Friday, August 28, 2009

Ending

Hindi ko alam kung uso pa ito, wala na kasi akong nakikitang nagpapataya nito sa amin. Yung "ending". Yung sa basketbol. Yung kombinasyon nung dalawang huling numero ng final score ng dalawang team sa PBA. Oo, yun!

Nung ako'y gusgusing bata pa, na laging may tuyong sipon sa butas ng ilong at maitim na kwintas sa leeg, yung mga kalaro ko laging nagpapataya at lagi akong tumataya ng ganun. At ako din naman ay nasubukan ko ng magpataya ng "ending", pero madalas nag-aabono ako. Dependi sa nagpapataya kung magkano itataya. Kung natyambahan mo yun at tumaya ka ng piso mananalo ka ng 80 pesos. At kung ang tayaan naman ay...

2 piso = 160 pesos
3 piso = 240 pesos
5 piso = 400 pesos
and so on and so forth... Meron pa nga mga grocery items, appliances, o isang sakong bigas ang papremyo pag malakihan na ang taya.

Kung nagpapataya ka at natayaan lahat ng numero, automatic sayo yung beinti kung tig-pipiso taya. Pero kung hindi napuno yung lahat ng kombinasyong-numero ng mga pirma o initial (kadalasan ganyan ang inilalagay ng mga tumataya), naku isa ka sa mga walang ka-sales-talk sales-talk na katulad kong laging nalulugi. Mag-aabonu ka panigurado at hindi pera mo, kundi pera ng erpats mo na kinupit mo sa kanyang nakasabit na pantalon sa likod ng pintuan.

Panahon ng rivalry ng San Miguel-Alaska, championship nun, siyempre maraming tayaan ng ending. San Miguel paborito ni erpats, kaya ako din San Miguel na rin. Maaga akong naliligo nun sa poso ng kapit-bahay namin, tapos nun tututok na kami ni erpats sa dekwerdas namin telebisyon na nilagyan ng di-pangkaraniwang plastik para magkakulay naman ang black-en-white-TV namin kahit papaano. Sa tuwing namumuro ako sa ending, nagdadasal ako kay Bro na kahit matalo ang San Miguel basta manalo lang ako sa ending. Pag last two-minutes na, naku po dito na magsisimula ang pinaka-aabangan ko, dito nako mapapatayo mula sa pagkakakandung ko kay erpats, dito na rin ako bulong ng bulong na sana 5-6 5-6 5-6 5-6 5-6...

At yown! 5-6 nga ending! Natawa ako ng malakas at nagpagulong-gulong sa kawayan naming sahig habang nakatitig sa akin si erpats na tila ba nagtataka. Nanalo kasi ang Alaska, akala siguro niya iniinis ko siya. Hindi niya kasi alam na tumataya ako ng ganun. Binabawal niya.

Kinabukasan, langya lahat ng mga kalaro ko kasama yung nagpataya nung ending papunta sa bahay namin. Nasilip ko sila sa bakod namin, umaalikabok ang dinadaanan nila. Para silang maghahamon ng away. Tignan mo nga naman ang kahalagahan ng pera noon, halagang 80 pesos nakapagpapalusob ng isang batalyon.

Buti wala si erpats nang iabot sa akin ang 80 pesos na mababahong tig-lilimang pisong papel. Pagkakuha ko nun, nagpalakpakan ang mga kutong lupa. At ayaw umalis ng mga mokong halatang naghihintay ng balato. Pangingiti pa sa akin ang mga gago. Patapik-tapik pa sa balikat ko.

Tuesday, August 25, 2009

Biyaheng langit

Nauuso na naman ang mga nagsasalpukang bus. Hindi ko alam kung sino dapat sisihin sa mga aksidenteng yun. Aksidente nga kasi. Pero sa tingin ko, may mga pagkukulang din ang mga driver dun. Palibhasa yung ibang driver puro mga sarili lang iniisip. Ambilis magpaandar, nakikipag-unahan kasi kumuha ng pasahero.

