Sunday, June 28, 2009

Wait

Meron mga tao minsan sinisisi ang Diyos dahil sa sunud-sunod na mga problemang dumarating sa kanilang buhay. Nakakahiyang aminin dumating na ko sa puntong ganun. Sinisi ang Diyos. Nagtampo sa kanya. Nagalit. Oo tama, mali ako. Kaya nga lubos ang aking pagsisisi nung mga panahong yun. Hindi ko kasi alam nun, na nasa kabilang lane pala ako ng daan. Kaya madaming bumabangga, lahat sumasalubong sa akin. Wasak na wasak ako. Malalaman mo na lang na mali ka kapag huli na ang lahat. Minsan kasi mismong tao na rin ang gumagawa ng kanyang mga problema. At hindi dahil sa hindi siya napagbigyan ng Diyos.

Simbang gabi nuon. Napakasaya ng mga tao pati na ako. Lalong nagpasaya sa amin ang sinermon ng pari. Sabi ni father, nakalimutan ko ang pangalan pero hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi. Isa sa tatlong SAGOT na mga ito ang ibibigay sayo ng Diyos pag may hinihiling ka sa kanya...

Una: YES. Ibibigay niya ang gusto mo.

Pangalawa: NO. Dahil may ibibigay siyang MAS higit sa inaasam mo.

Pangatlo: WAIT. Hintay ka lang at darating ang araw malulula ka sa mga tinatanggap mo. Dahil bigay lang siya ng bigay ng bigay ng bigay ng bigay...

Friday, June 26, 2009

WWTBAM

May mga tanong sa mundo na wala talagang tamang kasagutan. Tulad nito... Bakit si Alma moreno? Si Lucio tan. Kung si Norman black, bakit si Redford white? Saan matatagpuan ang Sandara park? Teka bakit tootbrush? Diba dapat teethbrush?

May mga tanong din na hindi na kailangan ng paliwanag. Kagaya na lamang ng mga 'to... Bakit laging nakayuko ang biik? Pati na ang kambing. Isama na rin ang bibe. Panung naging mas mabigat ang karayom sa barko?

Iba ang mga tanong sa totoong buhay, iba din ang sa game show. Pero may mga pagkakataong nalalaman natin ang tamang sagot sa isang game show dahil sa ating mga naranasan sa buhay, at hindi dahil itinuro sa atin sa paaralan. Kaya mo kayang sagutin ang mga to. GAME!

TANONG.
1. Anong gagawin mo sa katabi mo pag nakakita ka ng kotseng kuba?
a.Babatukan sabay saludo b.Hahalikan c.Susundutin ang puwit d.Ipi-plaktos

2. Anong mensahe mabubuo mo kapag tiniklop-tiklop ang beinte pesos?
a.Utang ka hof b.Dalwa marboro c.Bli ka ng pilip d.Chmpion isa

3. Bago naging ch.7 ang eat bulaga saang mga channel ito nagpalipat-lipat?
a.11-10-9-8 b.3-4-5-6 c.13-9-5-2 d.2-4-6-8

4. Kanino sidekick si boknoy the fighting ball?
a.Maskrider black b.Machine man c.Ultraman d.Fiveman

5. Anong flavor ng ice-drop ang kapalit ng mga naipon mong bote ng patis o suka sa bahay?
a.Strawberry b.Rockyroad c.Melon d.Munggo

6. Ano get-up ng isang sabongero?
a.Hanes-Maong-Beachwalk b.Hiphop c.Punk d.Emo

7. Ilan ang original members ng care bears?
a.7 b.8 c.9 d.10

8. Anong bulaklak ang dinidikdik para makabuo ng bubbles gamit ang isang walis tingting na pinaikot?
a.Orchids b.Santan c.Gumamela d.Boungavilla

9. Sinong artista ang gumanap bilang Esteban sa sitcom na "Ang Manok ni San Pedro"?
a.Lito Pimentel b.Herbert Bautista c.Dolphy d.Vic Sotto

