uso ang removal. Wala na ring kopyahan. Hindi na professor magtuturo sa'yo kundi sarili na mismo.

Lumipas ang ilang taon, nagkaruon siya ng sariling pamilya. Magandang trabaho. Nagkasama din kami dati sa kanyang pinapasukang trabaho. Mataas ang kanyang posisyon sa isang kumpanya kaya ipinasok niya ko.

Base sa sinabi niya kagabi, matagal na ang limang taong ilalagi niya dito sa mundo. Wahahaha. Nakakatuwa naman ang joke na yun. Pero hindi pala biro. Seryoso. Tsk! Napailing ako.

Kidney failure. Nagresearch ako tungkol dito. Maraming paliwanag, yung iba di ko na maintindihan. Isa lang ang alam ko. Ang tangnang sakit na ito ang papatay sa kaibigan ko.

Gumagastos siya ngayon ng mahigit-kumulang sampung libong piso kada buwan, para lang i-maintain ang kanyang kalusugan. Maswerti siya dahil mataas ang kinikita niya. Kundi, di na siya aabot ng isang taon. Sabi daw ng kanyang doktor, 1M ang kidney transplant. Pero walang kasiguraduhan na gagaling siya dun. Dahil posibleng pagdating ng araw hindi rin tatanggapin ng kanyang katawan ang batong isinuksok sa kanya.

Limang taon? Maximum. Hindi natin alam ang pweding mangyari sa bawat isa sa atin. Maaaring mas maaga pa siya dun. O di kaya, maaaring mauna pa 'ko sa kanya. Hindi natin masasabi. Pero limang taon? Taning? Parang sa bawat titig niya sa kanyang tatlong taon na anak na walang kamuwang muwang, ay ang sabay na pagtitig din niya sa kanyang orasan.

Ang dating basagulero at lasenggero, ngayon mahal ng lahat. Ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak naluluha pag nakikita siya. Naaawa sa kanyang kalagayan. Naging malapit din siya sa iba niyang pamilya. Naging mas malapit pa sa kanyang ina at ama. Naging malapit sa lahat... lalo na sa Diyos na dating tinalikuran niya.

Buhay nga naman. Minsan kailangan mong masugat para maghilom ang mas malalim na sugat.

Sunday, June 28, 2009

Wait

Meron mga tao minsan sinisisi ang Diyos dahil sa sunud-sunod na mga problemang dumarating sa kanilang buhay. Nakakahiyang aminin dumating na ko sa puntong ganun. Sinisi ang Diyos. Nagtampo sa kanya. Nagalit. Oo tama, mali ako. Kaya nga lubos ang aking pagsisisi nung mga panahong yun. Hindi ko kasi alam nun, na nasa kabilang lane pala ako ng daan. Kaya madaming bumabangga, lahat sumasalubong sa akin. Wasak na wasak ako. Malalaman mo na lang na mali ka kapag huli na ang lahat. Minsan kasi mismong tao na rin ang gumagawa ng kanyang mga problema. At hindi dahil sa hindi siya napagbigyan ng Diyos.

Simbang gabi nuon. Napakasaya ng mga tao pati na ako. Lalong nagpasaya sa amin ang sinermon ng pari. Sabi ni father, nakalimutan ko ang pangalan pero hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi. Isa sa tatlong SAGOT na mga ito ang ibibigay sayo ng Diyos pag may hinihiling ka sa kanya...

Una: YES. Ibibigay niya ang gusto mo.

Pangalawa: NO. Dahil may ibibigay siyang MAS higit sa inaasam mo.

Pangatlo: WAIT. Hintay ka lang at darating ang araw malulula ka sa mga tinatanggap mo. Dahil bigay lang siya ng bigay ng bigay ng bigay ng bigay...

Friday, June 26, 2009

WWTBAM

May mga tanong sa mundo na wala talagang tamang kasagutan. Tulad nito... Bakit si Alma moreno? Si Lucio tan. Kung si Norman black, bakit si Redford white? Saan matatagpuan ang Sandara park? Teka bakit tootbrush? Diba dapat teethbrush?

May mga tanong din na hindi na kailangan ng paliwanag. Kagaya na lamang ng mga 'to... Bakit laging nakayuko ang biik? Pati na ang kambing. Isama na rin ang bibe. Panung naging mas mabigat ang karayom sa barko?

