Showing posts with label may bukas pa. Show all posts
Showing posts with label may bukas pa. Show all posts

Friday, December 25, 2009

Maligayang Kaarawan Bro!

Pag-ibig. Pag-ibig. Pag-ibig.


Maligayang Pasko po sa ating lahat!



Pag-ibig. Pag-ibig. Pag-ibig.

Thursday, August 20, 2009

Deal

May pamahiin o kasabihan ang matatanda na... kapag nanaginip ka daw na natanggal ang isa mong ngipin, may miyembro ng pamilya mo o malapit sa'yo ang mawawala na sa mundong ito. Mamamatay. Marami na akong beses nanaginip ng ganito, ang huli ay nung Martes. Wala naman nangyayari, kasabihan nga lang. Di naman nagkakatotoo, dahil na rin siguro sa kinokontra ko. Tama. May pangontra sa kasabihang ito. Kagatin mo daw ang kahit na anong kahoy ng ilang segundo pagkagising mo. Yan ang aking ginagawa, kinakagat ko ang computer table o kaya kabinet ko. Wala naman mawawala kung susubukan. Mabuti at nilolock ko ang aking pinto, baka kasi may biglang pumasok habang kagat-kagat ko ang aking kabinet. Ano kaya ang magiging reaksiyon nila pag nakita nila akong ganun? Itatali siguro ang kamay at ididiretso agad ako sa loob ng Mandaluyong.

Kanina naman ang panaginip ko... ginigising daw ako at hinalikan sa pisngi ni ermats. Isang pangyayaring hindi pangkaraniwan saming mag-ina. May mga sinasabi daw siyang mga habilin, na tila ba nagpapaalam na. Iyak daw ako ng iyak sa aking panaginip.

Parang hindi ko yata gusto ang mga napapanaginipan ko lately ah. Parang may hindi tama. Ayokong isipin na senyales ito ng isang bangungot sa totoong buhay. Ayokoyokoyokoyoko.

High-blood si ermats. Ngayon lagi siyang nahihilo at tumataas ang presyon. Isa na rin siguro ang puyat at siyempre hindi mawawala ang kunsimisyon sa aming magkakapatid.

Nakipagkasundo ako kay Bro, magkikita kami sa darating na linggo. Ang gusto ko lang mangyari... aayusin ko na buhay ko, iwas bisyo, tutuparin ko na mga pangarap ko, magsisipag na ako, magiging mabuting tao at lahat ng gusto niya gagawin ko... basta wag niya lang muna kukunin ang aming ina.

Hindi pa tapos ang obligasyon ko bilang anak. Wala pa nga akong naibibigay na kapalit sa kanyang mga sakripisyo, na alam naman nating hindi matutumbasan ng kahit na ano. Hindi naman maluho si ermats, hindi na siya naghahangad ng isa pang bahay at lupa, o mga sasakyan. Ang gusto lang niya makapunta sa iba't ibang bansa. Makapamasyal. Sa ngayon dalawang bansa palang napupuntahan niya, Hongkong at ang Pinas. Kaya pag ako yumaman pucha, bibili ko siya ng sariling eroplano.

Sana. Sana. Sana senyales ito ng magandang paggising. Sana binubuhusan lang ako ng malamig na tubig ni Bro para bumangon.

Kailangan ng tumayo. Magpagpag ng unan. Magtupi ng kumot. Magligpit ng higaan. Minsan kailangan mo talagang managinip para gumising.

Friday, July 3, 2009

Taning

"Tuloy lang ang buhay. Ganun talaga. Iniisip ko na lang wala akong sakit..." Yan ang sabi sakin kagabi ng aking barkadang si Bochok. Napakabilis ng nangyayari sa kanyang buhay. Napakalungkot.

Sabi nila dati, Diyos lang ang may alam kung kelan ka mawawala sa mundo. Pero dahil sa makabagong panahon ngayon, modernong mga kagamitan, mabibilang na ang nalalabi mong oras.