10. Anong laro ang ginagamitan ng dalawang kahoy na magkaibang laki?
a.Sak-Bang b.Langit-lupa c.Syato d.Sumpit

11. Ano ang nilalagay sa tali ng saranggola para makahuli ng isang saranggola?
a.Karayom b.Blade c.Gunting d.Bubog

12. Anong candy ang kinakain pati balat?
a.Stay Fresh b.Vicks c.White rabbit d.Bigboy

13. Ano ang nilalagay sa ilalim ng bangkang papel para magpaikot-ikot ito?
a.Tide b.Gard shampoo c.Fanta Rootbeer d.Agua net

14. Pag may love problems ka, kaninong Dj ka hihingi ng mensahe?
a.Cristy Fermin b.Kuya Cesar c.DJ Horsey-horsey d.Joe D mango

15. Ano ang paboritong pagkain ni Pong pagong?
a.Pritos Ring b.Saging c.Mikmik d.Ovaltine


Kung ganyan lang sana mga tanong sa game show, milyonaryo na ako.
Osiya sagot na para magkaalaman na sino dito matatanda. Hahaha!

Thursday, June 25, 2009

Jai Ho

Teka bibilang lang ako. Isa, dalawa, anim, labing-apat, twenti seben... di ko na matandaan. Di ko na mabilang ilang beses na kong sumablay sa mga kumpanyang inaplayan ko dati. Anong magagawa ko hanggang dun palang ang kaya ng utak ko. Kaya ayon not qualified. At isa pa, ang kulit ko, pilit akong nagpapass ng mga resume sa mga kumpanyang alam kong babagsak ako. Eh nagmamagaling ako eh. Feelingero.

Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Lalong lalo na naniniwala pa rin ako sa milagro. Oo milagro. Naniniwala ako darating ang araw BAKA bigla na lang ako maging milyonaryo. Di natin masabi na BAKA...
...may lolo pala akong negosyanteng intsik pamanahan ako. Baka si Henry Sy.
...may biglang mahulog sa akin na isang bag na puno ng pera galing sa lumilipad na eroplano. Wag lang sanang barya. Maawa na kayo.
...mag ala-Robin Padilla ako, at makasagip ako ng buhay ng taong hinostage. Bigyan ako ng malaking pabuya.
...makatisod ako ng gold bar sa kanto habang pagewang-gewang sa sobrang kalasingan.
...bigla akong makatuklas ng gamot na maiimbag sa medisina.
...bigla akong makaimbento ng isang klasi ng alak. O alternatibo sa yosi.
...manalo sa isang gameshow tulad ni Jamal ng Slumdog Millionaire.

Maaring pweding mangyari. Katulad na lang nung kumpare kung walang ibang alam dati kundi uminom lang at makipag-away. Ngayon, may-ari siya ng isang gasolinahan sa Antipolo. Biglaan yun, at sabi sakin namana daw sa isang kamag-anak. Buhay nga naman, unpredictable.

Hindi ko sinasabing umasa ka sa mga sinasabi ko, hindi ko rin sinasabing wag kang umasa. Ang sa akin lang, paano ka mananalo ng lotto kung hindi ka naman tumaya? Kahit araw-araw ka pang mag-novena. Ikaw ang may hawak sa buhay mo, may sarili kang pag-iisip, may sarili kang desisyon, may mga bagay lang na talagang itinadhana.

"Tadhana'y merong trip na makapangyarihan..." -Rico Blanco


PS. Nainspired ako nung si Jamal kaya gagawa din ako ng sarili kong korning 'Who wants to be a Millionaire' based sa mga naranasan ko sa buhay. Wahaha. ;)

Monday, June 22, 2009

Drakula

Nuong nakaraang taon, sa Baguio city ako namalagi sa loob ng limang buwan hanggang Disyembre. Training ang pakay ko dun sa isang kumpanya. Every 2 weeks or minsan higit pa kung umuwi ako dito sa amin. Hindi maikakaila, marami talagang kababalaghang istorya o mga pangyayaring nakakakilabot ang bumabalot sa syudad na ito. At aaminin ko marami akong naranasang makapanindig balahibo dito. Isa na itong drakula.