Iba ang mga tanong sa totoong buhay, iba din ang sa game show. Pero may mga pagkakataong nalalaman natin ang tamang sagot sa isang game show dahil sa ating mga naranasan sa buhay, at hindi dahil itinuro sa atin sa paaralan. Kaya mo kayang sagutin ang mga to. GAME!

TANONG.
1. Anong gagawin mo sa katabi mo pag nakakita ka ng kotseng kuba?
a.Babatukan sabay saludo b.Hahalikan c.Susundutin ang puwit d.Ipi-plaktos

2. Anong mensahe mabubuo mo kapag tiniklop-tiklop ang beinte pesos?
a.Utang ka hof b.Dalwa marboro c.Bli ka ng pilip d.Chmpion isa

3. Bago naging ch.7 ang eat bulaga saang mga channel ito nagpalipat-lipat?
a.11-10-9-8 b.3-4-5-6 c.13-9-5-2 d.2-4-6-8

4. Kanino sidekick si boknoy the fighting ball?
a.Maskrider black b.Machine man c.Ultraman d.Fiveman

5. Anong flavor ng ice-drop ang kapalit ng mga naipon mong bote ng patis o suka sa bahay?
a.Strawberry b.Rockyroad c.Melon d.Munggo

6. Ano get-up ng isang sabongero?
a.Hanes-Maong-Beachwalk b.Hiphop c.Punk d.Emo

7. Ilan ang original members ng care bears?
a.7 b.8 c.9 d.10

8. Anong bulaklak ang dinidikdik para makabuo ng bubbles gamit ang isang walis tingting na pinaikot?
a.Orchids b.Santan c.Gumamela d.Boungavilla

9. Sinong artista ang gumanap bilang Esteban sa sitcom na "Ang Manok ni San Pedro"?
a.Lito Pimentel b.Herbert Bautista c.Dolphy d.Vic Sotto

10. Anong laro ang ginagamitan ng dalawang kahoy na magkaibang laki?
a.Sak-Bang b.Langit-lupa c.Syato d.Sumpit

11. Ano ang nilalagay sa tali ng saranggola para makahuli ng isang saranggola?
a.Karayom b.Blade c.Gunting d.Bubog

12. Anong candy ang kinakain pati balat?
a.Stay Fresh b.Vicks c.White rabbit d.Bigboy

13. Ano ang nilalagay sa ilalim ng bangkang papel para magpaikot-ikot ito?
a.Tide b.Gard shampoo c.Fanta Rootbeer d.Agua net

14. Pag may love problems ka, kaninong Dj ka hihingi ng mensahe?
a.Cristy Fermin b.Kuya Cesar c.DJ Horsey-horsey d.Joe D mango

15. Ano ang paboritong pagkain ni Pong pagong?
a.Pritos Ring b.Saging c.Mikmik d.Ovaltine


Kung ganyan lang sana mga tanong sa game show, milyonaryo na ako.
Osiya sagot na para magkaalaman na sino dito matatanda. Hahaha!

Thursday, June 25, 2009

Jai Ho

Teka bibilang lang ako. Isa, dalawa, anim, labing-apat, twenti seben... di ko na matandaan. Di ko na mabilang ilang beses na kong sumablay sa mga kumpanyang inaplayan ko dati. Anong magagawa ko hanggang dun palang ang kaya ng utak ko. Kaya ayon not qualified. At isa pa, ang kulit ko, pilit akong nagpapass ng mga resume sa mga kumpanyang alam kong babagsak ako. Eh nagmamagaling ako eh. Feelingero.

Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Lalong lalo na naniniwala pa rin ako sa milagro. Oo milagro. Naniniwala ako darating ang araw BAKA bigla na lang ako maging milyonaryo. Di natin masabi na BAKA...
...may lolo pala akong negosyanteng intsik pamanahan ako. Baka si Henry Sy.
...may biglang mahulog sa akin na isang bag na puno ng pera galing sa lumilipad na eroplano. Wag lang sanang barya. Maawa na kayo.
...mag ala-Robin Padilla ako, at makasagip ako ng buhay ng taong hinostage. Bigyan ako ng malaking pabuya.
...makatisod ako ng gold bar sa kanto habang pagewang-gewang sa sobrang kalasingan.
...bigla akong makatuklas ng gamot na maiimbag sa medisina.
...bigla akong makaimbento ng isang klasi ng alak. O alternatibo sa yosi.
...manalo sa isang gameshow tulad ni Jamal ng Slumdog Millionaire.

