Wednesday, July 29, 2009

Nanana

Pagkahatid mo sa iyong mahal tapos uuwi kang mag-isa, marami kang maiisip o mararamdaman tulad ng... parang nakokontihan ka sa oras ng inyong pagkikita. Tatanong mo sa sarili mo kung kelan ulit kayo magkakasama. Minsan naman iniisip mo pa rin yung mga ginawa niyo sa maghapon. Yung tipong parang kagagaling mo lang magswimming tapos pag-ahon at pag-uwi mo parang nasa pool ka pa rin. Lumulutang. Lumalangoy. May ngiti sa yong mukha.

Minsan naman may mga pagkakataon, hahatid mo na lang siya mag-aaway pa kayo. Nakakabadtrip yung ganun. Tatalikuran mo siyang 'di man lang kayo nagka-ayos. Emo-emohan ang drama mo. Tapos pagsakay ng jeep ganito pa ang tugtog na maririnig mo...



Jusko. Bakit po? Bakit po? Bakit ganito ang buhay? Komedi!

Tuesday, July 28, 2009

SO ano NA?

Papahuli ba naman ako. Siyempre hindi. Sisingit lang ako. Kasaysayan to eh. Medyo babawan lang natin.

124 palakpak. Isang standing ovation. Sa loob ng 57 minuto. Mahusay. Magaling. Matapang. Kung ako nasa loob ng plenaryo papalakpak din ako. Kung kasinungalingan man daw ang pinagsasabi ni PGMA, wala na akong pakialam.

Kung ang karamihan hinihintay sabihin ng pangulo ang kanyang mga plano sa 2010. Iba naman ang sa akin. Hinihintay kong isingit niya ang boob job isyu. Oo nga walang kinalaman, gusto ko lang makiusyoso. Di ba ang saya nun, parang naging comedy bar ang plenaryo. Ay teka matagal na palang komedi ito. Dahil komedyante ang mga nandito. Kongreso.

Ilang beses ba pinasalamatan ni PGMA ang kongreso? Medyo marami din. Naks naman proud na proud ang mga mokong. Ang lalaki ng ngiti at tiyan, at hindi napapagod sa kakapalakpak.

Napansin niyo rin ba ang buntot ni Pacman? Bat laging nasa tabi yun ni Manny?
Isa kapa, o ano nasapol ka noh? Kala mo siguro astig ka ngayong nag-PUTANGINA ka sa rally.

Kung tatakbo mang congresswoman si PGMA dito sa Pampanga. Mag-dadalawang isip pa rin akong iboto siya. Buti na lang at hindi namin siya ka-distrito. Hindi ko na problema yun. Sang-ayon kasi ako sa pamumuhunan niya sa edukasyon. Naalala ko tuloy ang yumaong dating Sen. Raul Roco. Kung buhay lang siya at tatakbo ulit na pagka-presidente, di ako magdadalawang isip na iboto siya. Dahil sa kanyang plataporma tungkol sa edukasyon. Sayang lang kasi at hindi siya masyadong nakapangampanya nuong 2004 dahil sa kanyang sakit. Kaya ayun kay GMA tuloy ako kumapit.

Kung tama man o kasinungalingan ang mga datos ng pangulo sa loob ng 9 na taon, hindi ko na alam yun. Huwag na tayong magsisihan. Huwag na tayong magpasahan ng kasalanan. Nakakasawa na eh. Magtulungan na lang kaya tayo. SALAMAT na lang sa ating pangulo, yun na lang masasabi ko. Tama nga naman siya...

"A national problem cannot be knocked out with a single punch." -PGMA

Saturday, July 25, 2009

Doobiii...

Babala: Wag kang gago tsong, wag mo kaming tularan.

Hindi ko kinakaila, tumikim na ko nito. Hindi lang pala tumikim dahil humitit na ako ng hindi lang isang beses. Marami. Gusto ko kasi malaman anong pakiramdam. Anong mangyayari sakin. Anong makukuha. Curiosity ika nga.

Cannabis. Ganja. Burn. Joint. Chongki. Omad. Maryjane. Weed. Damo. Doobi. At marami pang ibang tawag sa marijuana.

Alam natin na may naidudulot itong mabuti sa medisina. Nakakatulong sa mga sakit tulad ng epilepsy, hika, at iba pa. Alam din nating sumisira ito ng buhay ng maraming kabataan. Isa na ang pinsan ko sa mga naadik sa halamang ito. Halos araw-araw ang paghitit. At ang resulta? Ayun, hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at maagang nag-asawa.