Heto ang istorya.
Aakyat ako ng Baguio nun. Madaling araw ako umalis dito sa Pampanga. Ang tantiya ko mahigit kumulang 5 oras ang biyahe. Umalis ako sa amin 12mn, so siguro mga 6am nandun na ako. Maliwanag na siguro ang kalsada nun sabi ko sa aking sarili. Pero hindi ko inaasahan, napakabilis ng biyahe. 4am pa lang nasa Baguio na ko. Madilim pa at mabibilang mo ang mga tao sa daan. Napakalamig. Kinakabahan ako.

Naglakad-lakad ako ng kaunti para maghanap ng taxi. Halos ganito ang sabi ng lahat ng taxi aking pinarahan.

Saan ka?
Sa KIAS po.
Ay sensya na hindi ako nagagawi dun. Sa iba na lang.

Naintindihan ko sila. Hindi ka talaga makakapagbiyahe papuntang KIAS ng ganuong oras. Dahil maraming milagro dito. Lalo na pagpasok mo ng daan ng Scout barrio, na puro matataas na puno, at paliko-likong makipot na daan. Walang mga bahay, walang ilaw tanging headlight lang ng sasakyan. Napakadilim, napakalamig, nakakatakot.

May isang taxi huminto at sakay ako kaagad sa likod. Nung papaandar na ito dun niya pa lang tinanong kung saan ako bababa. Pagkasabi ko ng Kias, bumagal ang takbo nito. Na para bang nag-iisip at gusto akong ibaba at pasakayin na lang sa iba. Pero wala na siyang nagawa.

Wala akong imik sa loob ng taxi, tanging radiophone ang maririnig mo na may nagsasalitang lalaki na nagsasabi kung saan lugar may mga pasaherong naghihintay din ng taxi. Tulad ng inaasahan ganuon ang itsura ng daan. At parang kami lang ang nagbibiyahe duon dahil walang kasalubong o kasunod na sasakyan.

Pagpasok namin ng Scout barrio. BIGLANG nag-iba ang tono ng boses ng lalaki sa radiophone. Magulo ito. Minsan malakas minsan mahina. Pero may maiintindihan kang salita tulad ng... Maaaayyy...Saaa... Raaakkkkk...Laaaa... Bbiiii... NAPAKALAKI at NAPAKALAMIG ng boses. Nakakatakot. Kinikilabutan na ko. Hindi ko magawang kausapin si manong. Pilit niyang pinapatay ang radiophone pero ayaw tumigil nito. Binuksan din niya ang mismong radyo ng taxi pero walang makuhang istasyon at kusang humihina ang volume nito. Mmaaayyyy... Rrraaaakkkk.... Laaaaa... Nagiging maliwanag ang naririnig namin ni manong sa radiophone. Papalakas ng papalakas. Maayyy... Drrraaaakkkllllaaaa... Saaaa bbbbiiii moooo. Maayyy Drrraaakkkuuulllaaa saaa taaaabbbiii mooooo!!!! Napapikit ako. Kinikilabutan. Nanginginig. Ayoko lumingon sa kung saan-saan. Napamura sa sarili ko. TangiNa! Mamatay ako sa nerbiyos nito. Lahat ng balahibo ko nagtaasan. Pabilis ng pabilis ang pagmamaneho ni manong. Walang pakelam sa mga amps, at minsa'y napupunta sa left lane ng daan. Buti wala kaming nakakasalubong na sasakyan. Paulit-ulit ang nagsasalita... hindi ako makahinga. Namumutla na ako. Kung biro lang ito, HINDI NAKAKATUWA. Hanggang sa bigla na lang ito huminto.

Malapit na akong bumaba at may mga ilaw na. Sa tabi lang po, sabi ko. Kumukuha ako ng pera sa wallet, nakatingin sa akin ng diretso si manong. Hindi ko alam anong ibig niyang sabihin. Baka iniisip niya ako yung drakula o siya ang drakula. Nanginginig pa rin ako sa takot kaya di ko na pinansin yun. Dali-dali akong pumasok ng apartment at ginising ang mga kasama ko para ikwento ang nangyari. Sabi nila natural daw lang yun, at maraming ganuon sa Baguio.