Maaring pweding mangyari. Katulad na lang nung kumpare kung walang ibang alam dati kundi uminom lang at makipag-away. Ngayon, may-ari siya ng isang gasolinahan sa Antipolo. Biglaan yun, at sabi sakin namana daw sa isang kamag-anak. Buhay nga naman, unpredictable.

Hindi ko sinasabing umasa ka sa mga sinasabi ko, hindi ko rin sinasabing wag kang umasa. Ang sa akin lang, paano ka mananalo ng lotto kung hindi ka naman tumaya? Kahit araw-araw ka pang mag-novena. Ikaw ang may hawak sa buhay mo, may sarili kang pag-iisip, may sarili kang desisyon, may mga bagay lang na talagang itinadhana.

"Tadhana'y merong trip na makapangyarihan..." -Rico Blanco


PS. Nainspired ako nung si Jamal kaya gagawa din ako ng sarili kong korning 'Who wants to be a Millionaire' based sa mga naranasan ko sa buhay. Wahaha. ;)

Monday, June 22, 2009

Drakula

Nuong nakaraang taon, sa Baguio city ako namalagi sa loob ng limang buwan hanggang Disyembre. Training ang pakay ko dun sa isang kumpanya. Every 2 weeks or minsan higit pa kung umuwi ako dito sa amin. Hindi maikakaila, marami talagang kababalaghang istorya o mga pangyayaring nakakakilabot ang bumabalot sa syudad na ito. At aaminin ko marami akong naranasang makapanindig balahibo dito. Isa na itong drakula.

Heto ang istorya.
Aakyat ako ng Baguio nun. Madaling araw ako umalis dito sa Pampanga. Ang tantiya ko mahigit kumulang 5 oras ang biyahe. Umalis ako sa amin 12mn, so siguro mga 6am nandun na ako. Maliwanag na siguro ang kalsada nun sabi ko sa aking sarili. Pero hindi ko inaasahan, napakabilis ng biyahe. 4am pa lang nasa Baguio na ko. Madilim pa at mabibilang mo ang mga tao sa daan. Napakalamig. Kinakabahan ako.

Naglakad-lakad ako ng kaunti para maghanap ng taxi. Halos ganito ang sabi ng lahat ng taxi aking pinarahan.

Saan ka?
Sa KIAS po.
Ay sensya na hindi ako nagagawi dun. Sa iba na lang.

Naintindihan ko sila. Hindi ka talaga makakapagbiyahe papuntang KIAS ng ganuong oras. Dahil maraming milagro dito. Lalo na pagpasok mo ng daan ng Scout barrio, na puro matataas na puno, at paliko-likong makipot na daan. Walang mga bahay, walang ilaw tanging headlight lang ng sasakyan. Napakadilim, napakalamig, nakakatakot.

May isang taxi huminto at sakay ako kaagad sa likod. Nung papaandar na ito dun niya pa lang tinanong kung saan ako bababa. Pagkasabi ko ng Kias, bumagal ang takbo nito. Na para bang nag-iisip at gusto akong ibaba at pasakayin na lang sa iba. Pero wala na siyang nagawa.

Wala akong imik sa loob ng taxi, tanging radiophone ang maririnig mo na may nagsasalitang lalaki na nagsasabi kung saan lugar may mga pasaherong naghihintay din ng taxi. Tulad ng inaasahan ganuon ang itsura ng daan. At parang kami lang ang nagbibiyahe duon dahil walang kasalubong o kasunod na sasakyan.

