Thursday, July 14, 2011
3 years
Sunday, May 22, 2011
Pagkikita
Kagabi, binilang ang kakaunting pera at dumaan sa isang malapit na mall para bumili ng damit. Pagdating ng bahay, sukat dito, sukat doon. Itinabi pa ang paboritong brief para sa kinabukasan. Talagang pinaghahandaan. Bukas, sa pinagusapang tagpuan, maaaring makita ko na ang aking sarili.
Ang bilis ng mundo, parang laging nagmamadali. Ang hirap sumabay, nakakahilo. Maaaring ito na ang kahuli-hulihang pagkikita, maaari ding hindi. Pero nabibilang na ang mga oras ko, dahil pinili kong tuparin ang aking mga pangarap, hindi dito, kundi sa napakalayong lugar.
Hindi mapakali. Nakatingin sa orasan, tatawa bigla. Walang hiya hindi mapakapaghintay, nauna ng pinaandar ang nagaalburotong isipan. Ang saya siguro nito, siguro magsusubuan kami habang magkahawak kamay tapos tapos... Taena para akong bata.
Tama, parang wala rin namang pupuntahan to. Papatayin lang namin ang isa't isa. Ayokong lamunin ng kilig. Gustuhin ko man, pero mahirap i-slow-mo ang mundo. Walang makapagbabago ng aking isipan, dahil nananaig pa rin sa akin ang makatikim ng kahit na kaunting karangyaan. Pero ayoko magsalita ng tapos. Tulad ng nabanggit ko, maaring dito ko makita ang sarili ko.
Ayoko munang mag-isip ng kung anu-ano. Ayokong bumitaw 'tong pananabik na nararamdaman ko.
Antagal naman, may inaasikaso pa ata o baka hindi makapili ng damit. Pinaghahandaan din ata. Hahaha...
Ayos! May mensahe...
"Cancel na muna. Sorry."
Ngayon, nakatulala sa tala.
Saturday, February 5, 2011
Night shift
Tsik!tsik! Iiiissstt... Hoooohhhh...
Yosi, candy, ID, barya, panyo, celfone. Mga laman ng aking bulsa papasok ng opisina. Oras ng pahinga pero isa ako sa mga kumakayod na tirik pa rin ang mga mata habang ang karamihan ay nakahilatay at nakanganga.
Malamig dito sa labas. Malakas ang hampas ng gabi sa aking mga buto't kalamnan. Gustong-gusto ko ang hangin. Gustong-gusto ko itong yumayakap. Alam kong hinding-hindi ako nito sasaktan kahit anong bagsik ng gabi. Tangay nito ang mainit na usok na ibinubuga ng aking bibig, kasama ang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Pag-aalinlangan, takot, sakit at lahat.
Mga bagay na walang kasiguraduhan. Mga bagay na hindi ko na malaman at maintindihan. Wala naman kasing tiyak dito sa mundo. Kamatayan lang.
Marami akong gustong mangyari sa buhay ko. Kaya ako matiyagang nakikipaglaban sa puyat at antok. At pinipigilang wag mainggit sa mga taong walang humpay na nagtatagayan sa mga oras na to.
Pero sa mga pagkakataong ganito nakikita ko ang aking sarili na mas nasisiyahan. Nararamdaman kong malaya ako. Napakasimple kasi ng buhay kapag ganito. Malayang nakapaglalakbay ang aking diwa patungo sa maliwanag na buwan at kumikislap na mga bituin. Isang taasan lang ng kamay parang abot ko na mga ito.
Lahat naman pweding mangyari. Kailangan lang ng magandang timing at puso.
Hindi pala nakakatamad at nakakabato pag night shift. Sapat na ang hangin kaagapay ko sa napakalayong paglalakbay.
Dahan-dahan lang ipikit ang mga mata, unti-unting iwanan ang alaala at tuluyang mawalan ng malay.
Tumunog na ang bell. Balik muna sa katotohanan.
Saturday, July 24, 2010
Bombilya
Ang lamig ng singaw ng aircon ng bus. Di ko maiwasan na hindi yakapin ang sarili.
Ito ang isang bagay na gustong-gusto kong ginagawa pag bumibiyahe, kaysa manuod sa walang kakwenta kwentang barilan at patayan ng mga banyaga na nanggagaling sa piniratang dvd. Mas nanaisin kong ituon ang mata sa daan at pagmasdan ang ganda ng paligid. Nakakarelax. Ang sarap sa pakiramdam.
Ayaw ko man humarap sa telebisyon pero nakuha nito ang atensyon ko ng tumayo ang isang kanong pasahero sa harapan para kausapin ang kundoktor. Pinatay ng kundoktor ang dvd player, marahil alam ko na kung bakit.
Bago pa man ako bumiyahe pinagbigyan ko muna ang kumakalam kong tiyan sa isang fast food chain. Napatingin ako sa isang tatay at dalawang masasayang bata ang nagsasalo-salo sa kanilang inorder na pagkain. Mukhang may okasyon. Pagkatapos ng kanilang maliit na selebrasyon, napansin kong nagliligpit ng pinagkainan ang tatay na hindi naman dapat dahil may mga service crew na gagawa dun. Maswerte ang kanyang mga anak. Saludo ako sa tatay.
