Saturday, February 5, 2011

Night shift

Tsik!tsik! Iiiissstt... Hoooohhhh...


Yosi, candy, ID, barya, panyo, celfone. Mga laman ng aking bulsa papasok ng opisina. Oras ng pahinga pero isa ako sa mga kumakayod na tirik pa rin ang mga mata habang ang karamihan ay nakahilatay at nakanganga.

Malamig dito sa labas. Malakas ang hampas ng gabi sa aking mga buto't kalamnan. Gustong-gusto ko ang hangin. Gustong-gusto ko itong yumayakap. Alam kong hinding-hindi ako nito sasaktan kahit anong bagsik ng gabi. Tangay nito ang mainit na usok na ibinubuga ng aking bibig, kasama ang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Pag-aalinlangan, takot, sakit at lahat.

Mga bagay na walang kasiguraduhan. Mga bagay na hindi ko na malaman at maintindihan. Wala naman kasing tiyak dito sa mundo. Kamatayan lang.

Marami akong gustong mangyari sa buhay ko. Kaya ako matiyagang nakikipaglaban sa puyat at antok. At pinipigilang wag mainggit sa mga taong walang humpay na nagtatagayan sa mga oras na to.

Pero sa mga pagkakataong ganito nakikita ko ang aking sarili na mas nasisiyahan. Nararamdaman kong malaya ako. Napakasimple kasi ng buhay kapag ganito. Malayang nakapaglalakbay ang aking diwa patungo sa maliwanag na buwan at kumikislap na mga bituin. Isang taasan lang ng kamay parang abot ko na mga ito.

Lahat naman pweding mangyari. Kailangan lang ng magandang timing at puso.

Hindi pala nakakatamad at nakakabato pag night shift. Sapat na ang hangin kaagapay ko sa napakalayong paglalakbay.

Dahan-dahan lang ipikit ang mga mata, unti-unting iwanan ang alaala at tuluyang mawalan ng malay.

Tumunog na ang bell. Balik muna sa katotohanan.