Katulad na lamang pag sumasakay ako ng bus papuntang Cubao. Yung mga "killer bus" na kung tawagin. Mga bus na parang walang mga kambiyo kundi pindutan lang katulad sa mga jet. Pagsasakay ako ng ganun, tangina paakyat ka palang aapakan na silinyador maihahampas kana sa gitna ng bus. Pati makina ng mga to parang pang-jet, ang iingay. Kaya tuloy yung mga sumasakay na nangangaral (yung mga nanlilimos na nagbabasa ng bible) sila lang nakakarinig sa mga sinasabi nila. Gusto ko man makiusyoso sa mga pinagdadakdak nila pero di ko maintindihan. Isa pa kapag naupo ka sa tabi ng bintana, para kang nakasakay ng rollercoaster na kapag binuka mo bibig mo magmumukha kang katawa-tawa, sa bilis magpaandar ng mga barumbado. Pero ako gustong-gusto ko nakasakay sa mga ganun kahit nakaka-kaba. Gusto ko kasi sa mabilis na mablis na mabis.

Pero mas kinakabahan ako pag nakaangkas sa motor. Napakadelikado kasi, lalo na kapag walang helmet. Kapag may naaaksidenteng ganito na walang mga helmet, sinisisi agad ang driver. Sasabihin pa sa kanya... "Buti nga sayo ang tigas kasi ng ulo mo!" Anak ng tokwa eh hindi naman matitigas ang ulo ng mga yan eh. Isipin mo na lang kung matitigas nga ang bungo ng mga yan, hindi gagawing gel ang sariling dugo pag nahampas ang ulo. Heto ah payo lang, sa mga motoristang ayaw gumamit ng helmet na gustong-gusto patunayan ang tigas ng bumbunan... mabuti pa yung ibang ulo na lang ang ibunggo niyo. Buti pa yun hindi dugo ang lalabas. Kakaibang biyahe yun. Pero teka, paalala lang, wag niyo din kalimutang gamitan ng helmet. Mahirap na buhay ngayon. Global warming. Dumadami na tao sa mundo.

Sunday, August 23, 2009

Superproxy

Umaatend ako kahapon ng children's party. Birthday ng 7-years old na kapatid ni labidabi. Bongga yung celebration niya. Andaming bisita, andami din pagkain. Habang hindi pa nag-iistart ang party tumulong ako sa pangangabit ng mga lobo sa mga upuan. Siyempre pakitang gilas sa future family. Ahihi.

Habang hawak-hawak ko ang lumilipad na lobo, lumilipad din ang aking isipan. Pucha nag-eemo ako. Sa tanang buhay ko kasi di pa ako nabigyan ng ganuong selebrasyon. Tuwing kaarawan ko kasi, masaya na pag may bitbit na isang plastik ng pancit si erpats. Hindi din mawawala ang isang galong ice cream bigay ng lolo ko na pinagsasaluhan naming magpipinsan. Alam ko naman na gusto nila akong bigyan ng masayang kaarawan. Sino ba naman magulang ang ayaw maging masaya ang anak tuwing mga ganuong okasyon. Pero walang-wala talaga kami nun. Minsan pa nga... BOOOONNNGGG!!! Nagising ako sa pag-eemo ng biglang pumutok ang isang lobo.

Nagumpisa na ang party. Yung mga clowns ang sisigla kuno, ang saya-saya ng make-up, ang galing din maghele inaantok ako sa dalawang mokong na yun. Pero bentang-benta sila sa mga matatandang tawa ng tawa. Halatang pilit ang pagpapatawa nila. Makikita't makikita talaga ang emosyon ng isang tao kahit anong bagay ang itapal sa mukha. Naawa tuloy ako sa kanila, kaya nakikipalakpak na rin ako. Mahirap talagang magpatawa lalo na alam mo sa sarili mong maraming bagay ang gustong pumigil sayo gawin iyon.

Palagi naman akong pumupunta sa kanila. Kilala na nga ako halos ng mga kamag-anak niya. Pero nung nagsimula na kaming mag-inuman iba ang naramdaman kong sigla. Habang nagtatagayan kami, nandun yung mga tita niyang hindi naman umiinom pero nakikisingit ng number sa videoke. Tahimik lang ako, at hindi ako yung tipo ng tao na galaw ng galaw para lang mapansin. At jusko po ayaw ko din naman na mapansin ako, baka magtanong pa sila ng kung anu-ano tungkol sa buhay ko. Hotseat ika nga nila. Lalo na't alam kong wala akong alam na ipagmamalaki.