Mahigit walong taon na din kaming magkaibigan. Laging magka-grupo sa ano mang proyekto nung kolehiyo. Isang kalabit niya lang sakin nun, layas agad kami sa unibersidad namin at diretso sa inuman. Kahit may exam walang pakialam. Uso naman ang removal. At alam naman namin makakabawi kami kinabukasan. Magaling kasi siya. Kahit anong programming languages alam niya. Kaya ayun, may kopyahan ako.

Pagkagraduate namin, kanya-kanyang hawak na ng buhay. Di na uso ang removal. Wala na ring kopyahan. Hindi na professor magtuturo sa'yo kundi sarili na mismo.

Lumipas ang ilang taon, nagkaruon siya ng sariling pamilya. Magandang trabaho. Nagkasama din kami dati sa kanyang pinapasukang trabaho. Mataas ang kanyang posisyon sa isang kumpanya kaya ipinasok niya ko.

Base sa sinabi niya kagabi, matagal na ang limang taong ilalagi niya dito sa mundo. Wahahaha. Nakakatuwa naman ang joke na yun. Pero hindi pala biro. Seryoso. Tsk! Napailing ako.

Kidney failure. Nagresearch ako tungkol dito. Maraming paliwanag, yung iba di ko na maintindihan. Isa lang ang alam ko. Ang tangnang sakit na ito ang papatay sa kaibigan ko.

Gumagastos siya ngayon ng mahigit-kumulang sampung libong piso kada buwan, para lang i-maintain ang kanyang kalusugan. Maswerti siya dahil mataas ang kinikita niya. Kundi, di na siya aabot ng isang taon. Sabi daw ng kanyang doktor, 1M ang kidney transplant. Pero walang kasiguraduhan na gagaling siya dun. Dahil posibleng pagdating ng araw hindi rin tatanggapin ng kanyang katawan ang batong isinuksok sa kanya.

Limang taon? Maximum. Hindi natin alam ang pweding mangyari sa bawat isa sa atin. Maaaring mas maaga pa siya dun. O di kaya, maaaring mauna pa 'ko sa kanya. Hindi natin masasabi. Pero limang taon? Taning? Parang sa bawat titig niya sa kanyang tatlong taon na anak na walang kamuwang muwang, ay ang sabay na pagtitig din niya sa kanyang orasan.

Ang dating basagulero at lasenggero, ngayon mahal ng lahat. Ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak naluluha pag nakikita siya. Naaawa sa kanyang kalagayan. Naging malapit din siya sa iba niyang pamilya. Naging mas malapit pa sa kanyang ina at ama. Naging malapit sa lahat... lalo na sa Diyos na dating tinalikuran niya.

Buhay nga naman. Minsan kailangan mong masugat para maghilom ang mas malalim na sugat.

Sunday, June 28, 2009

Wait

Meron mga tao minsan sinisisi ang Diyos dahil sa sunud-sunod na mga problemang dumarating sa kanilang buhay. Nakakahiyang aminin dumating na ko sa puntong ganun. Sinisi ang Diyos. Nagtampo sa kanya. Nagalit. Oo tama, mali ako. Kaya nga lubos ang aking pagsisisi nung mga panahong yun. Hindi ko kasi alam nun, na nasa kabilang lane pala ako ng daan. Kaya madaming bumabangga, lahat sumasalubong sa akin. Wasak na wasak ako. Malalaman mo na lang na mali ka kapag huli na ang lahat. Minsan kasi mismong tao na rin ang gumagawa ng kanyang mga problema. At hindi dahil sa hindi siya napagbigyan ng Diyos.

Simbang gabi nuon. Napakasaya ng mga tao pati na ako. Lalong nagpasaya sa amin ang sinermon ng pari. Sabi ni father, nakalimutan ko ang pangalan pero hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi. Isa sa tatlong SAGOT na mga ito ang ibibigay sayo ng Diyos pag may hinihiling ka sa kanya...