Naniniwala ako marami tayong natututunan matapos ang isang mahabang araw. Minsan hindi lang natin napapansin o ayaw nating pagtuon ng pansin. "Learning is a continuous process" ika nga nila. Sa pang-araw-araw nating buhay marami tayong nakakasalamuhang mga taong maaaring magpabago ng takbo ng ating kasalukuyan, at magbigay sa atin ng pag-asa kapag tayo‘y lugmok sa problema. Mga taong nagsisilbing inspirasyon sa atin at pinapakita ang kabutihan tulad ng mga taong nakakasabay natin sa paglalakbay, sa pagkain, at sa kahit ano pa mang bagay. Mga taong may respeto sa sarili at makatao. Mga taong disiplinado at nagpapakita ng magandang halimbawa.
Sa mga taong ito nakakakita ako ng pag-asa. Pag-asang mabago ang mundo, kahit pumupundit-pundit na lang sila tulad ng mga bumbilyang pinagmamasdan ko.
Monday, June 14, 2010
Hangover
Ang hirap bumangon…
PU+@#$%^&*!!!! DI NA KO IINOM!!! -Pamosong linya ng mga taong may hangover tulad ko.
Parang nasa talampakan ang ulo ko. Ang aking utak parang ginagawang sisig. Parang naka-limang round ako na walang hugutan sa bigat at lupaypay na aking katawan.
Ano na naman kayang nangyari kagabi? Anong kabalbalan at kahihiyan na naman kaya ang nagawa ko? Yan ang unang una kong inaalala paggising ko. Dahil sa isang masaya at halakhakang inuman lahat pweding gawin. Walang limitasyon. Walang kontrol. Tawanan. Humagalpak hanggang magdugo ang lalamunan. Ganyan kagaan ang buhay kapag umiinom, para kang nakalutang sa dagat ng alak.
Gusto kong tubig. Malamig na malamig, nagyeyelo. Softdrinks na lang. Noodles. Mami. Goto. Kape kaya? Kapeng mainit na mainit. Kapeng malamig? Starbucks?
Teka, papaano ba uminom ng kape sa Starbucks o sa kahit saan pa mang bonggahan na kapehan? Nagbabago ba ang lasa nun kapag dalawang oras mong iniinom? Dapat ba laging may tira? Sosyalan. Aminin na natin ang ibang nagpupunta sa mga ganyan nagpapanggap lang. Taas noo pa nga eh habang nakaupo. Nakikipagsabayan kahit hindi naman kaya.
Sa inuman meron din na nagpapanggap. Nagpapanggap na walang pera kapag bayaran na. Nagpapanggap na lasing na para lang makauwi na. Nagpapanggap na masaya, pero nasasaktan pala. Nakikipagsabayan kahit hindi naman kaya. Maraming taong ganyan umiinom para lumimot panandalian sa malupit na takbo ng buhay. Pero ang masaklap, kinabukasan, masakit na ang ulo kumikirot pa rin ang puso. Hangover talaga.
Sa tindi ng hangover na nararam…
ARAY!!!
Pucha! Si manong langgam lumapit pala sa akin. Di na nakayanan ang pasan na pasan na problema dahil sa bungangerang asawa. Nagsuicide.
Tuesday, June 8, 2010
Hintay
Kwentuhan. Tulog ang mundo, malamig ang gabi. Ambilis lumakbay ng hangin tangay ang lungkot at takot. Magkasama. Biglang tawa. Tahimik. Walang imik. Biglang yakap, sabay halik. Mahigpit hanggang sa kadulo-duluhang matamis na parte ng labi. Mga sandali sa buhay na kailanman hindi matutumbasan ng kahit anupaman. Mas masarap pa sa napakalamig na bote ng alak.
Ayoko ng sumikat ang araw sa mga pagkakataong ganun. Ayokong ipikit ang mga mata ko kahit sobrang pagod na pagod na. Ayokong bumitaw sa mundong kaming dalawa ang nagmamay-ari. Gusto ko lang ganun. Yun lang. Wala na akong hihilingin. Yun lang.
Tik-tak-tik-tak…
Ang hirap labanin ng oras, alam kong kaya nitong lamunin ang kahit na anong bagay, pati na ang mga sandaling tulad nun. Pagtalukbong ng kumot, pagsikat ng araw, panibagong takbo ng buhay. Kailangan ko na namang masanay ng nag-iisa ng mga ilang araw at ilang gabi. Hindi ko alam kung kailan na naman mauulit ang mga bagay na gusto kong ulit-ulitin kasama siya.
Tik-tak-tik-tak…
Hintay. Wag muna. Huwag na muna nating tapusin…
Thursday, January 28, 2010
Earphone
Kanya-kanyang trip ng musika. Palakasan ng volume. Hindi maiiwasang marinig mo din ang pinakikinggan ng katabi, lalo na kung ang volume niya ay nakakapagpa-rakenrol ng kanyang tutuli. Pasensyahan na lang kung hindi mo trip ang kanyang mga banat.
Pero nahihirapan talaga ang utak ko sa kakaisip. Bakit kaya yung lalaking yun na katabi ko kanina na malaking katawan na mukhang rapist na siga kung umasta, na kala mo kung sino kung magpausog ng pasahero makaupo lang ng maayos ang damuho, pag-upo niya sabay masid sa mga nakaupo sabay saksak ng kanyang earphone...
"I'm your biggest fan, I'll follow you until you love me...
Papa-paparazzi..."
Wiiiiiiiiih! Ganyanan ah Lady Gaga.
Friday, December 25, 2009
Maligayang Kaarawan Bro!
Maligayang Pasko po sa ating lahat!
Pag-ibig. Pag-ibig. Pag-ibig.
Friday, December 18, 2009
BJDP
-Pogi
-Gwapo
-Cute
-Ma-appeal
-Matikas
-Sexy