Pero hindi maiiwasan, may mga tanong na naiibabato sa akin. Mababaw lang naman, tipong mga biruan lang. Kesyo kelan daw ang kasal? Mahal ko ba daw talaga ang pamangkin nila? Napapasilip ako sa erpats niya natutuwa din sa mga biruang ganun. Pero sabi nga ni labidabi, sa likod daw ng mga ngiting yun luha ang umaapaw. Kasi daw ang baby niya dalaga na. Ewan ko ba sa ibang magulang na ayaw ikasal ang kanilang mga anak. Iniisip kasi nila maaagawan sila ng isang anak, ang hindi nila alam, bagkus madagdagan pa ito ng isang gagong kagaya ko.

Heto pa ang nangyari, pinakanta pa ako at i-dedicate ko daw sa kanilang pamangkin. Pucha, hindi ko napaghandaan yun kaya sintonado aking boses. Lagi naman. Wahaha! Wag mo ng alamin ano kinanta ko. Naka-ilang shot na rin ako at medyo makapal na aking mukha. Kaya nung binigay sa akin ang mic, itinutok ko agad sa bunganga ko. Palakpakan. Tuksuhan na parang mga highschool na nasa loob ng classroom.

Masayahin yung angkan niya. Nararamdaman ko ang kanilang mainit na pagtanggap sa akin tuwing dadalaw ako sa bahay nila. Nakakatuwa lang isipin, na ang sarap sa pakiramdam kapag natatabunan ang mga bagay na ayaw mong nangyayari sa buhay mo sa kasalukuyan.

Hindi ko na tinapos ang kanilang masayang inuman. Nagpaalam na ako. Habang papauwi nandun ang ngiti sa aking mga mukha. Masaya. Lumilipad pa rin ang aking isipan, na parang lobong nahawakan ang kalangitan.

Thursday, August 20, 2009

Deal

May pamahiin o kasabihan ang matatanda na... kapag nanaginip ka daw na natanggal ang isa mong ngipin, may miyembro ng pamilya mo o malapit sa'yo ang mawawala na sa mundong ito. Mamamatay. Marami na akong beses nanaginip ng ganito, ang huli ay nung Martes. Wala naman nangyayari, kasabihan nga lang. Di naman nagkakatotoo, dahil na rin siguro sa kinokontra ko. Tama. May pangontra sa kasabihang ito. Kagatin mo daw ang kahit na anong kahoy ng ilang segundo pagkagising mo. Yan ang aking ginagawa, kinakagat ko ang computer table o kaya kabinet ko. Wala naman mawawala kung susubukan. Mabuti at nilolock ko ang aking pinto, baka kasi may biglang pumasok habang kagat-kagat ko ang aking kabinet. Ano kaya ang magiging reaksiyon nila pag nakita nila akong ganun? Itatali siguro ang kamay at ididiretso agad ako sa loob ng Mandaluyong.

Kanina naman ang panaginip ko... ginigising daw ako at hinalikan sa pisngi ni ermats. Isang pangyayaring hindi pangkaraniwan saming mag-ina. May mga sinasabi daw siyang mga habilin, na tila ba nagpapaalam na. Iyak daw ako ng iyak sa aking panaginip.

Parang hindi ko yata gusto ang mga napapanaginipan ko lately ah. Parang may hindi tama. Ayokong isipin na senyales ito ng isang bangungot sa totoong buhay. Ayokoyokoyokoyoko.

High-blood si ermats. Ngayon lagi siyang nahihilo at tumataas ang presyon. Isa na rin siguro ang puyat at siyempre hindi mawawala ang kunsimisyon sa aming magkakapatid.

Nakipagkasundo ako kay Bro, magkikita kami sa darating na linggo. Ang gusto ko lang mangyari... aayusin ko na buhay ko, iwas bisyo, tutuparin ko na mga pangarap ko, magsisipag na ako, magiging mabuting tao at lahat ng gusto niya gagawin ko... basta wag niya lang muna kukunin ang aming ina.

Hindi pa tapos ang obligasyon ko bilang anak. Wala pa nga akong naibibigay na kapalit sa kanyang mga sakripisyo, na alam naman nating hindi matutumbasan ng kahit na ano. Hindi naman maluho si ermats, hindi na siya naghahangad ng isa pang bahay at lupa, o mga sasakyan. Ang gusto lang niya makapunta sa iba't ibang bansa. Makapamasyal. Sa ngayon dalawang bansa palang napupuntahan niya, Hongkong at ang Pinas. Kaya pag ako yumaman pucha, bibili ko siya ng sariling eroplano.

