Monday, June 14, 2010

Hangover

Nagising ako sa ingay ng awayan ng mag-asawang langgam na katabi ko palang natulog kagabi. Marahil sa papalapit na tag-ulan ang kanilang diskusyon. Mabuti na lang abala sila sa kanilang pagtatalo kaya nakalimutan nila akong papakin. Salamat na din nasa dulong bahagi sila ng aking kama. Pero dinig na dinig ko pa rin ang sigaw ng kanilang mga anak… “Tama na inay, lumaban ka itay!!! Parang awa mo na…”


Ang hirap bumangon…


PU+@#$%^&*!!!! DI NA KO IINOM!!! -Pamosong linya ng mga taong may hangover tulad ko.

Parang nasa talampakan ang ulo ko. Ang aking utak parang ginagawang sisig. Parang naka-limang round ako na walang hugutan sa bigat at lupaypay na aking katawan.

Ano na naman kayang nangyari kagabi? Anong kabalbalan at kahihiyan na naman kaya ang nagawa ko? Yan ang unang una kong inaalala paggising ko. Dahil sa isang masaya at halakhakang inuman lahat pweding gawin. Walang limitasyon. Walang kontrol. Tawanan. Humagalpak hanggang magdugo ang lalamunan. Ganyan kagaan ang buhay kapag umiinom, para kang nakalutang sa dagat ng alak.

Gusto kong tubig. Malamig na malamig, nagyeyelo. Softdrinks na lang. Noodles. Mami. Goto. Kape kaya? Kapeng mainit na mainit. Kapeng malamig? Starbucks?

Teka, papaano ba uminom ng kape sa Starbucks o sa kahit saan pa mang bonggahan na kapehan? Nagbabago ba ang lasa nun kapag dalawang oras mong iniinom? Dapat ba laging may tira? Sosyalan. Aminin na natin ang ibang nagpupunta sa mga ganyan nagpapanggap lang. Taas noo pa nga eh habang nakaupo. Nakikipagsabayan kahit hindi naman kaya.

Sa inuman meron din na nagpapanggap. Nagpapanggap na walang pera kapag bayaran na. Nagpapanggap na lasing na para lang makauwi na. Nagpapanggap na masaya, pero nasasaktan pala. Nakikipagsabayan kahit hindi naman kaya. Maraming taong ganyan umiinom para lumimot panandalian sa malupit na takbo ng buhay. Pero ang masaklap, kinabukasan, masakit na ang ulo kumikirot pa rin ang puso. Hangover talaga.

Sa tindi ng hangover na nararam…




ARAY!!!


Pucha! Si manong langgam lumapit pala sa akin. Di na nakayanan ang pasan na pasan na problema dahil sa bungangerang asawa. Nagsuicide.

Tuesday, June 8, 2010

Hintay

Nasanay lang siguro na kasama siya. Nakalimutan kong hindi pala sa lahat ng oras kakampi ko ang oras.

Kwentuhan. Tulog ang mundo, malamig ang gabi. Ambilis lumakbay ng hangin tangay ang lungkot at takot. Magkasama. Biglang tawa. Tahimik. Walang imik. Biglang yakap, sabay halik. Mahigpit hanggang sa kadulo-duluhang matamis na parte ng labi. Mga sandali sa buhay na kailanman hindi matutumbasan ng kahit anupaman. Mas masarap pa sa napakalamig na bote ng alak.

Ayoko ng sumikat ang araw sa mga pagkakataong ganun. Ayokong ipikit ang mga mata ko kahit sobrang pagod na pagod na. Ayokong bumitaw sa mundong kaming dalawa ang nagmamay-ari. Gusto ko lang ganun. Yun lang. Wala na akong hihilingin. Yun lang.


Tik-tak-tik-tak…


Ang hirap labanin ng oras, alam kong kaya nitong lamunin ang kahit na anong bagay, pati na ang mga sandaling tulad nun. Pagtalukbong ng kumot, pagsikat ng araw, panibagong takbo ng buhay. Kailangan ko na namang masanay ng nag-iisa ng mga ilang araw at ilang gabi. Hindi ko alam kung kailan na naman mauulit ang mga bagay na gusto kong ulit-ulitin kasama siya.



Tik-tak-tik-tak…







Hintay. Wag muna. Huwag na muna nating tapusin…