Pagpasok namin ng Scout barrio. BIGLANG nag-iba ang tono ng boses ng lalaki sa radiophone. Magulo ito. Minsan malakas minsan mahina. Pero may maiintindihan kang salita tulad ng... Maaaayyy...Saaa... Raaakkkkk...Laaaa... Bbiiii... NAPAKALAKI at NAPAKALAMIG ng boses. Nakakatakot. Kinikilabutan na ko. Hindi ko magawang kausapin si manong. Pilit niyang pinapatay ang radiophone pero ayaw tumigil nito. Binuksan din niya ang mismong radyo ng taxi pero walang makuhang istasyon at kusang humihina ang volume nito. Mmaaayyyy... Rrraaaakkkk.... Laaaaa... Nagiging maliwanag ang naririnig namin ni manong sa radiophone. Papalakas ng papalakas. Maayyy... Drrraaaakkkllllaaaa... Saaaa bbbbiiii moooo. Maayyy Drrraaakkkuuulllaaa saaa taaaabbbiii mooooo!!!! Napapikit ako. Kinikilabutan. Nanginginig. Ayoko lumingon sa kung saan-saan. Napamura sa sarili ko. TangiNa! Mamatay ako sa nerbiyos nito. Lahat ng balahibo ko nagtaasan. Pabilis ng pabilis ang pagmamaneho ni manong. Walang pakelam sa mga amps, at minsa'y napupunta sa left lane ng daan. Buti wala kaming nakakasalubong na sasakyan. Paulit-ulit ang nagsasalita... hindi ako makahinga. Namumutla na ako. Kung biro lang ito, HINDI NAKAKATUWA. Hanggang sa bigla na lang ito huminto.

Malapit na akong bumaba at may mga ilaw na. Sa tabi lang po, sabi ko. Kumukuha ako ng pera sa wallet, nakatingin sa akin ng diretso si manong. Hindi ko alam anong ibig niyang sabihin. Baka iniisip niya ako yung drakula o siya ang drakula. Nanginginig pa rin ako sa takot kaya di ko na pinansin yun. Dali-dali akong pumasok ng apartment at ginising ang mga kasama ko para ikwento ang nangyari. Sabi nila natural daw lang yun, at maraming ganuon sa Baguio.

Marami pa kong naranasang nakakakilabot sa Baguio. Tulad nung nakausap ko sa cellphone. Yung di maipaliwanag na pagkatok sa pinto namin. Yung paglalakad ng isang tao sa likod ng kasama namin. At marami pang iba.

Teka, parang may nakikita akong sumisilip sa bintana mo. Pakitingin nga, parang batang duguan ang mukha.

Saturday, June 20, 2009

Tamagotchi

Mahilig akong maghilamos sa likod ng bahay namin pagkagising. Dahil sa presko at maaliwalas ang pakiramdam.

Noong isang araw, nagulat ako sa aking nakita. Isang sanggol ang nasaksihan kong nilalanggam malapit sa gripo namin. Wala ng buhay ito, at sa tantiya ko dalawang araw ng patay. Masangsang ang amoy. Basang-basa ang katawan. Dahil sa madalas na pag-ulan, nalunod siguro ito nung minsang umulan ng malakas. Napasuntok tuloy ako sa may pader. Nag-iisip. Nagtatanong. Nasaan kaya ang pusang-inang Nanay ng kawawang kuting na ito.

Maraming pusang ligaw dito sa amin. Hindi naman namin sila balak alagaan, lalo na ako dahil allergic ako sa mabalahibo. Pero minsan binibigyan naman namin sila ng makakain. Wala din akong alagang kahit na anong hayop. Para kasing wala akong pasensya pagdating sa ganyan. Ayoko kasi ng makalat, pero ako mismo ay makalat.

Lubos ang awa ako dun sa patay na kuting, katulad ng pagkainis ko sa kanyang ina. Kung sanang naging tamagotchi na lang siya, ako mismo tatayong magulang niya. Isang pindot lang, makakakain na siya. Isang pindot lang, mapapatulog ko na siya.

Maraming bata dito sa bansa natin hindi nalalayo ang buhay sa kuting. Pinababayaan ng sariling magulang.

Naisip mo rin ba? Mas maganda yata kung pati buhay ng tao ganun na rin. Na parang isang tamagotchi. Napakasimple. Napakagaan. Isang pindutan lang.


PS. Happy father's day!

Wednesday, June 17, 2009

Indoor oh!

Babala: Pakilunok muna ang kinakain bago basahin.