Sana. Sana. Sana senyales ito ng magandang paggising. Sana binubuhusan lang ako ng malamig na tubig ni Bro para bumangon.

Kailangan ng tumayo. Magpagpag ng unan. Magtupi ng kumot. Magligpit ng higaan. Minsan kailangan mo talagang managinip para gumising.

Wednesday, August 19, 2009

Funny Blog

Ayeee... Award na naman. Nahihiya ako. Ahihi. Hindi ko talaga inaasahan tong award na to na bigay ni LordCM at lahat ng bumubuo ng KaBlogs. Funny daw blog ko. Hindi naman eh, ang korni nga eh. Oo nga buti alam ko. Hahaha! Hindi ko talaga ineexpect to, lalo na yung gwapo mo award tsaka cutest award buti hindi ako nanalo dun, hindi naman masyadong sumakit ang loob ko. Hahaha! Bakit ba? Eh feelingero talaga ako. Dalawang patong nga ng encyclopedia mukha ko.



Maraming salamat sa Kablogs Team! Sa mga taong nasa likod nito at sa mga taong patuloy na sumusuporta dito, maraming salamat! Please support Kablogs (ayun nasa sidebar ko). Ang sarap sa pakiramdam pag pinaparangalan. Nakakataba ng puso. Thanks thanks! ;)

Siyanga pala, sa mga may gustong itanong, i-suggest, ikomento, ireklamo o kahit ano pa man, sa barangay hall ka pumunta. Korni talaga noh. Hahaha! Heto na nga, i-email niyo ko dito haringsablay_haringsablay@yahoo.com. Wala lang, KSP lang talaga ako. Tsaka naiinggit din ako sa may mga email sa blog. Hahaha! Basta wag lang kayong mangungutang o magtatanong tungkol sa chemistry o biology, lalung lalo na wag kayong magkukwento tungkol sa mga multo sa akin. Ayun lang. Hanggang sa muli. Salamat ulit. Mabuhay tayo! Apir! ;)

Friday, August 14, 2009

Kitikitext

Ang pagkaka-alam ko ang salitang "po" at "opo" ay ginagamit sa matatanda, diba? Tama diba? Sa mga gurang ganun. Pero sa mga text messages madalas ginagamitan ako ng "po". Eh isa o dalawang taon lang naman ang tanda ko sa kanila. Bakit kailangan may kasamang "po" pa. Paggalang ba yun o pa-tweetums? Kung paggalang yun, pwedi mo naman akong igalang kahit walang "po". Kung pa-tweetums naman yun, hmmm... Naging pa-tweetums din pala ako dahil ginawa ko na yun dati. Hahaha. Nagsend na din ako ng mga message na tulad nito... Hello po! Kumusta po kana po? Kumain kana po? Miss na po kita po! I love you po...

...Kapag pala bibitawan mo ang salitang "i love you" sa text dapat pala tama spelling ng love. Hindi "i lab u po" o "Luv u po" o "lav yu po" o "labyoupo". Dapat pala love as in L-O-V-E. Dahil kahit san dictionary ka man magpunta ang lab, luv at lav, ay di mo makikita. Ibig sabihin kapag tinext mo ang katagang i lab u, i lav u, labyu sa mahal mo. Meaningless. Useless. Walang kabuluhan...

...Tulad nito walang kabuluhan kaya hindi ko sineseryoso. Sabihin ba naman sa akin na ang mga gwapo't magaganda daw kung magtext eh laging bitin ang mga mensahe. Pati daw sa pagba-blog. Kapag magsusulat daw bitin. Anak ng tokwa naman mga pare, sino naman nag-imbento nito. Kalokohan naman ito. Pweh! Pag bitin ang entry gwapo o maganda na siya? Di ako naniniwala dito. Pero kapag

Wednesday, August 12, 2009

Away-away-away na to

Nung nakaraang sabado sinamahan ko siya sa kanyang dentista. Monthly check-up dun sa kanyang bakal sa ngipin. Maraming tao, sabado kasi. Walang upuan kaya naghintay na lang muna kami sa labas ng clinic. Napansin ko yung pinto ng clinic, nakasulat dun ang dalawang pangalan ng dentista. Hindi nila totoong pangalan pero ganito ang nakasulat...

