Thursday, July 14, 2011

3 years

Parang kelan lang nung pasimple kitang sinusulyapan at pinagnanasahan. Umaasang mapatingin ka rin kahit hindi sakto sa akin, at mapangiting para lang napuwing.


Hindi nagtagal bumagsak ka rin sa akin. Kaya nga lang sa maling panahon. May mga tao tayong sinagasaan, sinaktan, at alam kong hangga ngayon ay nasasaktan. Sa ibang salita, mali ang tayo'y magmahalan. Ngunit ang lahat ay ginawa nating tama.


Hindi ko aakalaing may ganitong pagsubok na darating sa pagsusuyuang pinaglaban natin.



Dalawang buwan mula ngayon, iiwanan mo ko ng tatlong taon.



Sa mga panahong yun, may ibang paraan pa ba para mahawakan ang iyong mga kamay? Madampihan ang iyong malambot na labi? Wala na siguro kundi maghintay na lang. Pero tatlong taon amputa, hindi biro yun.


Desperado ang pagkakataon, kahit ano gagawin para makitang nasasaktan ako o ikaw. Bakit sa ganitong panahon niya puputulin ang pag-ibig na papausbong pa lamang? Ang kasabikang hanggang lalamunang nararamdaman ko pag tayo'y magkikita, ngayo'y napalitan ng takot at kalungkutan.


Ayokong makita ang sarili ko na nag-iisa, ginagawa ang mga bagay na dating kasama ka. Nakatunganga at nanlalakbay sa ala-ala nating dalawa. Pero wala na akong magagawa pa, mag-iiba na ang lahat, hindi na tulad ng dati.


"I don't mind distance." Pilit na sinisiksik sa kukote.

Ngunit di alam ang gagawin. Laging subsob ang dibdib pagkagising.

Isa lang ang aking nasisigurado, walang hihigit sa pangungulilang ito.

Pasensya na, natatakot lang talaga akong lumayo ka.


Isa lang ang aking maipapangako, hinding hindi ako gagawa ng bagay na ikakasakit mo.



Maghihintay ako.