Tuwing iinom nun kami ng aking pinsan hindi mawawala ang isang pakete ng doobi sa kanyang bulsa. Pampadagdag daw ng amats. Gusto ko man siyang sermunan pero di ko magawa. Ayokong ibalik niya sakin ang mga pinagsasabi ko sa kanya. Ang bulag hindi kayang itawid sa daan ng kapwa niya bulag. Palagi din kasi akong umiinom at nakikita din niyang humihitit ako nun paminsan-minsan. Pero ito sinisigurado ko sa'yo HINDI ako naadik dito. Nakikisama lang at pilit na hinahanap ang rason kung bakit ito kina-aadikan ng iba. Ilang beses na din akong pinasuka nito.

Laugh trip. Food trip. Flying without wings. Siesta. Alapaap. Ilan lang yan sa mga dahilan kung bakit SIGURO marami ang nagrorolyo nito.

Nakaka-BOBO. Nag-hallucinate ka. Balisa ka. Malakas ang loob mo at wala ka sa tamang pag-iisip. Kaya mayroon mga nakakagawa ng krimen dahil SABOG at wala sa tamang katinuan. Yan ang masamang epekto nito sa tao. Sisirain ang kinabukasan mo. Kaya siguro hangga ngayon hindi pa rin magawang legal ang marijuana dito sa ating bansa.

Huwag mo ng subukan kung hanggang saan ka at kung kaya mo ang halamang ito. Wala kang mapapala dito. Ito na lang tandaan mo...

Curiosity kills the cat.

Thursday, July 23, 2009

Tinik

Patay-sindi. Sindi-patay. Ganyan ang nangyari kanina sa mga ilaw namin dito sa bahay. Kala ko brownout na naman, pagtingin ko sa mga kapitbahay may mga ilaw naman sila. Nagbabayad naman kami ng kuryente. Pero bakit ganun? Chineck ko ang mainswitch, ok lahat. Lumabas ako tinignan ang poste. Ayun bingo! May kumikislap-kislap na parang bato ni Darna. Konklusyon ng pinsan ko baka lumuwag lang ang koneksiyon ng mga kable. Kaya tumawag kami sa power source (nice term) namin para ayusin nila.

Akala ko pa naman isa itong milagrong dala ng solar eclipse na nangyari kaninang umaga. Kala ko magiging superhero na ako.

Katatapos ko lang kumain bago pa kami tuluyang mawalan ng ilaw. Habang pinagmamasdan ko si manong na kinakalikot ang mga kable ng poste, ay meron din akong kinakalikot. Ang buset na tinik na tumusok malapit sa aking lalamunan. Dahil ito sa kakalamon ko ng galunggong namin. Medyo masakit dahil naiwang nakabaon ang ilang parte ng tinik. Kahit na dumugo pilit ko pa rin inalis kesa mamaga ang bunganga ko. Pero di pa rin ako sigurado kung natanggal nga dahil may nararamdaman parin ako. Hmp! Bahala na.

Teka, anong nangyari kay manong? Hindi naman siya nakuryente o nahulog. Mukha lang siyang napalaban sa mga kable. Ayun binigyan ni ermats na 100, pangyosi. Dapat 150 bibigay sabi ko 100 na lang sakin na yung 50 pangyosi ko. Inunahan ako ng karma ko. Dapat lang talagang natitinik sa lalamunan ang mga kagaya ko.

Tuesday, July 21, 2009

Are we good?

Sabi nila... grab every opportunity. Kaya ayun gina-grab ko lagi. Gina-grab din niya. Gina-grab namin. Nag-ga-graban kami.

Tanong lang muna, bakit ang mga babae ang tagal-tagal mag-ayos? Ang daming chechebureche. Ang daming seremonyas. Ang daming ritwal na kailangan gawin sa katawan, sa mukha, sa buhok. Papalit-palit pa ng damit. Kung di lang namin kayo mahal... Hmp! Hehe.

Para nga naman magmukhang maganda at kaaya-aya sa tingin ng ibang tao lalung-lalo na sa mata ng kasintahan. Yun naman pala. Tanong ko, sagot ko. Baliw.