Marami pa kong naranasang nakakakilabot sa Baguio. Tulad nung nakausap ko sa cellphone. Yung di maipaliwanag na pagkatok sa pinto namin. Yung paglalakad ng isang tao sa likod ng kasama namin. At marami pang iba.

Teka, parang may nakikita akong sumisilip sa bintana mo. Pakitingin nga, parang batang duguan ang mukha.

Saturday, June 20, 2009

Tamagotchi

Mahilig akong maghilamos sa likod ng bahay namin pagkagising. Dahil sa presko at maaliwalas ang pakiramdam.

Noong isang araw, nagulat ako sa aking nakita. Isang sanggol ang nasaksihan kong nilalanggam malapit sa gripo namin. Wala ng buhay ito, at sa tantiya ko dalawang araw ng patay. Masangsang ang amoy. Basang-basa ang katawan. Dahil sa madalas na pag-ulan, nalunod siguro ito nung minsang umulan ng malakas. Napasuntok tuloy ako sa may pader. Nag-iisip. Nagtatanong. Nasaan kaya ang pusang-inang Nanay ng kawawang kuting na ito.

Maraming pusang ligaw dito sa amin. Hindi naman namin sila balak alagaan, lalo na ako dahil allergic ako sa mabalahibo. Pero minsan binibigyan naman namin sila ng makakain. Wala din akong alagang kahit na anong hayop. Para kasing wala akong pasensya pagdating sa ganyan. Ayoko kasi ng makalat, pero ako mismo ay makalat.

Lubos ang awa ako dun sa patay na kuting, katulad ng pagkainis ko sa kanyang ina. Kung sanang naging tamagotchi na lang siya, ako mismo tatayong magulang niya. Isang pindot lang, makakakain na siya. Isang pindot lang, mapapatulog ko na siya.

Maraming bata dito sa bansa natin hindi nalalayo ang buhay sa kuting. Pinababayaan ng sariling magulang.

Naisip mo rin ba? Mas maganda yata kung pati buhay ng tao ganun na rin. Na parang isang tamagotchi. Napakasimple. Napakagaan. Isang pindutan lang.


PS. Happy father's day!

Wednesday, June 17, 2009

Indoor oh!

Babala: Pakilunok muna ang kinakain bago basahin.

Naranasan mo na bang kumain habang umeebak? Teka, alam ko tanong mo. Sinong sira ulo gagawa nito? Sagot ko... AKO! Nagawa ko 'to dahil sa pagmamadali. Hahaha. Try mo ang galing. Ang sarap. Para kang sirang slot machine na ayaw tumanggap ng barya.

Napansin ko lang pag hindi ko na talaga mapigilan umebak. Na habang papalapit ako sa banyo lalong gustong kumawala nito sa loob ng aking katawan. Naghuhubad palang ako ng brief may sumisilip na. Para bang merong di maipaliwanag na magnetic force ang ebak at inidoro. O sadyang close lang talaga ang dalawang ito at hindi matiis ang isang araw na di pagkikita.

Saktong pagbaba ng ebak ay ang masayang pagbati sakin ng inidoro na may kasama pang water fountain na abot hanggang puwet. Hindi lang yun isang masigabo at dumadagundong na pagsalubong ang maririnig mo sa buong banyo.

Naalala ko tuloy ang dabarkads kong si Pong.
Retreat kinabukasan kaya napagdesisyunan na lang naming matulog sa iisang apartment ng aking mga dabarkads. Paggising niya naghahanap agad ito ng sounds. Pang-araw-araw na ritwal na siguro niya ang magsounds habang naliligo. Dahil sa maaga pa at nakakahiya sa mga kapit-bahay, hindi siya napagbigyan sa kanyang hiling. Kamot tuloy siya ng ulo papasok sa banyo.

Pagsara ng pinto ng banyo... Brrruuuuu...BuuuLLLwwwwAaakkkK! BLaakbbbbakkK! BuuuLwakk!

Anak ka ng pagong! Kaya ka pala naghahanap ng sounds para di ka namin marinig umebak. Napapailing na lang kami habang naririnig ang kanyang pinapakawalan. Paglabas niya ng banyo, tawa lang siya sa kanyang ginawa.