Maria B. Delacruz - Santos
Juan A. Delacruz

Kahit ako, unang tingin ko kala ko mag-asawa pero hindi pala. Ang alam ko lang magkamag-anak sila pero di ako sigurado kung papaano.

Pagkatapos ng nakakaantok na tatlo-kalahating oras ng pagpila, siya na ang sumunod. Mahirap talagang magreklamo pag may kailangan ka sa isang tao. Mahigit limang minuto lang ang tinagal niya sa cubicle sibat agad kami. Inadjust-adjust lang daw at pinalitan yung mga goma.

Sumakay kami ng LRT, puwesto kami sa gitna kung saan yung pinagdudugtungan ng mga tren. Nakatayo. Nakasandal. Nakahawak sa may bakal. Next station may sumakay na tibo tsaka bebot. Nasa late-30's na mga itsura. Tumabi sa akin yung tibo, yung bebot naman sa harap ng tibo. May kausap sa fone ang bebot papasok ng LRT.

Nagsalita yung tibo...

Mamayang maghihiwalay na tayo pwedi mo ng gawin kahit anong gusto mo.

Nagulat ako magkakilala pala sila. May tumawag ulit sa bebot...

Bebot: Ma... malolowbat na to... blah... blah... blah... (sabay baba ng fone)
Tibo: Pahiram ng cellphone (pasimpleng inaagaw ang fone sa bebot pero di binibigay)
Bebot: Tinetext ko si Mama oh...

Umikot-ikot ang ulo ng tibo, nagmamasid siguro. Putiks! Nakita niya akong nakatingin sa kanya. Mabuti at inalis ko agad ang tingin ko. Nakakatakot kasi siyang tumingin parang kakain ng buhay na manok. Habang papaandar ang tren patuloy din ang kanilang pasimpleng pag-aaway. Hindi naman eskandaloso ang dating pero marami din taong nakakarinig. May mga binibitawan silang pangalan tsaka lugar tsaka date.

Ilang minuto pa binigay din ng babae yung fone sa tibo. Iniiscan nito ang cellphone. Scroll down. Nagpapa-ring ng number. Nagbabasa ng messages. Alam ko mga ginagawa niya dahil pasimple akong sumisilip. Hanggang sa tuluyan ng nag-empty yung battery ng fone...

O bat di ka mapakali diyan? (sabi niya sa babae) May spare ka naman battery di ba? Palitan mo na to. (sabay abot) Tsaka mo tawagin si ganito (parang fren nung babae). Sabihin mo marami akong gustong itanong. May gusto lang ako malaman... Oh ano napalitan mo na ba?

Pagtingin ko sa babae, nakakaawa itsura. Halos mangiyak-ngiyak. Isang pikit na lang babagsak na ang luha. Ilang station pa ang lumipas dumadami yung pasahero at medyo nauusog na kami papalayo sa kanila. Pero naririnig ko pa rin silang mag-usap. Hanggang sa binigay na ulit yung fone sa tibo...

Hello... salamat ah, salamat sa pagsisinugaling atleast ngayon alam ko na anong oras siya nag-out nung tuesday. Hindi naman ako nagagalit sa inyo, nagagalit ako sa kanya. Maghihiwalay na kami nito pinapasundo ko na siya sa mama niya...

Yun ang huling dinig ko sa pasimpleng pag-aaway nila. Bumaba na kami at di ko na alam kung saan-saan na napadpad ang kanilang konprontasyon. Ayaw ko pa sanang bumaba para makiusyoso pero baka kung saan-saan din kami makarating.

Hindi ko alam kung magkaka-ayos pa ang dalawang yun o tuluyan ng lilihis ng magkabilang landas. Nakakalungkot ang ganitong mga pangyayari. Nakakalungkot makasaksi ng mga taong nagmamahalan pero nauuwi din pala sa hiwalayan. Mukhang maluluwag na rin siguro ang kanilang mga goma, kailangan na din pumunta ng dentista. Kailangan na sigurong palitan ang isa't-isa, at maging estranghero ulit ang mga paningin nila.

