Thursday, July 14, 2011

3 years

Parang kelan lang nung pasimple kitang sinusulyapan at pinagnanasahan. Umaasang mapatingin ka rin kahit hindi sakto sa akin, at mapangiting para lang napuwing.


Hindi nagtagal bumagsak ka rin sa akin. Kaya nga lang sa maling panahon. May mga tao tayong sinagasaan, sinaktan, at alam kong hangga ngayon ay nasasaktan. Sa ibang salita, mali ang tayo'y magmahalan. Ngunit ang lahat ay ginawa nating tama.


Hindi ko aakalaing may ganitong pagsubok na darating sa pagsusuyuang pinaglaban natin.



Dalawang buwan mula ngayon, iiwanan mo ko ng tatlong taon.



Sa mga panahong yun, may ibang paraan pa ba para mahawakan ang iyong mga kamay? Madampihan ang iyong malambot na labi? Wala na siguro kundi maghintay na lang. Pero tatlong taon amputa, hindi biro yun.


Desperado ang pagkakataon, kahit ano gagawin para makitang nasasaktan ako o ikaw. Bakit sa ganitong panahon niya puputulin ang pag-ibig na papausbong pa lamang? Ang kasabikang hanggang lalamunang nararamdaman ko pag tayo'y magkikita, ngayo'y napalitan ng takot at kalungkutan.


Ayokong makita ang sarili ko na nag-iisa, ginagawa ang mga bagay na dating kasama ka. Nakatunganga at nanlalakbay sa ala-ala nating dalawa. Pero wala na akong magagawa pa, mag-iiba na ang lahat, hindi na tulad ng dati.


"I don't mind distance." Pilit na sinisiksik sa kukote.

Ngunit di alam ang gagawin. Laging subsob ang dibdib pagkagising.

Isa lang ang aking nasisigurado, walang hihigit sa pangungulilang ito.

Pasensya na, natatakot lang talaga akong lumayo ka.


Isa lang ang aking maipapangako, hinding hindi ako gagawa ng bagay na ikakasakit mo.



Maghihintay ako.

Sunday, May 22, 2011

Pagkikita

Hay... ang sarap ng gising ko kaninang umaga, dahil sa napakahimbing kong tulog kagabi bunga ng nasasabik na isang pagkikita.

Kagabi, binilang ang kakaunting pera at dumaan sa isang malapit na mall para bumili ng damit. Pagdating ng bahay, sukat dito, sukat doon. Itinabi pa ang paboritong brief para sa kinabukasan. Talagang pinaghahandaan. Bukas, sa pinagusapang tagpuan, maaaring makita ko na ang aking sarili.

Ang bilis ng mundo, parang laging nagmamadali. Ang hirap sumabay, nakakahilo. Maaaring ito na ang kahuli-hulihang pagkikita, maaari ding hindi. Pero nabibilang na ang mga oras ko, dahil pinili kong tuparin ang aking mga pangarap, hindi dito, kundi sa napakalayong lugar.

Hindi mapakali. Nakatingin sa orasan, tatawa bigla. Walang hiya hindi mapakapaghintay, nauna ng pinaandar ang nagaalburotong isipan. Ang saya siguro nito, siguro magsusubuan kami habang magkahawak kamay tapos tapos... Taena para akong bata.

Tama, parang wala rin namang pupuntahan to. Papatayin lang namin ang isa't isa. Ayokong lamunin ng kilig. Gustuhin ko man, pero mahirap i-slow-mo ang mundo. Walang makapagbabago ng aking isipan, dahil nananaig pa rin sa akin ang makatikim ng kahit na kaunting karangyaan. Pero ayoko magsalita ng tapos. Tulad ng nabanggit ko, maaring dito ko makita ang sarili ko.

Ayoko munang mag-isip ng kung anu-ano. Ayokong bumitaw 'tong pananabik na nararamdaman ko.

Antagal naman, may inaasikaso pa ata o baka hindi makapili ng damit. Pinaghahandaan din ata. Hahaha...

Ayos! May mensahe...



"Cancel na muna. Sorry."




Ngayon, nakatulala sa tala.

Saturday, February 5, 2011

Night shift

Tsik!tsik! Iiiissstt... Hoooohhhh...


Yosi, candy, ID, barya, panyo, celfone. Mga laman ng aking bulsa papasok ng opisina. Oras ng pahinga pero isa ako sa mga kumakayod na tirik pa rin ang mga mata habang ang karamihan ay nakahilatay at nakanganga.

Malamig dito sa labas. Malakas ang hampas ng gabi sa aking mga buto't kalamnan. Gustong-gusto ko ang hangin. Gustong-gusto ko itong yumayakap. Alam kong hinding-hindi ako nito sasaktan kahit anong bagsik ng gabi. Tangay nito ang mainit na usok na ibinubuga ng aking bibig, kasama ang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Pag-aalinlangan, takot, sakit at lahat.

Mga bagay na walang kasiguraduhan. Mga bagay na hindi ko na malaman at maintindihan. Wala naman kasing tiyak dito sa mundo. Kamatayan lang.

Marami akong gustong mangyari sa buhay ko. Kaya ako matiyagang nakikipaglaban sa puyat at antok. At pinipigilang wag mainggit sa mga taong walang humpay na nagtatagayan sa mga oras na to.

Pero sa mga pagkakataong ganito nakikita ko ang aking sarili na mas nasisiyahan. Nararamdaman kong malaya ako. Napakasimple kasi ng buhay kapag ganito. Malayang nakapaglalakbay ang aking diwa patungo sa maliwanag na buwan at kumikislap na mga bituin. Isang taasan lang ng kamay parang abot ko na mga ito.

Lahat naman pweding mangyari. Kailangan lang ng magandang timing at puso.

Hindi pala nakakatamad at nakakabato pag night shift. Sapat na ang hangin kaagapay ko sa napakalayong paglalakbay.

Dahan-dahan lang ipikit ang mga mata, unti-unting iwanan ang alaala at tuluyang mawalan ng malay.

Tumunog na ang bell. Balik muna sa katotohanan.