Pero sa totoo lang, ang sarap kaya nun. Ebak sabay utot. Yun ang SUCCESSSSS!!! ;)

Monday, June 15, 2009

Reseta

Tumambay ako saglit dun sa botika ng aking insan. May pinapaayos kasi siya sa kanyang PC. Dahil nagmamagaling ako, natsambahan at naayos ko naman.

Panay ang ikot niya sa loob ng kanyang botika, dahil sa minu-minutong pagdating ng mga tao. Nakakalungkot isipin, tag-ulan na kasi at nauuso na naman ang iba't-ibang sakit.

Naisip ko tuloy bigla, ayos pala ang ganitong negosyo lalo sa panahong ito. Ang kailangan ko lang gawin ipanalangin lagi kay Bro na sana maraming taong magkakasakit at dapuan ng kung anu-anong impeksiyon. Kaya lang, siyempre pag ibinulong ko kay Bro yun baka bunutin niya ang isa niyang pako sa kamay at itusok sa bumbunan ko. At sabay sabing... Minsan mo na nga lang AKO kausapin yan pa hihilingin mo.

Sabi nila bawal magkasakit. Di ba masarap ang bawal? Ibig sabihin... MASARAP MAGKASAKIT.

Totoo. Pag may sakit ka, may mga dadalaw sa'yo. Ibig sabihin nun nag-aalala sila. Mahal ka nila. Ang mga kaaway mo, makikipagbati sa'yo. Dahil naawa sa kalagayan mo. May mga dalang pasalubong. Prutas, donut, at kung anu-ano pa. Ang may sakit mahirap pakainin yan. Kaya ito na ang pagkakataon mo para humiling ng gustong kainin. Sa ganitong paraan nabibigay ang luho mo sa pagkain. Ang sarap ng may sakit.

Pag may sakit ka...
...ikaw ang may hawak ng remote control ng TV. Ikaw ang batas.
...hindi ka papasok sa trabaho. Sarap matulog maghapon.
...hindi ka mauutusan. Ikaw ang mag-uutos.
...ang SARAP.

Pag may sakit ka...
...nauubos ang kayamanan mo. Pambili ng gamot.
...napeperwisyo ang lahat sa'yo. Pati trabaho mo napapabayaan.
...may nalulungkot. Hindi nila alam kung ito na ang umpisa ng iyong pagpanaw.
...ang SAKLAP.

May mga pagkakataong hindi talaga maiwasan ang magkasakit. Kaya tulad ng lagi kong sabi sa'yo. INGAT! Sa madaling salita, mahalaga ang buhay.

Iwasan ang reseta.

Friday, June 12, 2009

Puwit mo

puwit ng kawali - maitim
puwit ng baso - peke
puwit ng pridjider - makalawang
puwit ng monitor - maalikabok
puwit ng kotse - mausok
puwit ng baboy - mabaho

puwit ng sapatos - pudpod
puwit na may pigsa - nakakadiri

173 congressman/woman na bumoto sa HR 1109. Puwit niyo korteng piso!
Puwit ni gloria? Hmmm... kayo na bahala. Walang pinagkaiba sa mga puwit sa taas.

Puro puwit mo iniisip mo. Pano kami? Pano sila? Puwit mo. Puwit mo. Puro ka puwit mo.
Gustong mong maging prime minister ang puwit mo? Tapos ano? Martial law? Anak ng puwit naman.

Gloria forever? PUWIT MO!

Nakakahiyang aminin, CONGRESSMAN NAMIN, isa sa mga pumirma sa gustong mangyari sa puwit ni gloria. Binoto pa naman kita, mukha ka rin palang puwit! Pinahiya mo ko, puwit ka!

Kahit wala akong naintindihan sa pol-scie naming subject noon, hindi ibig sabihin, hindi ko maiintindihan ang pinamumukha sa atin ng mga mukhang puwit na congressman/woman na mga ito. Lalung lalo na ang planong pagsampal ng puwit ni gloria sa atin.

May con-ass kapang nalalaman dyan. PUWIT MO!