Sunday, August 9, 2009

Hay buhay

Hay Buhay
Sugarfree

Parang kailan lang nung ako’y nagsimula pa lang matuto
Matuto tumayo, maglakad, sumabay, at lumangoy sa alon ng buhay
Ng aking buhay

Kay hirap din palang hanapin ang iyong sarili
Sa isang mundong laging nagmamadali
Sa kakahabol ay tuluyan nang napagod at napaupo
Naisip ko nang sumuko

Dahil nakita mo na akong sumablay
Narinig mo na ang puso kong bumigay

Hay buhay, hay buhay, hay buhay nga naman
Hay buhay, hay buhay, hay buhay nga naman
Hay buhay nga naman

Parang kailan lang nung ako’y huling umibig
At linamon, linason ng kilig

Bawat pangako ng ligaya, sinalubong ng trahedya
Ang habangbuhay, naging babay

Parang kailan lang nung ako ay mag-isa’t nakadapa na, walang wala na
Ako’y natutong magdasal, manalig sa maykapal
At unti–unti, sa aking sarili

Pipilitin kong di na muling sumablay
O ang puso ko hindi na muling bumigay

Hay buhay, hay buhay
Hay buhay ko


Credit:youtube

Friday, August 7, 2009

Death Note

May napulot akong itim na notbuk. Notbuk hindi libro na paborito ni Hudas. Simula nung napulot ko ito naging miserable at nagkagulo-gulo ang buhay ko. Dahil mahiwaga at may kapangyarihang pumatay ang notbuk na ito. May nakapaloob dito na rules o guidelines kung papaaano gamitin to. Marami, yung iba mahirap ng intindihin. Pero dalawa ang maliwanag kung papaano gamitin ito. Ang isa, isulat ang tunay na pangalan ng gusto mong mamatay. Mamamatay ito sa loob ng 40 segundo. Ikalawa, kailangan alam mo ang mukha ng taong isinusulat mo ang pangalan, para hindi maapektuhan ang mga taong magkapareho ng pangalan.

Kalokohan naman ito sabi ko sa aking sarili. Pero nakakakiliti ng utak, kaya sinubukan kong gamitin. Habang binabalita sa telebisyon ang mga batang hinostage, nakuha ko ang pangalan at mukha ng hostage-taker. Sinulat ko ang pangalan nito sa notbuk. Pagkalipas ng ilang segundo nagkagulo sa hostage scene at binalitang namatay daw ang hostage-taker. Hindi pweding mangyari ito, baka nagkataon lang. Coincidence ika nga. Kailangan kong patunayan ang bisa ng notbuk sa pangalawang pagkakataon. Madilim na ang paligid may isang babaeng naglalakad, ng bigla itong harangin ng mga lalaking nakamotor. Nagpakilala ang isang lalaki, dinig na dinig ko ang pangalan. Mga kriminal pala ang mga walang hiya. Sinulat ko ang pangalan ng gagong rapist sa notbuk. Habang hinahabol ang babae, isang rumaragasang truck ang bumundol sa lalaking nakamotor. Wasak ang motor, wasak ang katawan ng kriminal.

Walang duda. May kapangyarihan akong pumatay ng mga taong masasama gamit ang notbuk na ito. Gagamitin ko ito para gawing malinis ang mundo. Buburahin ko ang mga kriminal. Ang mga taong matutulis ang sungay. Ang mga taong mahahaba ang buntot. Tatawagin ko itong BAGONG MUNDO. Kayang-kaya kitang patayin. Paslangin. Kitilin ang buhay. Ako ang Hari dito. Ako ang may kontrol dito. Ako ang magiging Diyos sa bagong mundong ito. -Light Yagami


Papaano kung nangyari ito sa akin sa totoong buhay? Hawak ko ang buhay ng ibang tao. Ang sarap siguro ng pakiramdam. Pero hindi ako nalalayo sa mga masasamang tao. Isa din akong taong kriminal na kumikitil ng buhay. Ang sarap kasi ng may kapangyarihan. Ang sarap siguro maging Diyos. Kapag nasa sa'yo ang kapangyarihan, gagawin mo ang lahat para hindi mawala o maagaw ang kapangyarihang inaasam ng karamihan.

Pero hindi ganuon kadali. Magiging miserable ang buhay ko. Marami akong makakalaban. Maraming mag-aasam ng buhay meron ako. Magiging akong baliw. Tatakutin ang ibang tao. At bandang huli, ako mismo ay matatakot sa sarili ko. Dahil baka dumating ang panahong hindi ko na makontrol ang mga nangyayari. At kahit sino na lang ay papatayin ko para lamang hindi maagaw ang kapangyarihang meron ako.