Naranasan mo na bang kumain habang umeebak? Teka, alam ko tanong mo. Sinong sira ulo gagawa nito? Sagot ko... AKO! Nagawa ko 'to dahil sa pagmamadali. Hahaha. Try mo ang galing. Ang sarap. Para kang sirang slot machine na ayaw tumanggap ng barya.

Napansin ko lang pag hindi ko na talaga mapigilan umebak. Na habang papalapit ako sa banyo lalong gustong kumawala nito sa loob ng aking katawan. Naghuhubad palang ako ng brief may sumisilip na. Para bang merong di maipaliwanag na magnetic force ang ebak at inidoro. O sadyang close lang talaga ang dalawang ito at hindi matiis ang isang araw na di pagkikita.

Saktong pagbaba ng ebak ay ang masayang pagbati sakin ng inidoro na may kasama pang water fountain na abot hanggang puwet. Hindi lang yun isang masigabo at dumadagundong na pagsalubong ang maririnig mo sa buong banyo.

Naalala ko tuloy ang dabarkads kong si Pong.
Retreat kinabukasan kaya napagdesisyunan na lang naming matulog sa iisang apartment ng aking mga dabarkads. Paggising niya naghahanap agad ito ng sounds. Pang-araw-araw na ritwal na siguro niya ang magsounds habang naliligo. Dahil sa maaga pa at nakakahiya sa mga kapit-bahay, hindi siya napagbigyan sa kanyang hiling. Kamot tuloy siya ng ulo papasok sa banyo.

Pagsara ng pinto ng banyo... Brrruuuuu...BuuuLLLwwwwAaakkkK! BLaakbbbbakkK! BuuuLwakk!

Anak ka ng pagong! Kaya ka pala naghahanap ng sounds para di ka namin marinig umebak. Napapailing na lang kami habang naririnig ang kanyang pinapakawalan. Paglabas niya ng banyo, tawa lang siya sa kanyang ginawa.

Pero sa totoo lang, ang sarap kaya nun. Ebak sabay utot. Yun ang SUCCESSSSS!!! ;)

Monday, June 15, 2009

Reseta

Tumambay ako saglit dun sa botika ng aking insan. May pinapaayos kasi siya sa kanyang PC. Dahil nagmamagaling ako, natsambahan at naayos ko naman.

Panay ang ikot niya sa loob ng kanyang botika, dahil sa minu-minutong pagdating ng mga tao. Nakakalungkot isipin, tag-ulan na kasi at nauuso na naman ang iba't-ibang sakit.

Naisip ko tuloy bigla, ayos pala ang ganitong negosyo lalo sa panahong ito. Ang kailangan ko lang gawin ipanalangin lagi kay Bro na sana maraming taong magkakasakit at dapuan ng kung anu-anong impeksiyon. Kaya lang, siyempre pag ibinulong ko kay Bro yun baka bunutin niya ang isa niyang pako sa kamay at itusok sa bumbunan ko. At sabay sabing... Minsan mo na nga lang AKO kausapin yan pa hihilingin mo.

Sabi nila bawal magkasakit. Di ba masarap ang bawal? Ibig sabihin... MASARAP MAGKASAKIT.

Totoo. Pag may sakit ka, may mga dadalaw sa'yo. Ibig sabihin nun nag-aalala sila. Mahal ka nila. Ang mga kaaway mo, makikipagbati sa'yo. Dahil naawa sa kalagayan mo. May mga dalang pasalubong. Prutas, donut, at kung anu-ano pa. Ang may sakit mahirap pakainin yan. Kaya ito na ang pagkakataon mo para humiling ng gustong kainin. Sa ganitong paraan nabibigay ang luho mo sa pagkain. Ang sarap ng may sakit.

Pag may sakit ka...
...ikaw ang may hawak ng remote control ng TV. Ikaw ang batas.
...hindi ka papasok sa trabaho. Sarap matulog maghapon.
...hindi ka mauutusan. Ikaw ang mag-uutos.
...ang SARAP.

Pag may sakit ka...
...nauubos ang kayamanan mo. Pambili ng gamot.
...napeperwisyo ang lahat sa'yo. Pati trabaho mo napapabayaan.
...may nalulungkot. Hindi nila alam kung ito na ang umpisa ng iyong pagpanaw.
...ang SAKLAP.