Araw pa naman ng kalayaan. Mapapailing kana lang sabay kamot sa bumbunan.

PS. puwit ng manok - masarap pamulutan. Lalo na pag inihaw. ;)

Tuesday, June 9, 2009

Lokgnut sa alaw

Sa bahay.
Bihis na bihis ako suot ang nilabhang t-shirt at baon na polo, na isinabit at pinatuyo sa likod ng pridjider. Hirap magpatuyo ng damit ngayong tag-ulan. Pupunta akong maynila. Kaarawan niya kasi. Bago lumuwas dumaan muna sa pinakamalapit na mall para bumili ng mumunting regalo. Ok. Ayos na lahat. Larga.

Sa bus.
Inilabas ang paborito kong libro. Sudoku. Nasosolve ko 'to less than 7mins. Naks nagyabang pa, EASY lang naman ang difficulty. Teka, di ba automatic ang pagkuha ng ticket sa nlex? Bakit may mamang pulis na nag-aassist sa driver para iabot ang ticket? Para san ang automation? Useless.

Kita tayo sa jollibee malapit sa inuupahan namin. Lam mo na yun di ba?
Ok sige sige.
Teka may payong ka ba? Lakas ng ulan dito.
Wala nga eh.


Sa jollibee.
Ah sir paki-iwan na lang po ang payong dito sa labas.
Ay ganon ba. Ok.

Napilitan kong iwan ang chuchal kong payong.

San mo nanaman napulot ang payong mo?
Sa monumento. 50 isa. Disposable. Hindi tatagal ng 5 araw at pang-3 gamitan lang. Pag nahanginan siguradong babaliktad ito at hindi na babalik sa dati. O diba chuchal.

Paglabas sa jollibee.
Teka may nawawala.

Anak ng tokwa kinuha pa ata yung bwiset na payong na yun.
Ah sir baka natabunan lang po.
Nadinig pala ako ni manong guard. Mabilis akong mag-isip ng masamang bagay sa mga pagkakataong tulad nito.
Ay ayun, natabunan nga lang pala kala ko ninakaw.

Sayang din ito pweding pamalo ng daga sa amin pagkatapos gamitin.

Arigunding-gunding-arigunding.
Sa bahay nila andun din ate niya. Nagkumustahan lang ng kaunti at panik agad ang ate niya sa taas. Naiwan kaming dalawa sa baba. Wala naman kaming ginawa. Lambingan lang. Pero marumi ang konsensya ko. ;)

Pupunta daw kaming Libis mamyang gabi para i-meet ang kanyang mga prens.

L-Series.
Sa LRT. As usual, siksikan. Tulakan. Tahimik ang mga tao. Pagod siguro. Malayo pa station namin para i-meet ang kanyang mga prens. Unti-unting nauubos ang tao.


Tiniw-tinininiw-tiw tiniw-tinininiw-tiw tiniw-tinininiw-tiw. Isang eskandalosong ringtone ang pumutol sa katahimikan sa loob ng LRT. May mga nangisi dahil sa nakakatuwang tunog ng cellphone. Naulit ito ng madaming beses. Hindi ko alam bakit ayaw sagutin ang tawag, na parang nagmumula sa loob ng bulsa o bag. Medyo maluwang na rin ang LRT wala ng maglalakas loob na mangholdap. At sa tingin ko wala ng magkakainteres sa tunog lumang unit na telepono.

Next station na at pumupwesto sa pinto ang estudyanteng babaeng bababa. Habang naglalakad ito, naglalakad din ang tunog ng telepono. BINGO! Ikaw ang salarin.

Teka. Tanong lang. Nakakawala ba ng poise ang ringtone ng cellphone? Hindi naman siguro tatawag yun ng pauli-ulit kung hindi mahalaga ang sasabihin. Nahihiya ka bang ilabas ang Lumang-Series mong fone? Ganun na ba kaimportante sa tao ang cellphone na mamahalin at bago?