Pero teka lang ha. Hindi niyo ba alam na mas gusto naming mga lalaki na wala kayong saplot. Na tanging pabango lang ang suot-suot pag kami lang kaharap niyo. Totoo yun. Ang hindi umamin hindi lalaki. Haha.

Teka, naligaw na ako. Ano na nga ba kasi? Ayun opportunity chorva.
Madalas kami tumambay sa kanila, minsan sa amin. Ang ayaw ko lang, iniiwan kaming dalawa lang sa bahay. As in kami lang. Solo. Kaya tuloy nakakagawa kami ng di kanais-nais. Hindi naman sinasadya ang ganuong mga pangyayari. Minsan may mga importante lang talagang pinupuntahan ang mga nadadatnan namin sa bahay.

Imbes na sa sala lang kami nagkukulitan at naghaharutan, napapadpad kami sa ibang parte ng bahay. Jusko po. Bakit po ba ganito kasarap ang luto niyo? Lalo na ngayong tag-ulan. Pag nagkatinginan na, wala na.

Risky. Pressure. Delikado. Nakakadagdag ng excitement. Nakakangatog lalo ng tuhod. Nakakakaba na baka may biglang dumating.

Gayunpaman, masarap pa rin ang mga nakaw na sandali naming dalawa. Grab the opportunity daw eh.

Saturday, July 18, 2009

Perya

Banderitas. Majorette. Banner ng mga pulitiko. Inuman sa tapat ng bahay. Nagbebenta ng mga laruan. Mga nanlilimos. Sayawan sa basketball court. Pa-bingo. Singing contest. Mga palaro tulad ng palosebo, agawan ng buko, hulihan ng baboy o manok... marami pang iba. Ganyan na ganyan ang mga makikita tuwing kapiyestahan dito sa Pinas. Tradisyon nating mga pinoy na hindi nawawala tuwing sasapit ang pista ng ating Santo. Masaya. Masarap. At siyempre 'di mawawala ang perya.

Mahigit isang buwan pa ang pista dito sa amin. Agosto 28. Oo imbitado ka. Mahigit dalawang linggo na ring may perya dito sa baryo namin.

Sa tuwing dadaanan ko ang perya dito, halatang napakatumal. Dahil na rin siguro sa tag-ulan ngayon, kaya limitado ang galaw ng mga tao. Mas nanaisin pang manatili sa loob ng bahay kesa tumapak sa daang maburak.

Bilang bata nuon, nakagawian kong mangulit sa aking mga magulang para lang makapunta sa peryahan. Naranasan ko ring mangupit sa bulsa ng erpats ko at umaalis ng hindi nagpapaalam. Para pumunta sa mundong puno ng aliwan at walang hanggang kasiyahan.

Mga tipikal rides na hindi nawawala sa peryahan...
Ferris wheel - dito ko nadiskubre na may acrophobia pala ako.
Caterpillar - pagkatapos ng ilang ikot kasabay na iikot ang sikmura, sabay suka, sabay tawa.
Horror train - ang mga nanakot minsan kinakagat at sinasabunutan. Minsan din binabato ng lata o bote. Pero wag ka, gumaganti ang mga ito. Meron sa kanila mga manyak ang walang hiya.
Octopus - kailangan mahigpit ang hawak mo dito, kung hindi ibabalik ka sa pinanggalingan mo. Biro lang yun siyempre. Safe naman ang mga 'to.

Hindi rin mawawala ang sugal sa peryahan. Ilan sa mga ito...
Beto beto - depende sa inilabas ng dice kung ilang beses dodoblehin ang tinaya mo.
Color game - na kailangan dahan-dahan ang paghila sa tali. Para daw suspense.
Bingo - pwedi kang manalo dito ng mga kasangkapan sa bahay tulad ng timba, pinggan, arinola at iba pa.
May makikita din larong roleta, itsahan ng barya, hagisan ng bola, etc.

Hindi ko pa nasaksihan ang mga ito, pero sabi ng iba mayroon pa raw mga mapapanuod sa peryahan dati. Kagaya ng mga magikero, sirena, syokoy, babaeng ahas, taong leon, at kung anu-ano pang kalokohan. Nagising na siguro sa katotohanan ang mga tao kaya wala ng masyadong matutunghayan na ganitong uri ng palabas.

Parang bumaba ang langit kapag nakatapak ka na sa mundo ng perya. Nauudlot lang panandalian ang aliwan pag may mga gagong lasing ang nag-aaway at nagsasaksakan pa.