Una: YES. Ibibigay niya ang gusto mo.

Pangalawa: NO. Dahil may ibibigay siyang MAS higit sa inaasam mo.

Pangatlo: WAIT. Hintay ka lang at darating ang araw malulula ka sa mga tinatanggap mo. Dahil bigay lang siya ng bigay ng bigay ng bigay ng bigay...

Thursday, June 25, 2009

Jai Ho

Teka bibilang lang ako. Isa, dalawa, anim, labing-apat, twenti seben... di ko na matandaan. Di ko na mabilang ilang beses na kong sumablay sa mga kumpanyang inaplayan ko dati. Anong magagawa ko hanggang dun palang ang kaya ng utak ko. Kaya ayon not qualified. At isa pa, ang kulit ko, pilit akong nagpapass ng mga resume sa mga kumpanyang alam kong babagsak ako. Eh nagmamagaling ako eh. Feelingero.

Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Lalong lalo na naniniwala pa rin ako sa milagro. Oo milagro. Naniniwala ako darating ang araw BAKA bigla na lang ako maging milyonaryo. Di natin masabi na BAKA...
...may lolo pala akong negosyanteng intsik pamanahan ako. Baka si Henry Sy.
...may biglang mahulog sa akin na isang bag na puno ng pera galing sa lumilipad na eroplano. Wag lang sanang barya. Maawa na kayo.
...mag ala-Robin Padilla ako, at makasagip ako ng buhay ng taong hinostage. Bigyan ako ng malaking pabuya.
...makatisod ako ng gold bar sa kanto habang pagewang-gewang sa sobrang kalasingan.
...bigla akong makatuklas ng gamot na maiimbag sa medisina.
...bigla akong makaimbento ng isang klasi ng alak. O alternatibo sa yosi.
...manalo sa isang gameshow tulad ni Jamal ng Slumdog Millionaire.

Maaring pweding mangyari. Katulad na lang nung kumpare kung walang ibang alam dati kundi uminom lang at makipag-away. Ngayon, may-ari siya ng isang gasolinahan sa Antipolo. Biglaan yun, at sabi sakin namana daw sa isang kamag-anak. Buhay nga naman, unpredictable.

Hindi ko sinasabing umasa ka sa mga sinasabi ko, hindi ko rin sinasabing wag kang umasa. Ang sa akin lang, paano ka mananalo ng lotto kung hindi ka naman tumaya? Kahit araw-araw ka pang mag-novena. Ikaw ang may hawak sa buhay mo, may sarili kang pag-iisip, may sarili kang desisyon, may mga bagay lang na talagang itinadhana.

"Tadhana'y merong trip na makapangyarihan..." -Rico Blanco


PS. Nainspired ako nung si Jamal kaya gagawa din ako ng sarili kong korning 'Who wants to be a Millionaire' based sa mga naranasan ko sa buhay. Wahaha. ;)

Monday, June 15, 2009

Reseta

Tumambay ako saglit dun sa botika ng aking insan. May pinapaayos kasi siya sa kanyang PC. Dahil nagmamagaling ako, natsambahan at naayos ko naman.

Panay ang ikot niya sa loob ng kanyang botika, dahil sa minu-minutong pagdating ng mga tao. Nakakalungkot isipin, tag-ulan na kasi at nauuso na naman ang iba't-ibang sakit.

Naisip ko tuloy bigla, ayos pala ang ganitong negosyo lalo sa panahong ito. Ang kailangan ko lang gawin ipanalangin lagi kay Bro na sana maraming taong magkakasakit at dapuan ng kung anu-anong impeksiyon. Kaya lang, siyempre pag ibinulong ko kay Bro yun baka bunutin niya ang isa niyang pako sa kamay at itusok sa bumbunan ko. At sabay sabing... Minsan mo na nga lang AKO kausapin yan pa hihilingin mo.