Meet her prens.
Kumustahan. Batihan. Halikan. Yakapan. Piktyuran. Masaya silang nagkita-kita. Masaya din ako dahil masaya silang kasama. Kwela. Maingay. Makwento. Hindi ka magsasawa. May kanya kanya silang istorya. Ang iba nag-sisideline ng negosyo. Meron sa kanila nagpapa-aral ng kapatid. Di tulad kong sariling buntot lang ang hila-hila... nahihirapan pang idala.

Habang kumakain.
Napunta ang topic sa trabaho. Puro sila mga accountancy graduate. Kaya halos sa bangko sila nagta-trabaho.

Ikaw san ka nag-wowork? tanong ng isa niyang kaibigan sa akin. Hindi ako nabigla, ineexpect ko ang tanong na yun.
Ah... eh... wala,hehe sa bahay lang... Hindi na nasundan pa ang tanong. Bigla tuloy akong napaisip. Oo nga pala kalahating taon na pala akong tambay. Walang ginawa kundi magpalaki ng bayag. Asan na ba ko? Ano nga bang ginagawa ko dito? Ah basta. Ayokong sayangin ang gabi. Itinigil muna ang pagmumuni-muni. May oras para dito.

Pagkatapos kumain.
Kala ko magsho-shot na. Hindi pala. Coffee-coffee na lang daw. Alam ko naman na hindi sila matakaw sa alak tulad ko. Saka kung magsho-shot man sila, hindi ako iinom. Dahil hindi ako umiinom ng kaunti.

Hatid sundot.
Madaling araw na kaming naihatid sa bahay. Kami lang dalawa. Nagtext ate niya nasa gimikan daw. Dahil sa hapong-hapo na kami pareho, naghilamos lang saka na nagpahinga. Wala naman kaming ginawa. Pero marumi ulit ang konsensya ko. ;)

Kinabukasan.
Tinext ko si ermats at sinabing mamyang gabi na lang uuwi. Walang reply kahit K man lang. Pero feeling ko masayang-masaya si ermats dahil wala ako sa amin ng 2 araw. Haha.

Fakeful.
Nilubos na namin ang araw dahil kinabukasan balik ulit siya sa trabaho at weekends na naman ulit kami magkikita. Hirap ng sitwasyong ganito. Yung tipong pag namimiss mo siya gusto mong halikan o yakapin pero di mo magawa. Pero kunsabagay ok na rin ang ganito. Buong week, walang nagbabantay. Actually wala naman talaga akong ginagawang makakasakit sa kanya. Pero marumi na naman ang konsensya ko. ;)

Bye bye.
Papalubog na ang araw. Inihatid niya ko sa sakayan ng bus. Hirap magpaalam. Nasanay kasi akong kasama siya. Maghapon. Magdamag. Masaya.

Ngayon.
Balik na naman ako sa wala. Tungkol sa wala.

Sunday, June 7, 2009

Child Trafficking

Huwag ka na munang tumingin sa mga bituin, ika'y madarapa... -Pochoy Labog

Isang kampanya tungkol sa isyu ng child trafficking ng Visayan Forum Foundation, Inc.

Spread the campaign. Not the H1N1 flu. Sensya na ito lang ang nai-ambag ko sa bagay na to.

Astig talaga ang bandang ito. Sayang nga lang disbanded na. Kinakalabit ang namamanhid nating kaluluwa. Maka-pinoy. Maka-tao. Laging may pahaging sa gobyerno ang mga komposisyon.

HOY GUMISING KA!!!

Credits: Youtube; Jenobili

Wednesday, June 3, 2009

Fitting room

Hunyo na naman. Nauuso na naman ang pagpapakasal. Hindi ko alam anong meron sa buwan na ito at ang hilig magsisisiksik sa simbahan ngayon ng mga mag-kasintahan para tuluyan ng maging legal ang kanilang pagtatalik. Ay pagsasama pala.

Siyanga pala. Bakit may mga taong parang bumibili lang damit kapag pumipili ng mapapangasawa?
Una. Titignan ang disenyo.
Pangalawa. Ang price.
Pangatlo. Ang size.
Pang-apat. Pag nakita ang gustong size. Ifi-fit.
Huli. Ang kalidad.

At pag nagsawa at naluma na? Shopping ulit. Available naman lagi ang fitting room.