Kapag nakikita ko ang perya sa amin, napapangiti ako at inaalala ang nakaraan. Masaya na malungkot ang nararamdaman ko. Masaya dahil naranasan ko ang kakaibang ligayang idinulot nito sa aking kamusmusan. Malungkot dahil hindi na katulad ng dati... wala na pala ako sa loob ng peryahan.

Kaybilis kasi ng buhay. Taas-baba. Ikot ng ikot. Nakakahilo. Nakakatakot. Nakakalula.

Sunday, July 12, 2009

Batang lola

Kung hindi ako nagkakamali, Tuesday yun sa Wowowee. Mga contestant nila ay batang lola. Nagka-apo sa murang edad. Mga nasa 30+ o 40 ang edad. Basta ganun. Meron pa nga dun 15 taong gulang palang ang anak niya may anak na din. Jusko po! Pero diko sila masisisi...

Kasama ko nanunuod ang Mama ko nung una. Pero 'di ko napigilan lumipat ako ng kwarto para dun manuod. Parang awkward kasi ng dating. Nakaka-relate kami pareho sa topic. Yung tipong, parang nakikinig kami ng sarili naming kwento. Buhay na buhay pa rin kasi sa isipan namin ang mga nangyari.



Maaga rin sanang naging lola Mama ko dahil sakin. Limang taon gulang na sana ang apo nila.

Friday, July 10, 2009

Hulog ng langit

Sabi nila may mga ibinibigay daw ang Diyos na di mo inaasahan. Di hinihingi. Di inaasam pero kusa na lang dumarating. Hulog ng langit ika nga. Kadalasan tao ang tinutukoy. Pero may mga pagkakataong nakakaranas tayo ng mga taong ganito... mabait sa una, parang anghel. Hulog ng langit eh. Di natin alam ang inihulog pala ng Diyos na yun mula sa langit ay diretsong impiyerno sana... SINALO lang natin. Demonyo pala. Kaya maraming mga misis ang nagmumukhang lola dahil sa mga demonyong asawa. At mga nagiging tanga dahil sa demonyong kaibigan.

Pero hindi lang lintik na pag-ibig ang inihuhulog ng langit, may mga bagay din. Bagay, literal.

Kaadikan ko sa paglalaro ng dota nuon. Kasama ang aking mga barkada. Pagkatapos naming maglaro, diretso kami sa mamihan o tapsihan. Kain lang saglit tapos shot na.

Isang gabi pagkatapos mag-dota, kami na lang ng barkada kong si MrPatok ang naiwan, nag-uwian ng lahat. Nagkayayaan kaming dalawa uminom. Napagdesisyunan naming sa kanila nalang magshot para tipid. Dahil wala akong pera ganun din siya. Emperador pwedi na yun.

Habang naglalakad naisip ko may laman pa pala ang ATM card ko, kaya sumaglit kami sandali sa pinakamalapit na ATM machine. May dalawang estudyanteng bading na nagwiwithdraw. Parang badtrip ang dating, kinakatok ang ATM machine. Parang wala namang laman to!.. parang ganyan ang naririnig ko sa naiinis nilang mga boses. Antagal nila, buti gabi na at kami lang ang nakapila.

Umalis silang resibo lang ang dala. Nang saktong ipapasok ko na ang ATM card ko... tangNa may lumabas... DALAWANG LIBO! Nasa kuhanan ng pera. Pero hindi ko muna kinuha. Paglingon ko nandun pa ang mga bading papalipat ng daan. Imbes na habulin ko, kaibigan ko tinawag ko. Pagtingin ko ulit sa ATM machine nawala na naman ang pera. Pero ilang segundo lang lumabas ulit. At dun ko na kinuha.

Naisipan naming ibalik ang pera, nagtungo kami kung san kanto sila pumasok. Pero di namin sila nakita, kaya hinayaan na lang namin.

Nagkatinginan kami ng kaibigan ko. Lumalaki ng lumalaki ang mga ngiti namin. Sakay agad ng dyip diretso sa gimikan. Ang dating emperador lang sana, ngayon napakalamig na redhorse at may kasama pang napakadaming pulutan, with background music pa. Hay... sarap...

Sabi nila pag nakapulot ka daw ng pera gastusin mo agad... at lahat. Di ko lam anung meron sa kasabihan na yun. Pero ganun nga ang ginawa namin.