May mga pagkakataong hindi talaga maiwasan ang magkasakit. Kaya tulad ng lagi kong sabi sa'yo. INGAT! Sa madaling salita, mahalaga ang buhay.

Iwasan ang reseta.

Friday, June 12, 2009

Puwit mo

puwit ng kawali - maitim
puwit ng baso - peke
puwit ng pridjider - makalawang
puwit ng monitor - maalikabok
puwit ng kotse - mausok
puwit ng baboy - mabaho

puwit ng sapatos - pudpod
puwit na may pigsa - nakakadiri

173 congressman/woman na bumoto sa HR 1109. Puwit niyo korteng piso!
Puwit ni gloria? Hmmm... kayo na bahala. Walang pinagkaiba sa mga puwit sa taas.

Puro puwit mo iniisip mo. Pano kami? Pano sila? Puwit mo. Puwit mo. Puro ka puwit mo.
Gustong mong maging prime minister ang puwit mo? Tapos ano? Martial law? Anak ng puwit naman.

Gloria forever? PUWIT MO!

Nakakahiyang aminin, CONGRESSMAN NAMIN, isa sa mga pumirma sa gustong mangyari sa puwit ni gloria. Binoto pa naman kita, mukha ka rin palang puwit! Pinahiya mo ko, puwit ka!

Kahit wala akong naintindihan sa pol-scie naming subject noon, hindi ibig sabihin, hindi ko maiintindihan ang pinamumukha sa atin ng mga mukhang puwit na congressman/woman na mga ito. Lalung lalo na ang planong pagsampal ng puwit ni gloria sa atin.

May con-ass kapang nalalaman dyan. PUWIT MO!

Araw pa naman ng kalayaan. Mapapailing kana lang sabay kamot sa bumbunan.

PS. puwit ng manok - masarap pamulutan. Lalo na pag inihaw. ;)

Tuesday, June 9, 2009

Lokgnut sa alaw

Sa bahay.
Bihis na bihis ako suot ang nilabhang t-shirt at baon na polo, na isinabit at pinatuyo sa likod ng pridjider. Hirap magpatuyo ng damit ngayong tag-ulan. Pupunta akong maynila. Kaarawan niya kasi. Bago lumuwas dumaan muna sa pinakamalapit na mall para bumili ng mumunting regalo. Ok. Ayos na lahat. Larga.

Sa bus.
Inilabas ang paborito kong libro. Sudoku. Nasosolve ko 'to less than 7mins. Naks nagyabang pa, EASY lang naman ang difficulty. Teka, di ba automatic ang pagkuha ng ticket sa nlex? Bakit may mamang pulis na nag-aassist sa driver para iabot ang ticket? Para san ang automation? Useless.

Kita tayo sa jollibee malapit sa inuupahan namin. Lam mo na yun di ba?
Ok sige sige.
Teka may payong ka ba? Lakas ng ulan dito.
Wala nga eh.


Sa jollibee.
Ah sir paki-iwan na lang po ang payong dito sa labas.
Ay ganon ba. Ok.

Napilitan kong iwan ang chuchal kong payong.

San mo nanaman napulot ang payong mo?
Sa monumento. 50 isa. Disposable. Hindi tatagal ng 5 araw at pang-3 gamitan lang. Pag nahanginan siguradong babaliktad ito at hindi na babalik sa dati. O diba chuchal.

Paglabas sa jollibee.
Teka may nawawala.

Anak ng tokwa kinuha pa ata yung bwiset na payong na yun.
Ah sir baka natabunan lang po.
Nadinig pala ako ni manong guard. Mabilis akong mag-isip ng masamang bagay sa mga pagkakataong tulad nito.
Ay ayun, natabunan nga lang pala kala ko ninakaw.

Sayang din ito pweding pamalo ng daga sa amin pagkatapos gamitin.

Arigunding-gunding-arigunding.
Sa bahay nila andun din ate niya. Nagkumustahan lang ng kaunti at panik agad ang ate niya sa taas. Naiwan kaming dalawa sa baba. Wala naman kaming ginawa. Lambingan lang. Pero marumi ang konsensya ko. ;)

Pupunta daw kaming Libis mamyang gabi para i-meet ang kanyang mga prens.