Sabi nila bawal magkasakit. Di ba masarap ang bawal? Ibig sabihin... MASARAP MAGKASAKIT.

Totoo. Pag may sakit ka, may mga dadalaw sa'yo. Ibig sabihin nun nag-aalala sila. Mahal ka nila. Ang mga kaaway mo, makikipagbati sa'yo. Dahil naawa sa kalagayan mo. May mga dalang pasalubong. Prutas, donut, at kung anu-ano pa. Ang may sakit mahirap pakainin yan. Kaya ito na ang pagkakataon mo para humiling ng gustong kainin. Sa ganitong paraan nabibigay ang luho mo sa pagkain. Ang sarap ng may sakit.

Pag may sakit ka...
...ikaw ang may hawak ng remote control ng TV. Ikaw ang batas.
...hindi ka papasok sa trabaho. Sarap matulog maghapon.
...hindi ka mauutusan. Ikaw ang mag-uutos.
...ang SARAP.

Pag may sakit ka...
...nauubos ang kayamanan mo. Pambili ng gamot.
...napeperwisyo ang lahat sa'yo. Pati trabaho mo napapabayaan.
...may nalulungkot. Hindi nila alam kung ito na ang umpisa ng iyong pagpanaw.
...ang SAKLAP.

May mga pagkakataong hindi talaga maiwasan ang magkasakit. Kaya tulad ng lagi kong sabi sa'yo. INGAT! Sa madaling salita, mahalaga ang buhay.

Iwasan ang reseta.

Saturday, April 11, 2009

Ampon

Paano kung natuklasan mong hindi ka pala tunay na anak? Anong gagawin mo? Sasama ba loob mo? Siguro. Magwawala ka ba? Manununtok. Magiging adik-adik. Keber lang. Suicide? Grabe naman 'yun.

Unang tanong na papasaok sa'yo.
"Saan ang tunay kong mga magulang?"
Pangalawang tanong.
"Bakit nila ako pina-ampon?"
Pangatlong tanong.
"Bakit nila ako pina-ampon?"
Pang-apat na tanong.
"Bakit nila ako pina-ampon?"
Panglimang tanong.
"Bakit nga ba?"

Pangunahing depensa ng totoo mong mga magulang...
"Gusto lang kitang magkaroon ng magandang kinabukasan anak..."
At ang isasagot mo...
"'Wag mo ako tawaging anak. Hindi kita ina. Iniluwal mo lang ako! Hmmp!"
Naks! Pangdramarama sa hapon. Pang-AM radio.

Marahil may malalim na dahilan ang isang tao kung bakit nagawa niya ang ganun.
Hindi ko din masisisi ang isang anak sa kanyang naging emosyon.
Hindi ako si Bro para husgahan kung sino tama o mali.

Ang 'di ko lang maintindihan. Bakit ang regalong ipinagkaloob sa'yo ng Diyos ay nakuha mong ipamigay? Iba pa rin kasi magmahal ang tunay na ina't ama.

Naniniwala din ako. Kahit gaano kahirap ang buhay, mabubuhay at mabubuhay pa rin naman tayo kahit papaano.

Tanong mo...
"What if sina Angelina Jolie at Brad Pitt, okaya si Madonna, ang aampon sa anak mo. Papayag ka ba?"
Sagot ko...
"Pag-iisipan ko."

Hahaha! Langya. Lokohan na 'to.

Friday, April 10, 2009

Tinatamad ako

Magbubuhat sana ako ng krus kaso tinatamad ako. Magpipenitensiya sana ako kaso tinatamad ako. Magsisimba sana ako kaso tinatamad ako. Magdadasal sana ako kaso tinatamad ako. Magvivicita iglesia sana ako kagabi kaso tinamad na ako.

Lord tulungan niyo naman po ako...

Anak tinatamad ata ako...

...Sige ibaba mo bubuhatin ko.