Kinabukasan, hangover. Binalikan ko ang kagabi. Bigla akong nakonsensiya. Naisip ko kasi baka allowance yun ng dalawang bading, pinang-inom lang namin. Pinaghirapan ng kanilang mga magulang yun, tapos kami inisang bagsakan lang sa inuman. Parang kulang ang effort na ginawa naming paghahanap sa kanila. Iniisip ko na lang sinadya nilang iwan ang mga yun, pero mukha rin silang mga walang pera. Mga mukhang naluging bakla.

Di ko tuloy alam kung hulog nga ba talaga ng langit yun o kaming mga demonyo ang inihulog ng langit.

Wednesday, July 8, 2009

I love letter

Hindi ako mahilig dumungaw sa bintana, yung tipong emo-emohan tas nagbibilang ng bituin sa langit. O minsan naman kinakausap ang buwan. Tssuuu! Baduy. Korni. Cheesy. Matandang dalaga't binata lang gumagawa nun. Pero nung isang gabi, hindi ko alam anong pumasok sa kukote ko at nagawa kong tumambay sa bintana dito sa aking kwarto. Hehehe. Nakatingala sa langit. Hindi lang yun may background music pang kasama. Putiks! MTV ba 'to o MYX? Ano bang nangyayari sa 'kin at madalas sapian ng kabaduyan.

Actually may naalala lang kasi ako. Yoowwwn... Naalala ko lang yung kinain kong love letter dati. Tama kinain. Tama love letter. Pinagpuyatan kong i-type at maagang pina-print malapit sa eskwelahan namin nun. Para sa isang binibini. Hehehe. Nahihiya ako magkwento. Ahihihi.

Matagal na kong jologs. May love letter pang nalalaman ang sira ulo. Para kasing, iba ang salitang galing sa isip, iba din ang sa puso. Iba ang sinasabi, iba ang sinusulat.

Pero ayun nga dahil sa katorpehan ko nung mga panahong yun (2nd year college), hindi ko magawang ibigay sa kanya, kaya itinago na lang sa aking wallet. Natatakot kasi akong mabasted. Saka feeling ko hindi ako bagay sa kanya, sobra-sobra siya para lang sa isang hamak na katulad ko. Ume-emo na nanaman.

Sa tuwing maglalasing kami nun magbabarkada siya bukambibig ko. Masaya ako pag naririning ang pangalan niya. Kaya nung minsang uminom kami nung mga panahong yon, kinalkal ko ang buset na love letter sa wallet ko. Binasa sa isa kong kaibigan NA... may gusto din sa babaeng yun at binasted siya. Buti nga sayo tsong. Pareho tayo. Loser. Gwapo na nga yun at mayaman pa, hindi pa rin umubra sa kanya. Dahil sa katotohanang yun, sumuko na din ako.

Sumubok akong ligawan siya pero pinagtatawanan niya lang ako. Lagi akong tumatawag sa telepono nila sa bahay, pero pinaghihintay ako ng matagal sa linya. Pag kinakausap ko siya jino-joke ako. Hindi ako sineseryoso ng walangya. Hahaha.

Pagkatapos kong basahin ang ginawa kong love letter, dun sa nabasted kong kaibigan. Pinunit ko ang isang bahagi ng sulat. Nilukot. At kinain. Sabay sabing... ang mga sinulat ko dito ay galing sa puso, kaya ngayon ay pipiliting pagapangin pabalik sa aking puso at dun na lang mananatili hanggang tuluyang mawala... Sabay lagok ng redhorse. What the! Anak ng! Saan ko hinugot ang mga linyang yun?! Bakit ko ginawa yun?! Ang Bbbbaaaadddduuuuyyyyy! Baliw talaga ako. Lasing din kasi ako nun at nagda-drama-dramahan. At habang ume-emo ako nun, itong kaibigan kong ito ay tawa ng tawa na parang mababaliw ang loko.

Makalipas ang ilang taon, may mga naririnig ako tungkol sa kanya. Kung saan siya nagtatrabaho... may boypren... blah blah blah... Pero wala na ang kilig. Hindi ko na rin mahanap ang natirang bahagi nung kinain kong love letter. Buset na pag-ibig, darating ang araw pagtatawanan mo din pala.

Baka may magtatanong anong lasa nun. Mapait. Kasing pait ng aking puso nuon. Eh ganun talaga eh. Hahaha.