L-Series.
Sa LRT. As usual, siksikan. Tulakan. Tahimik ang mga tao. Pagod siguro. Malayo pa station namin para i-meet ang kanyang mga prens. Unti-unting nauubos ang tao.


Tiniw-tinininiw-tiw tiniw-tinininiw-tiw tiniw-tinininiw-tiw. Isang eskandalosong ringtone ang pumutol sa katahimikan sa loob ng LRT. May mga nangisi dahil sa nakakatuwang tunog ng cellphone. Naulit ito ng madaming beses. Hindi ko alam bakit ayaw sagutin ang tawag, na parang nagmumula sa loob ng bulsa o bag. Medyo maluwang na rin ang LRT wala ng maglalakas loob na mangholdap. At sa tingin ko wala ng magkakainteres sa tunog lumang unit na telepono.

Next station na at pumupwesto sa pinto ang estudyanteng babaeng bababa. Habang naglalakad ito, naglalakad din ang tunog ng telepono. BINGO! Ikaw ang salarin.

Teka. Tanong lang. Nakakawala ba ng poise ang ringtone ng cellphone? Hindi naman siguro tatawag yun ng pauli-ulit kung hindi mahalaga ang sasabihin. Nahihiya ka bang ilabas ang Lumang-Series mong fone? Ganun na ba kaimportante sa tao ang cellphone na mamahalin at bago?

Meet her prens.
Kumustahan. Batihan. Halikan. Yakapan. Piktyuran. Masaya silang nagkita-kita. Masaya din ako dahil masaya silang kasama. Kwela. Maingay. Makwento. Hindi ka magsasawa. May kanya kanya silang istorya. Ang iba nag-sisideline ng negosyo. Meron sa kanila nagpapa-aral ng kapatid. Di tulad kong sariling buntot lang ang hila-hila... nahihirapan pang idala.

Habang kumakain.
Napunta ang topic sa trabaho. Puro sila mga accountancy graduate. Kaya halos sa bangko sila nagta-trabaho.

Ikaw san ka nag-wowork? tanong ng isa niyang kaibigan sa akin. Hindi ako nabigla, ineexpect ko ang tanong na yun.
Ah... eh... wala,hehe sa bahay lang... Hindi na nasundan pa ang tanong. Bigla tuloy akong napaisip. Oo nga pala kalahating taon na pala akong tambay. Walang ginawa kundi magpalaki ng bayag. Asan na ba ko? Ano nga bang ginagawa ko dito? Ah basta. Ayokong sayangin ang gabi. Itinigil muna ang pagmumuni-muni. May oras para dito.

Pagkatapos kumain.
Kala ko magsho-shot na. Hindi pala. Coffee-coffee na lang daw. Alam ko naman na hindi sila matakaw sa alak tulad ko. Saka kung magsho-shot man sila, hindi ako iinom. Dahil hindi ako umiinom ng kaunti.

Hatid sundot.
Madaling araw na kaming naihatid sa bahay. Kami lang dalawa. Nagtext ate niya nasa gimikan daw. Dahil sa hapong-hapo na kami pareho, naghilamos lang saka na nagpahinga. Wala naman kaming ginawa. Pero marumi ulit ang konsensya ko. ;)

Kinabukasan.
Tinext ko si ermats at sinabing mamyang gabi na lang uuwi. Walang reply kahit K man lang. Pero feeling ko masayang-masaya si ermats dahil wala ako sa amin ng 2 araw. Haha.

Fakeful.
Nilubos na namin ang araw dahil kinabukasan balik ulit siya sa trabaho at weekends na naman ulit kami magkikita. Hirap ng sitwasyong ganito. Yung tipong pag namimiss mo siya gusto mong halikan o yakapin pero di mo magawa. Pero kunsabagay ok na rin ang ganito. Buong week, walang nagbabantay. Actually wala naman talaga akong ginagawang makakasakit sa kanya. Pero marumi na naman ang konsensya ko. ;)

Bye bye.
Papalubog na ang araw. Inihatid niya ko sa sakayan ng bus. Hirap magpaalam. Nasanay kasi akong kasama siya. Maghapon. Magdamag. Masaya.

Ngayon.
Balik na naman ako sa wala. Tungkol sa wala.