Sunday, July 5, 2009

Tip

Sa kanto namin, pagbaba ko ng dyip...

Anak ng! Anong kaguluhang meron dito bat andaming tao sabi ko sa aking sarili. Nakiusyo lang saglit. Ayun pala nasiraan lang pala ng kotse. Kala ko kung sinong artista na ang dumating. Pero teka, hindi LANG pala SIYA nasiraan. Pucha. Foreigner. Amerikano. Dolyares.

Ang daming tumutulong. Whoooo! Bayanihan. Ang sarap panuorin. Ewan ko lang ha, kung sa isang karaniwang pinoy kaya mangyari ang ganitong scenario, may mag-aaksaya kaya ng panahon para tumulong?

Likas na talaga sa 'ting mga pinoy ang matulungin. Lalo na, sa ganitong pagkakataon. Kunsabagay sayang nga naman ang... alam mo na... TIP! Amoy dolyar eh.

PS. Mga pare. Anak ng tokwa kayo. Hahaha. Tinamaan kayo ng magaling. Magkano binigay? Ipang-shot na natin yan! Ambunan niyo naman ako uy! Hahaha.

Friday, July 3, 2009

Taning

"Tuloy lang ang buhay. Ganun talaga. Iniisip ko na lang wala akong sakit..." Yan ang sabi sakin kagabi ng aking barkadang si Bochok. Napakabilis ng nangyayari sa kanyang buhay. Napakalungkot.

Sabi nila dati, Diyos lang ang may alam kung kelan ka mawawala sa mundo. Pero dahil sa makabagong panahon ngayon, modernong mga kagamitan, mabibilang na ang nalalabi mong oras.

Mahigit walong taon na din kaming magkaibigan. Laging magka-grupo sa ano mang proyekto nung kolehiyo. Isang kalabit niya lang sakin nun, layas agad kami sa unibersidad namin at diretso sa inuman. Kahit may exam walang pakialam. Uso naman ang removal. At alam naman namin makakabawi kami kinabukasan. Magaling kasi siya. Kahit anong programming languages alam niya. Kaya ayun, may kopyahan ako.

Pagkagraduate namin, kanya-kanyang hawak na ng buhay. Di na uso ang removal. Wala na ring kopyahan. Hindi na professor magtuturo sa'yo kundi sarili na mismo.

Lumipas ang ilang taon, nagkaruon siya ng sariling pamilya. Magandang trabaho. Nagkasama din kami dati sa kanyang pinapasukang trabaho. Mataas ang kanyang posisyon sa isang kumpanya kaya ipinasok niya ko.

Base sa sinabi niya kagabi, matagal na ang limang taong ilalagi niya dito sa mundo. Wahahaha. Nakakatuwa naman ang joke na yun. Pero hindi pala biro. Seryoso. Tsk! Napailing ako.

Kidney failure. Nagresearch ako tungkol dito. Maraming paliwanag, yung iba di ko na maintindihan. Isa lang ang alam ko. Ang tangnang sakit na ito ang papatay sa kaibigan ko.

Gumagastos siya ngayon ng mahigit-kumulang sampung libong piso kada buwan, para lang i-maintain ang kanyang kalusugan. Maswerti siya dahil mataas ang kinikita niya. Kundi, di na siya aabot ng isang taon. Sabi daw ng kanyang doktor, 1M ang kidney transplant. Pero walang kasiguraduhan na gagaling siya dun. Dahil posibleng pagdating ng araw hindi rin tatanggapin ng kanyang katawan ang batong isinuksok sa kanya.

Limang taon? Maximum. Hindi natin alam ang pweding mangyari sa bawat isa sa atin. Maaaring mas maaga pa siya dun. O di kaya, maaaring mauna pa 'ko sa kanya. Hindi natin masasabi. Pero limang taon? Taning? Parang sa bawat titig niya sa kanyang tatlong taon na anak na walang kamuwang muwang, ay ang sabay na pagtitig din niya sa kanyang orasan.

Ang dating basagulero at lasenggero, ngayon mahal ng lahat. Ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak naluluha pag nakikita siya. Naaawa sa kanyang kalagayan. Naging malapit din siya sa iba niyang pamilya. Naging mas malapit pa sa kanyang ina at ama. Naging malapit sa lahat... lalo na sa Diyos na dating tinalikuran niya.

Buhay nga naman. Minsan kailangan mong masugat para maghilom ang mas malalim na sugat.